- Home
- Lipunan
- Imigrasyon
Nagsama-sama ang komunidad ng mga Pilipino para sa basketball tournament sa St. John’s
‘Sa tingin ko ipinagmamalaki ito ng lahat,’ ani Ricky Penarubia

Si Ricky Penarubia, ang direktor ng Filipino Newfoundlanders Basketball Association sa St. John's, sinabi na ang basketball tournament ay isang paraan para pagsama-samahin ang komunidad ng mga Pilipino.
Litrato: CBC News / Arlette Lazarenko
Ang karaniwang tahimik na gymnasium sa St. John’s ay napuno ng pinaghalo-halong tunog noong Linggo.
Ang bola ng basketball ay tumatalbog pababa at pataas ng court, malutong ang mga pasa patungo sa kanilang target, umuungol habang nagbabanggaan ang mga katawan, lumalangitngit ang mga sapatos mula sa pagtakbo sa buong court at, kapag ang bola ay nasu-shoot sa hoop, humihiyaw ang mga tao.
Ito ang pangalawang araw ng taunang weekend basketball tournament na idinadaos ng mga Pilipino sa siyudad para sa komunidad ng mga Pilipino.
Ang mga lumahok ay nagtipon mula sa mga siyudad na kasing layo ng Gander para maglaro.
Lahat kami ay magkakaibigan, pero kapag naglaro ka ng basketball, hindi kita kilala ngayon,
ani James Pormento na isang manlalaro sa CBC News habang tumatawa.
Nakapokus ang mga player, matindi ang paglalaro at hindi natatakot na banggain ang isa pang player para sa tsansa na makuha ang bola. Kapag bumagsak ang isa, tuloy pa rin ang laro.
Si Pormento ay isang doktor, hindi propesyonal na basketball player. Siya ay isa sa 150 na taong nagpakita sa paligsahan.
Karamihan sa amin na lumaki sa Pilipinas ay sasabihin sa iyo na bawat kanto ng kalsada, ang mga tao ay naglalaro ng basketball,
ani Pormento.
Ang pagmamahal namin sa laro ay nandoon lahat at mararamdaman mo ito kapag ikaw ay naglalaro.
Inamin niya na siya marahil ang pinakamatandang player sa liga na ginawa para sa amateurs. Ang pinakabatang player ay katatapos pa lang ng high school.

Ang mga manlalaro mula sa Filipino community sa Newfoundland nagtipon para maglaro sa isang weekend basketball tournament sa St. John's. Siyam na koponan at 150 players ang lumahok.
Litrato: CBC News / Arlette Lazarenko
Si Ricky Penarubia ang direktor ng Filipino Newfoundlanders Basketball Association sa St. John's at isa ring manlalaro.
Siya ay matulin at agresibo at mabilis na nakakalikha ng blocks. Ang kanyang pamilya ay nasa crowd kasama ang marami pang ibang pamilya. Dose-dosenang tao ang nakatayo sa gilid na pinuno ang espasyo sa bench.
"Lahat kami ay mga imigrante mula sa Pilipinas. Pumunta kami rito para sa mas magandang buhay para sa aming mga sarili at pamilya," ani Penarubia.
Ang basketball ay parte namin. Naglalaro kami para makapag-break mula sa trabaho at magpakasaya.
Sinabi ni Penarubia na ang paligsahan ay nagsimula noong 2015 at sa pamamagitan ng social media ang liga ay lumaki mula noon.
Ngunit ang pag-oorganisa sa event ay hindi madali o mura.
Nagsama-sama kaming lahat para mag-pitch in at maganap ang event na ito,
ani Penarubia. Tinulungan kami ng local Filipino businesses na isponsoran ang event, at nagdala ng pagkain ang mga volunteer.

Inanunsyo ni Rico Orosco ang mga laro noong weekend. Tumulong din siya na iorganisa ang event at sinabi na inabot ng ilang buwan para ayusin ang lahat.
Litrato: CBC News / Arlette Lazarenko
Si Rico Orosco, hindi naglaro noong weekend ngunit nakapokus pa rin sa mga laro na nasa kanyang harapan. Inanunsyo niya ang bawat laro at pinatnubayan ng kanyang boses ang crowd. Ang kanyang tono ay in tune sa rhythm ng bawat laro.
Kaming mga Pilipino hindi biniyayaan ng height, pero lokong-loko kami sa basketball,
aniya. Exciting kapag naririnig mo ‘yung crowd na nagtsi-cheer para sa kanilang mga kapamilya habang naglalaro. Ang ganda talaga.
Sa mga bench nakaupo ang mga partner, kaibigan at sinuman na nais suportahan ang mga koponan. Ang mga bata ay tumatakbo sa buong gym, hindi mapigil ang kanilang excitement — at ganun din ang matatanda na humihiyaw pagkatapos ng bawat basket.
Bagama’t ang paligsahan ay nilaro lamang ng isang weekend, may malakas itong impression sa komunidad, ani Penarubia.
Sa tingin ko ipinagmamalaki ito ng lahat,
aniya.
Hindi kami tagarito, ngunit sinusubukan naming ipakita na we belong in this community at ipinagmamalaki namin ang aming kultura at ang isport na ito. Ginagawa namin ang aming best, ine-enjoy ito, at nakikipagtawanan kasama ang mga kaibigan.
Isang artikulo ni Arlette Lazarenko (bagong window), CBC News na isinalin sa Tagalog ni Catherine Dona.