- Home
- Sining
- Sinehan
[Ulat] Oras de Peligro mapapanood sa Toronto at ibang parte ng Canada
Ikinuwento ng direktor at screenwriter ang pinaghuhugutan sa karakter at sa pagbuo ng pelikula

Nakatakda ang sunod-sunod na screening ng pelikulang Oras de Peligro sa iba-ibang bahagi ng Canada.
Litrato: Bagong Siklab Productions
Nakatakdang sunod-sunod na mapapanood sa gaganapin na screening ang pelikulang Oras de Peligro sa siyudad ng Toronto, Ontario at sa ibang bahagi sa Canada.
Tampok sa advocacy film ang kwento na nakasentro sa mga araw bago tuluyang bumagsak sa poder ng kapangyarihan si dating Philippine President Ferdinand Marcos Sr. noong 1986.
Naipalabas na ang pelikula sa mga sinehan sa Pilipinas buwan ng Pebrero at Marso ngayong taon bilang bahagi ng anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.
Nakapanayam ng Radio Canada International ang ilan sa bumubuo ng produksyon sa pelikula sa isang virtual na tawag. Ibinahagi ng batikang direktor na si Joel Lamangan at screenwriter ng pelikula na si Boni Ilagan ang tema at ang mga isinabuhay na karakter para ipaabot ang mensahe ng pelikula.
Even as our nuclear family in the film is fictitious, sila ... composite Filipino family kasi binabase namin lahat ng karakter sa tunay na tao,
sabi ni Ilagan sa virtual na panayam ng Radio Canada International.

Si Boni Ilagan ang isa sa dalawang screenwriters ng pelikulang Oras de Peligro.
Litrato: zoom/screengrab
Pinagbibidahan ng batikang aktres na si Cherry Pie Picache, gumanap na asawa’t ina na nagngangalang Beatrice sa pelikula, ang istorya sa marahas na sinapit ng isang pamilya. Kasama sa cast ng Oras de Peligro ang mga artista na sina Allen Dizon, Therese Malvar at Dave Bornea.
We tried to balance the artistic licence in creating our family with what was really happening in those fateful days in February 1986. And that is the reason why we are one in saying na gagamit tayo ng footage na lumabas nung panahon na 'yun.
Kaugnay na ulat
Ang pelikula ay idinirehe ni Joel Lamangan, isang beteranong direktor, na prangkang inamin na ang pelikula ay isang pagkondena sa mga pangyayari sa panahon ng diktadura at kay dating pangulong Marcos Sr.
“Maraming kasinungalingang sinasabi. Kaya nga itong film na 'to would like to tell the truth. Film must not only entertain. It must also disturb, reflect or mirror the truth. Ito 'yung ginagawa namin. I-mirror ang truth [sa] nangyari panahon ng diktadur[a] ni Marcos para malaman ng mga tao ang nangyari,” giit ni Lamangan sa mensahe na nais ipaabot ng pelikula.

Si Joel Lamangan sa virtual call sa panayam ng Radio Canada International. Kinilala siya sa husay sa paggawa ng pelikula sa Pilipinas.
Litrato: zoom/screengrab
Gumamit ang produksyon ng mga aktuwal na video footages, larawan at newspaper clippings sa mga naiulat na naganap hanggang sa mapatalsik si Marcos Sr. sa isang People Power Revolution.
Lahat ng ipinakita diyan na docu-style na news report noong panahon ni Marcos ay hindi masasabi na kasinungalingan 'yan. 'Yan ay katotohanan. 'Yan ay pinalabas na nung panahon na 'yun. ‘Yan upang mapakita na hindi ganun katama at hindi ganun kaganda ang panahon na 'yun,
giit ni Lamangan habang nakikinig sa panayam ang mga tumutulong na maipalabas sa Canada ang pelikula.
Si Ferdinand Emmanuel Marcos Sr. ang ika-sampung pangulo ng Pilipinas na unang nahalal noong 1965. Idineklara ng dating pangulo na isailalim sa martial law ang Pilipinas noong Setyembre 21, 1972. Mahigpit na hinawakan ni Marcos Sr. ang kapangyarihan sa mahigit dalawang dekada. Nagtapos ang kanyang panunungkulan nang mapilitan siya na bumaba sa pwesto nang sumiklab ang People Power Revolution. Nabalot ang kanyang mahabang panunungkulan sa mga isyu at kaso ng pangangamkam sa pondo ng bayan at mga paglabag sa karapatang pantao.
Kaugnay na ulat
Hindi lihim sa nakararami ang pagiging kritikal ni ODP direktor Joel Lamangan kay Maros Sr. Ako ay aktibista na dekada setenta pa lang. At ramdam ko, alam ko at ng puso ko kung ano ang injustice na sinasabi. Ako ay biktima ng injustice dahil dalawang beses akong kinulong ng rehimeng Marcos in [19]73 and [19]75,
sabi niya sa panayam. At ako ay tinortyur. Wala naman akong kaso. Wala naman akong court case. Kinulong lang at maraming taong kagaya ko na wala namang kaso kinulong nang kinulong at pinahirapan.
Sinabi ni Howie Calleja, isang abogado at producer ng pelikula, bahagi siya sa brainstorming ng Oras de Peligro pero hindi aniya siya nakialam sa araw na umpisang gumulong na ang taping ng produksyon. As a lawyer, I just make sure that we are being accurate as far as history is concerned. So there would be no misunderstanding and there is no legal issues. So that this film will be truthful and would be true to its word that it would be a tool for education of what really happened during the time.

