1. Home
  2. Lipunan
  3. Imigrasyon

Saskatchewan nagdagdag ng 100 nominees sa programa sa imigrasyon

7,350 nominees ang darating sa pamamagitan ng Saskatchewan Immigrant Nominee Program

Website ng Saskatchewan Immigrant Nominee Program sa screen ng desktop.

Noong Nobyembre 30, 2023, ang Ministry of Immigration ng Saskatchewan inanunsyo na dadagdagan ang nominasyon sa kanilang Immigrant Nominee Program.

Litrato: CBC News

RCI

Magdadagdag pa ng 100 nominees ang Saskatchewan ngayong 2023 sa kanilang Saskatchewan Immigrant Nominee Program (SINP).

Umabot ang kabuuang bilang para sa taong ito sa 7,350 — ang pinakamataas sa kasaysayan ng programa.

Bukod dito, noong unang bahagi ng Nobyembre, pinalawak ng probinsya ang oportunidad para sa permanent residency sa mas maraming tao sa pamamagitan ng pagdaragdag ng 279 intermediate at lower-skilled na trabaho sa kanilang Nominee Program.

Tumatanggap din ang Saskatchewan ng humigit-kumulang 6,000 na bagong imigrante kada taon sa pamamagitan ng mga programa ng pederal na gobyerno.

Hinuhubog ng imigrasyon ang kinabukasan ng Saskatchewan, at ang pagtaas sa alokasyon ng Saskatchewan Immigrant Nominee Program ay tutulungan ang ating probinsya na tugunan ang lumalaking mga pangangailangan ng ating ekonomiya, ani Jeremy Harrison, ang immigration at career training minister ng Saskatchewan, sa isang news release.

Ang Saskatchewan ay walang problema sa pag-akit ng mga imigrante. Noong 2022, ginamit ng probinsya ang kanilang full federal allocation na 6,040 nominations sa ilalim ng Saskatchewan Immigrant Nominee Program.

Nitong unang bahagi ng taon, naabot ng probinsyal na gobyerno ang isang kasunduan sa pederal na gobyerno na taasan ang taunang alokasyon para sa mga tao sa programa sa susunod na ilang taon. Ayon sa kasunduan na iyon, ang programa ay lalaki sa 8,000 nominees sa 2024 at 8,500 sa susunod na taon.

Isinusulong ng probinsya sa gobyerno ng Canada na bigyan sila ng mas malaking awtonomiya sa imigrasyon. Noong 2022, prinopose ng probinsyal na gobyerno ang Saskatchewan Immigration Accord. Pahihintulutan nito ang Saskatchewan na magtakda ng sariling immigration levels, mamili ng skilled immigrants na naka-align sa kanilang labour market needs, muling itaguyod ang isang family class immigration stream at bigyan ang probinsya ng kontrol ukol sa disenyo at delivery ng settlement at integration services.

Isang artikulo ni Parastoo Dokouhaki (bagong window), CBC News na isinalin sa Tagalog ni Catherine Dona.

Mga Ulo ng Balita