1. Home
  2. Isport
  3. Basketbol

[Ulat] Mga Pinoy sa Southwestern Ontario nagkrus sa idinaos na liga ng basketbol

Nagkampeon ang koponan ng Carguy sa liga na idinaos sa London, Ont.

Mga manlalaro ng basketbol sa final game sa pagitan ng Carguy at Takusa.

Nagtagisan ang koponan ng Carguy at Takusa sa championship match ng LAFBC Winter League na ginanap sa gymnasium ng Catholic Central High School sa London, Ont.

Litrato: Isinumite ni Dayanara Empuerto

Rodge Cultura

Nagbanggaan sa basketbol ang mga koponan ng Pilipino mula sa iba’t-ibang siyudad sa Southwestern Ontario sa ginanap na open winter basketball league sa Middlesex County.

Inorganisa ang liga ng London All Filipino Basketball Club (LAFBC) at idinaos sa London, Ontario. Inasahan na walong koponan ang maglalaban-laban pero umabot sa 14 na koponan ang nagpresenta na lalahok para sa naturang liga.

Mahigit dalawang oras ang biniyahe ng koponan ng Kabayan Badgers mula Windsor para lang makasali sa liga. Ang iba sa mga koponan nanggaling pa sa mga lungsod ng Kitchener, Oakville, Hamilton-Brantford at Strathroy. Dalawang koponan naman ang binuo para sa mga manlalaro ng basketbol sa London para sa ginanap na liga.

Lumalaki na talaga ang grupo. Dito mas masaya [at] kahit malayo binabiyahe nila, sabi ni London All Filipino Basketball Club Commisioner Randy Comandante na ikinatuwa ang partisipasyon ng mga koponan.

Mga manlalalro sa final games sa pagitan ng Carguy at Takusa.

Pinag-aagawan ang bola sa first half ng final game sa pagitan ng Carguy at Takusa matapos nagmintis ang isang tira sa net sa court ng koponan ng Takusa, London, Ont.

Litrato: Screengrab/Isinumite ni Dayanara Empuerto

Mabilis na lumalaki ang komunidad ng mga Pilipino sa probinsya ng Ontario dahil na rin sa mataas na bilang ng mga dumating na international students. Bihira sa komunidad ng mga Pilipino mula sa iba’t-ibang siyudad ng probinsya ang magkonek para sa isang event. Ang idinaos na liga ng basketbol ang nagsilbing tulay para sila magkikita-kita habang ini-enjoy ang laro na kinahiligan ng marami mula sa kani-kanilang mga komunidad.

Karamihan kasi naga-gadget na lang. Dito na lang sa bola. Ball is life! Kahit ano'ng iskedyul magagawan nila ng paraan. May na-meet pa [na] friends, may family, kalugar nila [sa Pilipinas] kaya excited din sila [at] dala pasyal ... parang namamasyal na rin, sabi ni Comandante.

Randy Comandante pagkatapos ng championship match.

Isang liga ng basketbol pa ang idadaos bago magtapos ang 2023 ayon kay LAFBC Commissioner Randy Comandante.

Litrato: RCI/Rodge Cultura

Kasama sa line-up ng koponan ng Carguy si Emmanuel Bantigue habang pinapanood ng asawa ang laro.

Napi-feel mo na nasa Pilipinas ka lang. All out sila sa pagsuporta. Sobrang busy tayo sa Canada kaya kailangan ng ganito para iwas tayo sa stress at burnout. Maganda sa mental health, sabi ni Bantigue.

Tinalo ng team Carguy (London) ang koponan ng Takusa, galing Oakville, Ont., sa final score na 77-65 nang tumunog ang buzzer sa final match ng liga.

Koponan ng Carguy matapos mag-champion sa liga.

Ipinagdiwang ang championship win kasama sina Carguy coach Clomid Prado, pangatlo sa kaliwa, Ryan Miano, playing coach, at ang buong koponan ng Carguy, London, Ont.

Litrato: Isinumite ni Clomid Prado

Tinanghal na kampeon ng liga ang Carguy. Napili bilang most valuable player ng liga si Bantigue.

'Yong championship game po namin very intense, very competititve. [Pero] isports lang naman, ani Bantigue. All out ang bawat isang team. Maganda ang kinalabasan. Talagang matagal na kaming nagkakasama kung baga may chemistry na 'yong laro namin [sa team ko].

Si Emmanuel Bantigue hawak ang championship trophy.

Masayang ipinakita ni Emmanuel Bantigue ang nakuha na championship trophy ng kanyang koponan pagkatapos ng liga. Si Bantigue ang napili na most valuable player ng liga.

Litrato: RCI/Rodge Cultura

Sa darating na Disyembre 2, isang liga pa ang ikinakasa ng London All Filipino Basketball Club para sa kategorya 35 and up bago matapos ang taon.

Rodge Cultura

Mga Ulo ng Balita