1. Home
  2. Politika
  3. Tahanan

[Ulat] Aksyon para sa abot-kayang pabahay, renta panawagan ng kilos-protesta sa Toronto

Dinala ng ilang grupo sa kalsada ang sigaw para sa agarang aksyon laban sa rekord na pagtaas ng renta at presyo ng bahay

Mga taong nagprotesta sa kalsada ng Toronto.

Sumama sa ginanap na martsa ang daan-daang Torontonians na inorganisa ng iba't-ibang grupo para ipanawagan ang aksyon ng gobyerno sa nagtataasan na renta ng tirahan at presyo ng bahay.

Litrato: RCI/Rodge Cultura

Rodge Cultura

Isinisigaw ng mga Torontonian na sumama sa kilos-protesta ang kanilang mga hiling para sa agarang pagkilos ng gobyerno ng Canada na makontrol ang lumolobo na renta at ang sobrang taas na presyo ng bahay.

Enough is enough, sigaw ng grupo habang nilibot ang pangunahing lansangan sa downtown Toronto Miyerkules ng hapon. Hawak-hawak ng mga nagprotesta ang mga plakard at kani-kanilang bandera habang nakabuntot ang mga sakop ng pulisya na nakaantabay sa kalsada habang naglalakad ang grupo.

Nagmartsa sa kalsada sa Toronto, Ontario, ang ilang grupo para ipanawagan ang agarang aksyon ng munisipal, probinsyal at pederal na gobyerno na resolbahin ang lalo pang tumaas na renta ng tirahan at ang lumilipad na presyo ng bahay.

Gusto po namin ng aksyon sa munisipal at probinsyal na gobyerno. [Kailangan] may gawin silang aksyon at solusyon para sa mga taong nangangailangan ngayon, sabi ni Toronto ACORN community organizer Ken Capati.

Ken Capati nakasalamin at nakatingin sa camera.

Tumutulong sa pag-organisa ng protesta si Toronto ACORN Community organizer Ken Capati para aniya marinig ang boses ng mga nahihirapan sa tumataas na renta ng mga tirahan.

Litrato: RCI/Rodge Cultura

Ang Association of Community Organizations for Reform Now (ACORN) ay isang multi-issue community union sa Canada ng mga indibidwal na mababa o katamtaman lang ang kinikita.

Ang lungsod ng Toronto ay pangalawa sa mga siyudad sa buong Canada na may pinakamataas na singil sa paupahang unit ayon sa inilabas na report ng Rentals.ca at Urbanation. Sa ulat, nasa $2,607 ang average rent para sa isang tirahan na may isang kuwarto. Aabot naman sa $3,424 ang average na renta para sa two-bedroom unit.

Ayon kay Capati, isang Canadian Filipino, higit na nagpapabigat sa kahirapan ng marami ang mataas na renta sa tirahan at kailangan ang konkretong aksyon sa lahat ng lebel ng gobyerno.

Para [ito] sa mga taong nagrerenta, mga taong magrenta [pa lang] o nangarap magkaroon ng sariling bahay pati sa mga estudyante, sa mga newcomers dito sa Canada - Pilipino man o hindi. Gusto naming maisiguro na meron tayong ligtas at healthy home para sa lahat ng Torontonians, giit ni Capati.

Ipinapanawagan din ng grupo ang proteksyon para sa mga tenant na napipilitang ibakante ang tirahan dahil sa renoviction at demoviction. Kanilang panawagan na mabigyan ng kasiguraduhan ng akomodasyon at masunod ang karapatan na makabalik sa mga nirentahan na gusali para sa may ginagawang malakihang repairs.

Hinihiling ng Association of Community Organizations for Reform Now Canada na magpatupad ang lahat ng lebel ng gobyerno ng rent control sa lahat ng gusali sa mga probinsya sa buong bansa at simulan ang isang rental registry para i-track ang renta ng mga paupahan na units.

Meron kaming over 300,000 mahigit na members sa buong Canada. At silang lahat pareho ang problema - unaffordable housing, lack of cleaning, repairs at upgrade sa apartment nila, ani Capati.

Sinabi ni Capati na umaapela ang grupo para sa sama-samang pagkilos ngayon - sa munisipal, probinsyal at pederal na gobyerno. [Ito ay] call for action, awareness. Siguraduhin natin na ang maraming tao hindi nila maramdaman na mag-isa sila. May mga tao na nagkaroon ng ganitong problema at naririnig namin kayo, ani Capati.

Hiling ng grupo na pondohan ang social housing para sa low-income na mga pamilya.

Sa sideline ng isang event sa Toronto ay naging maiksi ang binitawang pahayag ni Toronto City Mayor Olivia Chow nang hingan siya ng komento ukol rito. I always supported for rent control. Absolutely, that is what we need. [And] that is why we need to build 65,000 units of rent-controlled homes which is part of my plan, sabi ni Mayor Chow sa Radio Canada International habang siya ay paalis sa event.

Mga nagprotesta naglalakad sa kalsada hawak ang plakard na nakasulat ang rent control at affordable housing.

Mga nagprotesta sigaw ang panawagan na kontrolin ang pagtaas ng renta at isulong ang abot-kayang pabahay, Lungsod ng Toronto.

