- Home
- Lipunan
- Imigrasyon
Ika-4 na Filipino food truck festival naganap sa Vancouver
Ito ay tinawag na ‘Manila Comes to Town’

Ang mga food truck ng (L-R) Max’s Restaurant Vancouver, Shameless Buns at Potato Corner nakapila sa Canada Place para sa taunang 3-day Filipino food truck event na tinawag na, “Manila Comes to Town.”
Litrato: PCG - Vancouver
Ang ika-4 na “Manila Comes to Town” Filipino food truck festival ay matagumpay na idinaos sa Canada Place sa Downtown Vancouver, B.C., tampok ang tatlong Filipino food truck: Max’s Restaurant Vancouver, Potato Corner at Shameless Buns, noong Agosto 30 hanggang Setyembre 1.
Ang food truck event ay umakit ng mga bisita na tinikman ang pagkaing Pilipino sa unang pagkakataon at may mga tao rin na pumunta para bumili ng kanilang paboritong Filipino dish.
Mula sa flavoured fries ng Potato Corner hanggang sa fried chicken, pork barbecue at pancit palabok ng Max’s Restaurant Vancouver at tapa at longganisa sandwiches ng Shameless Buns, ang mga dumalo ay may malaking hanay ng mga pagkaing pagpipilian, kasama ang mga panghimagas na Pilipino, tulad ng haluhalo, leche flan at sago’t gulaman.
Para mas maging exciting ang festival, inimbitahan ang mga artist na nakabase sa Vancouver upang magtanghal ng broadway musicals, original Pilipino music (OPM) at pop songs.
Ang Manila Comes to Town
ay isang taunang event na nagsimula noong 2019 para ipakilala ang Filipino cuisine at Filipino food brands sa mga Canadian at second generation Filipino Canadians.
Ang Manila Comes to Town
Filipino food truck festival ngayong taon ay naganap din sa ibang mga siyudad sa Canada: Winnipeg, Edmonton at Montreal, bilang parte ng isang common cultural project ng Philippine Posts sa Canada.
Hango sa news release ng Philippine Consulate General - Vancouver na isinalin sa Tagalog ni Catherine Dona.