Ang Oras de Peligro ang unang pelikula na iprinodyus ni Atty. Howie Calleja.
Litrato: zoom/screengrab
Ang pelikula ay iprinodyus nang ipalabas noon sa mga sinehan ang pelikula na Maid in Malacanang na hatid ang kuwento sa umano’y huling 72 oras ni Ferdinand at dating first lady Imelda Marcos sa Malacanang, ang opisyal na tahanan ng pangulo sa Pilipinas. Naging kontrobersyal ang pelikula dahil sa ilang kuwestiyon sa mga eksena na ayon sa mga kritiko ay pagbabaluktot at isang rebisyonismo sa kasaysayan.
Sa report ng PhilStar Global noong Hunyo 2022 ay dinepensahan ni Senadora Imee Marcos, anak ni Marcos Sr. at sinasabing creative consultant ng pelikula, ang Maid in Malacanang.
Ito ay kwento lamang ng nalalaman namin from our point of view,
reaksyon ni Sen. Imee Marcos sa report tungkol sa ipinunto sa alegasyon ng historical revisionism. Wala kaming binabago sa sinasabi nila. Nilalahad lang namin 'yung alam namin. 'Yun lang.
Buwan ng Marso 2023 nagkaroon ng sequel ang naturang pelikula, ang Martyr or Murderer. Tema naman ng pelikula ang walang takot na pagpatay kay dating senador Benigno Aquino at ang akusasyon laban sa mga Marcos na pinaniniwalaang responsable sa karumal-dumal na pagpaslang.
Ang dalawang pelikula na isinulat at idinirehe pareho ni Darryl Yap ay naipalabas sa mga sinehan sa buong Pilipinas at sa iba-ibang bansa kasama ang Canada. Umani ng reaksyon ang dalawang pelikula mula sa mga kritiko na anila ay pakay baguhin ang naratibo sa mga nangyari sa panahon ng diktadura at sa nangyaring pagpapatalsik kay Marcos Sr. sa puwesto, ama ng kasalukuyang pangulo ng Pilipinas na si Ferdinand Marcos Jr.

Poster sa magaganap na screening ng pelikula sa Toronto, Ont.
Litrato: Oras de Peligro
Samantala, ang Oras de Peligro ay mapapanood sa ganap na alas-3 ng hapon sa Innis Hall ng University of Toronto sa darating na ika-25 ng Hunyo. Ito ay bahagi sa pagdiriwang ng Filipino Heritage Month na inorganisa ng Malaya Canada at iba-ibang grupo.
It is very important that this film will be seen by as many Filipinos and foreigners so that they know the truth [of] what is going in our country. There is a massive campaign to disrespect the truth. To say things that are not truth[ful]. That are not happening in the country and that never happen[ed] in the country because they want their names cleaned,
sabi nii Lamangan ng hingan siya ng mensahe para sa mga manonood.
Kasabay ng gaganapin na screening sa Toronto ay mapapanood ang pelikula sa Anvil Theater sa New Westminster, B.C. na magsisimula ng alas-dose ng tanghali ngayong Hunyo 25 . Ang nakatakdang screening ay asahan na masusundan sa Hulyo 5 para naman sa Winnipeg, Man.; Hulyo 15 sa Montreal, Que.; at sa ika-26 ng Hulyo naman sa Ottawa, Ont.
Umaasa ang mga nasa likod ng produksyon ng Oras de Peligro na magugustuhan ng mga manonood ang pelikula at kapupulutan ito ng aral. This is not only for history, but also for the movie lovers and moviegoers because it is directed well, shot well and [with] very good participation of actors and actresses of the film,
sabi naman ni Calleja.
Sa kanyang oras para magbigay ng mensahe ay napayuko at tumahimik saglit si Ilagan. At bago siya nagsalita at tumingin sa kamera sa aming virtual na panayam ay maririnig ang kanyang malalim na paghinga bago nagbitaw ng mensahe para sa mga nasa Canada. We tried to present what happen[ed] in the past so that we are able to realize the reasons why we need to leave our country of origin and try to find the proverbial greener pasture somewhere. I hope this film, tells all of us, that even as we are separated by thousands of miles ... we remain connected,
madamdamin niyang sinabi.
I also hope that with this film, our fraternal brothers and sisters abroad, will [be] able to share our experience because nowadays this is a shared experience of people all over the world, truth being falsified, the forces of evil dominating over the forces of good. And so this campaign of the Philippines might also be the campaign of [the] people of the world,
bilin niya habang iniimbita ang lahat na manood sa pelikula.