Litrato: RCI/Rodge Cultura

Sa taya, nasa two-thirds ng Canadians ang nagrerenta ng matitirhan sa buong bansa. Inamin sa 2023 Fall Economic Statement na inilabas ng pederal na gobyerno na malinaw na kulang at hindi sumasapat ang suplay ng rental apartments pati na lahat ng uri ng pabahay kumpara sa pangangailangan ng lumalaking populasyon ng Canadians. Sa pagtataya aniya ng Canada Mortgage and Housing Corporation (CMHC) ay kailangan ang 3.5 milyon na bagong bahay na maipatayo pagsapit ng 2030 para muling magkaroon ng abot-kayang tirahan ang Canadians. Ito ay hindi posible sa bilis ng konstruksyon sa mga rental apartment at ibang mga pabahay sa ngayon.

Para tulungan na mas mabilis na maitayo ang dagdag na rental apartments ay inanunsyo ng pederal na gobyerno ang dagdag na $15 bilyon na loan funding para sa 2025-26 sa ilalim ng Apartment Construction Loan Program.

Naglaan din ng dagdag na $1 bilyon para sa Affordable Housing Fund sa susunod na tatlong taon. Inaasahan na makapagtatayo ng 7,000 na bagong bahay ang popondohan na mga non-profit, co-op at public housing pagsapit ng 2028.

Ang pinansyal na bahagi ay isa lang sa mga hadlang para taasan at bilisan ang konstruksyon ng pabahay para sa Canadians. Sinabi sa huling 2023 Fall Economic Statement na ginagawa ng pederal na gobyerno ang mga hakbang para makipagtulungan sa munisipal at probinsyal na gobyerno sa buong bansa para matigil ang red tape, mapabilis ang pag-apruba sa permit at tanggalin ang restriksyon sa zoning ng lupa nang sa ganun ay mapabilis ang konstruksyon.

Populasyon, housing action plan sa Ontario

Ang Ontario ang probinsya na may pinakamabilis na pagtaas ng populasyon sa North America. Sa taya, nasa 500,000 ang itinaas ng populasyon ng probinsya noong 2022.

Ang Toronto ang pinakamalaki na siyudad at isang economic hub, ito rin ang pangunahing destinasyon sa turismo ng probinsya ng Ontario at ng bansa. Mahalaga ang pagpapatakbo ng gobyerno sa lungsod sa tagumpay ng Ontario at ng Canada. Pero nahaharap sa deficit ng pondo ang lungsod na nakakaapekto sa pagpapatakbo ng siyudad kasama na ang pampublikong transportasyon, imprastraktura at pabahay.

Batay sa tracking ng housing supply action plan, naumpisahan na sa Ontario ang pagpapatayo ng 96,000 na bagong bahay habang 15,000 naman na rental units noong 2022. Plano ng probinsya ang makapagtayo ng 1.5 milyon na tirahan pagsapit ng 2031.

Mga nagprotesta naglalakad sa kalsada sa harap ng Toronto City Hall.

Nakiisa sa martsa ang grupo ng York South-Weston Tenant Union na nanawagan na itsek ng gobyerno ang pagsunod ng mga landlord sa batas sa rent control, Lungsod ng Toronto.

Litrato: RCI/Rodge Cultura

Kaugnay na ulat

Noong Setyembre, inanunsyo ni Ontario Premier Doug Ford at Mayor Chow ang binuo na working group para talakayin ang pagtutulungan na gagawin sa gitna ng deficit sa pondo ng lungsod. Sa isang release mula sa probinsyal na gobyerno ng Ontario noong Lunes ay inanunsyo na naabot ng gobyerno ng Toronto at Ontario ang isang bagong kasunduan na inaasahang magbibigay-daan para sa long-term na pagpopondo ng lungsod kasama ang pabahay.

Ang Ontario ay pumayag na magbigay ng pondo sa lungsod na aabot sa $1.2 bilyon sa pamamagitan ng operating support ng probinsya sa susunod na tatlong taon bilang bahagi ng kasunduan.

Ang makasaysayang bagong kasunduan ay makakatulong sa paglago ng Toronto sa hinaharap, habang ginagawa ang pagtutulungan na prayoridad sa pagtatayo ng bahay, public transit at imprastraktura, saad sa pahayag ni Premier Ford.

Pumayag naman ang lungsod ng Toronto na tuparin o higitan ang target sa pabahay ng probinsya. Kabilang dito ang hanapin at magamit ang bakanteng lupa ng lungsod para sa pagpapatayo ng mga bahay.

Ibig sabihin nito ay may dagdag na ilang bilyon ang lungsod para sa abot-kayang pabahay, ayusin ang lumang transit system at kumpletuhin ang pagtayo ng komunidad na may child care, community centres, plasa at maraming iba pa, saad sa pahayag ni Mayor Chow.

Sa ilalim ng Toronto housing strategy ay itinaas ng lungsod ang aaprubahan na paupahan na tirahan pagsapit ng 2030 - mula sa 40,000 ay itinaas sa 65,000 ang pinagsamang bagong target para sa rent-controlled homes.

Sa ulat noong Oktubre, may pondo na para sa 4,455 na itatayong mga tirahan. Hinahanap pa ang pondo na nagkakahalaga sa pagitan ng $28.6 bilyon at $31.5 bilyon na tinatayang kakailanganin sa susunod na pitong taon para maitayo ang 60,545 na bahay sa ilalim ng bagong ambisyon para sa bagong malawakang housing strategy sa lungsod ng Toronto.

Rodge Cultura

Mga Ulo ng Balita