- Home
- Lipunan
- Katutubo
[Ulat] Paano nakiisa ang mga Pilipino sa National Day for Truth and Reconciliation?
Ginunita ng mga Pilipino ang araw na ito sa Canada at Pilipinas

Ang mga Pilipino at Canadian na mga tauhan sa Embahada ng Canada sa Pilipinas ipinagdiwang ang National Day for Truth and Reconciliation sa pamamagitan ng pagsusuot ng orang t-shirt.
Litrato: X / @AmbDBHartman
Ngayong Sabado, gugunitain sa buong Canada ang isang mapait at masakit na bahagi ng kasaysayan ng bansa para sa mga katutubong tao na binubuo ng First Nations, Métis at Inuit.
Ang National Day for Truth and Reconciliation na unang idinaos noong 2021 ay isang taimtim na pag-alala sa mga katutubong bata na pinuwersang pumasok sa mga residential school sa Canada. Ito ay pinondohan ng gobyerno at pinatakbo ng iba’t-ibang simbahan mula noong 1870s hanggang 1997 upang matuto ang mga katutubong bata ng wikang Ingles, yakapin ang Kristiyanismo at tanggapin ang mga kaugalian ng mga puti, ang mayoryang grupo sa Canada. Napilitan ang mga batang ito na iwan ang kanilang pamilya at talikuran ang kinalakihan na kultura.
- Paano sundan ang coverage ng CBC sa 2023 National Day for Truth and Reconciliation
- Canada ipinagdiwang ang ika-2 na National Day for Truth and Reconciliation
Isang mapait na karanasan
Karamihan sa mahigit 150,000 na mga batang pumasok dito ay nakaranas ng kalupitan sa kamay ng mga institusyong nagpatakbo sa mga residential school. Sila ay pisikal, sekswal o sikolohikal na inabuso at sa kasamaang-palad, ay hindi na nakabalik sa kanilang mga tahanan.
Ayon sa National Centre for Truth and Reconciliation na sumuri sa mga residential school, mahigit 4,000 na bata ang namatay habang pumapasok sa mga eskuwelahan na ito dahil sa malnourishment o pagkakasakit. Ang mga namatay na bata ay binaon sa unmarked graves sa paligid ng mga naturang eskuwelahan.
Noong 2008, nagbigay ng pormal na apology si Prime Minister Stephen Harper sa House of Commons sa ngalan ng gobyerno ng Canada ukol sa residential schools at sa pinsalang idinulot nito sa mga Indigenous.
Matatandaan na humingi rin ng tawad si Pope Francis sa Indigenous people para sa trahedyang naganap sa residential schools noong Hulyo 2022 nang siya ay bumisita sa bansa. 70 porsyento ng residential schools ay pinatakbo ng Simbahang Katolika. Bukod sa Simbahang Katolika, ito rin ay pinatakbo ng Anglican, Methodist at Presbyterian churches.
Pakikiisa ng mga Filipino Canadian
Sa ikatlong taon ng paggunita sa National Day for Truth and Reconciliation, ang mga Pilipino sa Canada at maging sa Pilipinas ay kapwa nagpahayag ng pakikiisa sa Indigenous people.
Nag-post ng mensahe ang Embahada ng Canada sa Pilipinas sa X, ang social media platform na dating kilala bilang Twitter, tungkol sa okasyon. “We recognize the legacy of Residential Schools, & the painful, ongoing impact on generations of First Nations, Inuit & Métis peoples. It is a day to honour both the Survivors and the many children lost forever. The path toward reconciliation is about acknowledging the truth, building an understanding and repairing relationships as we move toward healing,” ani David Hartman, ang ambasador ng Canada sa Pilipinas.
Suot ang kulay kahel na t-shirt, nag-pose para sa isang litrato si Hartman at ang kanyang mga Pilipinong kasamahan sa Canadian embassy.

