- Home
- Politika
- International Politics
Karahasan ng Russia dapat maparusahan ani Zelenskyy sa Canadian parliamentarians
Inanunsyo ng mga Liberal ang $650M na dagdag military aid para sa Ukraine

Nagbigay ng madamdaming talumpati si Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy sa Parlamento ng Canada ngayong Biyernes.
Litrato: Getty Images / AFP / Sean Kilpatrick
Nagbigay ng isang makabagbag-damdamin na talumpati si Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy sa parliamentarians ngayong Biyernes at nanawagan sa Canada at iba pang western allies na samahan ang kanyang bansa sa mahaba at madugong daan patungo sa tagumpay.
Nagbigay siya ng talumpati sa isang joint meeting ng Canadian Parliament ngayong Biyernes kasunod ng mga pagpupulong sa Estados Unidos, kung saan umapela siya para sa mas maraming armas at ni-rebuke ang Russia sa harap ng United Nations General Assembly at Security Council.
Ang buhay at hustisya ay dapat manaig,
ani Zelenskyy sa House of Commons sa isang talumpati na tumanggap ng at least isang dosenang standing ovations.
Kapag nanawagan kami sa mundo na suportahan kami, hindi lang ito tungkol sa ordinaryong alitan. Ito ay tungkol sa pagsagip ng buhay ng milyong-milyong tao. Literal na pisikal na pagsagip, ordinaryong kababaihan, kalalakihan, mga bata, ang aming mga pamilya, buong komunidad, buong siyudad. Ang pagwasak ng Russia sa Mariupol o Bakhmut o anumang iba pang lungsod ay 'di dapat hindi maparusahan.
Nakatanggap ng maraming standing ovation si Zelenskyy mula sa Canadian parliamentarians habang nagbibigay ng talumpati.
Litrato: Reuters / BLAIR GABLE
Ginamit ni Prime Minister Justin Trudeau ang pagbisita upang ianunsyo Biyernes ng umaga ang dagdag na $650 milyon na military aid para sa Ukraine, na nahahati sa loob ng tatlong taon, para makakuha ng 50 armoured vehicles. Kasama sa fleet ang medical evacuation vehicles na gagawin sa London, Ont., aniya.
Huhusgahan tayo ng kasaysayan kung paano natin ipinagtanggol ang ating demokratikong values, at ang Ukraine ay nasa dulo ng sibat ng malaking hamon na ito sa ika-21 na siglo,
ani Trudeau sa House bago ipinakilala si Zelenskyy.
[Si Russian President Vladimir Putin] ay namumuno na may panlilinlang, karahasan at panunupil … Ngunit ang kanyang imperial delusions sa Ukraine ay nakatagpo ng isang mabagsik na depensa. Isang depensa na hindi lang malakas dahil sa suporta mula sa mga kaibigan sa buong mundo, ngunit dahil ang mga lumalaban para sa kanilang kalayaan ay palaging lalaban gamit ang kanilang buong puso.
Nag-alok din si Trudeau ng mas maraming impormasyon tungkol sa $500 milyon na aid package para sa Ukraine na kanyang inanunsyo nang bumisita sa Kyiv noong tag-init. Humigit-kumulang $76 milyon ng package na iyon ay mapupunta para makapagsuplay ng 35 high-resolution drone cameras, habang ang $30 milyon ay itinabi para sa bagong repair facility sa Poland para sa Leopard tanks ng Ukraine.
Magpapadala rin ang Canada ng trainers para sa Ukrainian pilots at mas maraming small arms ammunition.
Inilahad ng gobyerno ang mga bagong sanction ngayong araw laban sa 63 Russian na indibidwal at entidad na sinabi ni Trudeau ay kasabwat sa kidnapping ng mga batang Ukrainian at pagkalat ng maling impormasyon at propaganda. Ang sanctions ay mag-a-apply rin sa mga entidad sa nuclear sector ng Russia na na-sanction na ng international partners ng Canada.
Basahin ang buong istorya rito. (bagong window)
Bahagi ng artikulo nina Murray Brewster (bagong window), Catharine Tunney (bagong window), CBC News na isinalin sa Tagalog ni Catherine Dona.