1. Home
  2. Kapaligiran
  3. Mga insidente at natural na kalamidad

[Ulat] Pinay sa Yellowknife masaya at ligtas na nakabalik ang pamilya sa tirahan

Bumubuti na ang kondisyon sa Yellowknife ayon sa dating Pinay evacuee

Isang ''welcome home'' sign na makikita sa gilid ng kalsada sa ruta papuntang Yellowknife.

Makakauwi na ang mga residente sa Yellowknife simula noong September 6.

Litrato: Radio-Canada

Rodge Cultura

Nakauwi at balik-trabaho na ang marami sa libo-libong residente ng Yellowknife at Northwest Territories matapos sapilitan na pinalikas dahil sa banta ng wildfire noong Agosto.

Nabubulok na mga pagkain sa fridge at namatay na mga halaman ang sumalubong kay Junnah Gesmundo nang makauwi ang pamilya sa kanilang bahay sa Yellowknife.

Tiningnan namin ano'ng nangyari na sa bahay namin, sa tanim namin kasi summer nung umalis kami. May isda pa kami sa aquarium, sabi Junnah.

Si Junnah Gesmundo.

Mahigit dalawang dekada na nakatira sa siyudad ng Yellowknife si Junnah Gesmundo at kanyang pamilya.

Litrato: RCI/Rodge Cultura

Nagpasalamat si Junnah at buhay pa ang kanyang mga alagang isda sa aquarium.

Tatlong linggo na hindi nakauwi sa Yellowknife si Junnah Gesmundo at kanyang pamilya na nagpalipat-lipat ng matutuluyan sa Edmonton Expo Center at sa mga hotel ng siyudad at sa katabing lungsod ng Nisku, Alberta.

Ang pamilya Gesmundo ay napilitang lumikas kasama ang higit 20,000 residente ng Yellowknife nang iutos ang mandatory evacuation noong ika-16 ng Agosto.

Kaugnay na ulat

Nagsimula na payagan ng gobyerno ng Yellowknife na makabalik ang mga residente sa kanilang mga tahanan noong Setyembre 6. Ibinaba sa Evacuation Alert mula sa Evacuation Order para sa mga nakatira sa Yellowknife, Dettah at N’Dilo matapos ang mga ginagawang pag-apula sa apoy at mailatag ang firebreaks sa paligid ng mga komunidad. Gayunpaman, pinaghahanda pa rin ang mga residente sakaling magbago ang galaw ng wildfire at magbago ang kondisyon.

Kasalukuyang ipinatutupad ang fire ban ng open fire pits sa buong Yellowknife.

Ang dapat sana ay 15 oras na biyahe ng pamilya Gesmundo ay umabot pa ng dalawampung oras papuntang Yellowknife mula Edmonton. Isang makapal na usok ng wildfire ang kanilang nadatnan sa highway kaya tatlong oras silang tumigil dahil walang makita sa kalsada.

Talagang we are overwhelmed, exhausted at hindi namin alam kung ano'ng mangyayari, ani Junnah.

Hindi makapaniwala si Junnah sa nangyari at unang pagkakataon sa halos tatlong dekada na paninirahan sa Yellowknife na sila ay napilitang lumikas. Malaki ang kanyang pasalamat dahil ligtas ang kanyang pamilya mula sa paglikas hanggang sa kanilang pag-uwi sa paghupa ng banta dulot ng wildfires.

On a positive side, bonding bilang family nandun sa kabila na hindi mo alam ang [maaring] mangyayari, ani Junnah.

Kaugnay na mga ulat

Sa notice ng re-entry ng siyudad ay binati ng Lungsod ng Yellowknife ang mga nagbalik na residente. “We know the last three weeks have been a challenging, stressful and traumatic time. Returning home will provide comfort to many, but the experience our community has just had to undertake will still be present in our minds,” saad sa inilabas na notice ng siyudad.

Sa taya ng 2021 census ng Statistics Canada, nasa isang libo ang populasyon ng may lahing Pilipino ang nakatira sa Yellowknife.

Bayanihan sa komunidad ng mga Pilipino

Ayon kay Philippine Cultural Association of Yellowknife (PCAY) President Lea Barbosa-Leclerc marami sa Pilipino na lumikas ang pansamantalang nanirahan sa Edmonton, Nisku, Leduc, Red Deer at Calgary sa mga panahon na ipinatupad ang evacuation order. Sinabi ni Lea na pinakanahirapan sa paglikas ang international students at temporary workers nang iutos noon ang paglikas. Evacuation is really hard for some of them and end up having to hitch a ride with somebody that they just meet or hardly know, aniya.

The biggest thing that I notice and observe happening is that the Filipinos [who] have been there for a long time did not hesitate to reach out [and] say, 'You can come with me and I can help you.' So we did a convoy when that evacuation order came out, ani Lea.

Lea Barbosa-Leclerc nakatingin sa camera.

Si Lea Barbosa-Leclerc ng Philippine Cultural Association of Yellowknife.

Litrato: RCI/Rodge Cultura

Ipinakita sa komunidad ng Canadian Filipinos sa mga lungsod ng Edmonton at sa Leduc, Alberta ang pakikiisa sa mga lumikas.

Hindi nagdalawang-isip si Rio Colgan, may-ari ng Filipino restaurant na Rio’s Bistro Bar and Grill, na imbitahan para sa libreng pagkain sa kanyang restaurant ang mga apektado.

At least kahit papaano matulungan ang mga kababayan natin. Kahit paano nakatulong ako sa mga kababayan natin ng konti at napapawi ang lungkot nila, sabi ni Rio.

Rio Colgan nakangiti.

Magaan aniya para kay Rio Colgan ang makatulong dahil naranasan aniya noon ng kanyang pamilya ang mawalan ng tirahan dahil sa sunog.

Litrato: RCI/Rodge Cultura

Bago naman bumiyahe pauwi sa Yellowknife ang mga lumikas ay naghanda ng libreng hapunan si Rio para sa kanila.

The kababayans in Alberta have been very generous ... calling, sending cards, checking if they are okay, sending wishes, providing them ... even [with] accomodations, ani Philippine Cultural Association of Yellowknife President Lea Barbosa-Leclerc.

Kaugnay na ulat

Ipinaalam ng gobyerno ng Yellowknife na marami sa kanilang serbisyo ay maa-access na basic service pa lang habang nasa evacuation alert ang siyudad.

Samantala, sa huling update na ipinost ng gobyerno ng Northwest Territories ay bukas na ang Highway 1, 2, 3, 5, 6, 7 at 9 pero pinag-iingat ang mga magsisibalik na residente na sundin ang road signs at gabay mula sa namamahala sa emergency operations. Nananatiling mausok sa buong Northwest Territories na nakakaapekto naman sa visibility sa lugar kaya ipinaalam na maaaring mabilis na magbago ang kondisyon sa highway (bagong window) at muling isasara ito na walang warning sa mga bumibyahe. Ang Northwest Territories ay nanatiling isinailalim sa Territorial State of Emergency at ang banta ng wildfire ay nagpapatuloy sa buong teritoryo kabilang ang highways at mga pinalilikas na komunidad.

Matatawagan para sa general inquiries ang Lungsod ng Yellowknife sa numero 867.920.5600.

Rodge Cultura

Mga Ulo ng Balita