Ang mga Pilipino at Canadian na mga tauhan sa Embahada ng Canada sa Pilipinas ipinagdiwang ang National Day for Truth and Reconciliation sa pamamagitan ng pagsusuot ng orang t-shirt.
Litrato: X / @AmbDBHartman
Ang National Day for Truth and Reconciliation ay kilala rin bilang Orange Shirt Day. Ang pagsusuot ng kulay kahel na t-shirt ay simbolo ng pagbura sa kultura, kalayaan at pagpapahalaga sa sarili na naranasan ng mga katutubong bata sa paglipas ng mga henerasyon.
Sa probinsya naman ng Manitoba, isang event na inorganisa ng Philippine-Canadian Centre of Manitoba (PCCM) ang naganap upang parangalan ang mga katutubong bata sa pamamagitan ng pagkukuwento, musika at pagkain.
Idinaos ang Indigenous Circle: Bridging Canadian and Philippine Indigenous Communities
sa lungsod ng Winnipeg noong Biyernes. Nang tanungin si Dante Aviso, ang chairperson ng programs and events para sa PCCM, ni Faith Fundal ng programang Up to Speed kung bakit mahalaga para sa Filipino Canadians na kilalanin ang araw na ito, nabanggit niya ang pagkakatulad ng mga katutubong Pilipino sa Indigenous people ng Canada.
This is very important because in observance of the Truth and Reconciliation Day, we would like to connect communities particularly our indigenous brothers and sisters to have a deeper understanding of what reconciliation is. So, as there are some similarities [between] the Filipino indigenous communities and the Manitoban Indigenous communities in their life struggles, in their land claims, and histories.
Dagdag pa ni Aviso dahil isang minority group ang mga katutubong Pilipino hindi ito binibigyan ng prayoridad ng kasalukuyang administrasyon. Ayon sa International Work Group for Indigenous Affairs, isang organisasyon na nakatuon sa pagtatanggol ng mga karapatan ng mga katutubo sa buong mundo, ang populasyon ng mga katutubong Pilipino ay nasa 10% hanggang 20% ng 102.9 milyon na national population noong 2010.

Ang mga katutubong Igorot na matatagpuan sa hilagang bahagi ng Pilipinas.
Litrato: culturedays.ca
Tulad ng Indigenous people, ang mga katutubong Pilipino ay nakatira sa geographically isolated na mga lugar na kulang ang access sa mga pangunahing serbisyong panlipunan at kaunti ang oportunidad para sa ekonomikong aktibidad at edukasyon. Sila rin ay nakatira sa isang lugar na may mayamang natural resources na ginagawa silang vulnerable laban sa land grabbing at development.
The Indigenous are already marginalized and they are not given top priority when it comes to reconstruction and resolution for their problems and issues. So that’s why we are doing this event to raise awareness of the struggles of the indigenous, not only the Manitoban Indigenous but the indigenous in the Philippines,
ani Aviso.
- Indigenous at mga Pilipino nagsama sa pamamagitan ng pagkukuwento
- Ang sagot sa iyong mga katanungan tungkol sa residential school system ng Canada (bagong window)
Samantala, ang Filipina Canadians na kasalukuyang naglilingkod sa gobyerno ni Prime Minister Justin Trudeau ay nakibahagi rin sa selebrasyon ng National Day for Truth and Reconciliation.
Si Minister of Small Business Rechie Valdez dumalo sa isang gathering at healing ceremony ng Eagle Spirits of the Great Waters. Sa kanyang post sa X, nagpasalamat si Valdez sa pagbabahagi ng grupo ng kanilang mga istorya habang inaalala ang "kahiya-hiyang nakaraan ng residential schools at sundin ang landas patungo sa rekonsilyasyon."

Minister of Small Business Rechie Valdez kasama ang mga tao mula sa Eagle Spirits of the Great Waters.
Litrato: X / @rechievaldez
Si Senator Gigi Osler, na kinatawan ng Manitoba sa Senado ng Canada, ay pinarangalan ang residential school survivors kasama ang mga kapwa senador.

Senator Rob Black, kaliwa, kasama sina Senator Gigi Osler, gitna, at Senator Ratna Omidvar, kanan.
Litrato: X / @SenatorRobBlack
Ang National Day for Truth and Reconciliation ay ipinagdiriwang sa buong Canada tuwing Setyembre 30.
Available ang suporta para sa sinuman na naapektuhan ng kanilang karanasan sa residential schools o sa mga pinakahuling balita.
Ang national Indian Residential School Crisis Line ay itinaguyod upang magbigay ng suporta sa mga survivor at naapektuhan. Ang mga tao ay maaaring i-access ang emotional at crisis referral services sa pamamagitan ng pagtawag sa 24-oras na national crisis hotline: 1-866-925-4419.
Ang mental health counselling at crisis support ay available din 24 oras, pitong araw sa isang linggo sa pamamagitan ng Hope for Wellness hotline sa numero 1-855-242-3310 o online chat. (bagong window)
May kasamang files mula sa CBC News