- Home
- Lipunan
- Imigrasyon
[Ulat] Category-based na pagpili ng IRCC sa magiging PR sisimulan na
Nagbigay ng reaksyon ang migrant advocate at isang kinatawan ng construction professionals

Napabilang ang machine operators sa industriya ng construction sa prayoridad na mga kandidato upang maging permanent resident sa ilalim ng ipinakilala na category-based selection ng IRCC.
Litrato: RCI/Rodge Cultura
Inanunsyo ng Immigration, Refugees and Citizenship Canada (IRCC) ang mga kategorya na pokus ngayong taon maimbitahan para maging permanent resident base sa work experience. Hati naman ang pananaw ng ilan para rito.
Pipili ang
IRCC ng padadalhan ng imbitasyon sa darating na mga linggo mula sa pool ng mga kandidato para maging permanent resident na ang work experience ay sa healthcare, Science, Technology, Engineering at Math o STEM, sa transport, agrikultura at agri-food. Kasama sa prayoridad ang may work experience sa trade occupations gaya ng karpentero, electrician, welder, tubero, machine fitters at iba pa sa gaganapin na unang round ng draw para rito.Ang category-based na pagpili ay dagdag sa general at program-specific na rounds ng imbitasyon para mag-apply na karaniwang ibinibigay sa kandidato na mataas ang puntos at nangingibabaw sa ranking. Sa impormasyon mula sa website ng
IRCC asahan na sisimulan na sa summer ang pagpapadala ng imbitasyon sa mga mapipiling kandidato batay sa ranking ng mga may work experience sa espisipikong trabaho.Sa healthcare, kasama sa tinukoy na prayoridad ang mga kandidato na may work experience bilang nurse aides, optometrists, medical laboratory technologists, dentists at massage therapists.
Bukod dito, kasama sa unang round ng category-based selection ngayong taon ang mga kandidato na may kakayahan o bihasa sa wikang Pranses. Kailangan ang French-language test result ay nasa iskor na 7 puntos pataas sa apat na pakikipagkomunikasyon base sa assessment ng Niveaux de compétence linguistique canadiens.
Ang category-based selection ay ipinakilala matapos ang konsultasyon na ginawa mula buwan ng Nobyembre sa nakaraang taon hanggang Enero 2023. Natanggap ng
IRCC sa proseso ng konsultasyon ang higit 260 na sumagot sa online questionnaire at 26 na isinumiteng sulat.Kahit saan ako magpunta, malakas at malinaw na naririnig ko na ang mga employer sa buong bansa ay nahihirapan sa kakulangan ng manggagawa. Ang pagbabagong ito sa Express Entry ay magsisiguro na sila ay magkakaroon ng skilled workers para sila ay umunlad at magtagumpay,
saad sa pahayag ni Immigration Minister Sean Fraser sa isang release.
Maglalabas pa ng karagdagang detalye ang
IRCC tungkol sa panuntunan ukol sa category-based selection.Ang imigrante na gustong manirahan ng permanente sa Canada ay kailangan gumawa ng account sa Express Entry management system ng Canada maging ito man ay sa ilalim ng Federal Skilled Worker Program, Canadian Experience Class at Provincial Nominee Program. Isang Comprehensive Ranking System (CRS) ang ginagamit at ang may matataas na puntos at mangingibabaw sa ranking ang padadalhan ng imbitasyon para mag-apply na maging permanent resident. Karaniwang kada dalawang linggo ginagawa ang rounds ng imbitasyon. Sa huling imbitasyon noong Mayo 24 , may 4,800 katao mula sa pool ng mga kandidato at may
CRS points na 488 o higit pa ang inimbitahan para maghain ng aplikasyon.Ang category-based selection ay binuo ni Minister Fraser alinsunod sa Immigration and Refugee Protection Act. Binigyan ng kapangyarihan ang ministro sa imigrasyon para gumawa ng kategorya base sa economic goals matapos ang mga konsultasyon.
Sa inilabas na listahan ng kategorya ngayong taon sa category-based selection kailangan may higit anim na buwan na work experience ang isang kandidato sa naturang trabaho sa nakalipas na tatlong taon para maging eligible dito.
Kasama ang sumusunod sa ilalim ng kategorya na trade occupations:
- Residential and commercial installers and servicers
- Elevator constructors and mechanics
- Machine fitters
- Heating, refrigeration, and air conditioning mechanics
- Construction millwrights and industrial mechanics
- Carpenters
- Plumbers
- Electricians (except industrial and power system)
- Welders and related machine operators
- Contractors and supervisors, other construction trades, installers, repairers, and servicers
Sinabi ni Filipino Construction Professionals (FilConPro) President Richard Sison sa panayam ng Radio Canada International na malaki ang kakulangan ng manggagawa sa sektor ng konstruksyon. Bilang kontraktor ang hirap sa amin makahanap ng mga tao na marunong. Kung ang mga kababayan natin mabigyan ng chance bilang immigrant na makatulong sa construction industry 'yan ay napaka-welcome sa industry.
Ang
FilConPro ay samahan ng mga propesyonal na Pilipino sa Ontario sa industriya ng construction na isinusulong ang mataas na professional standards at ang i-update ang miyembro sa bagong teknolohiya at mga regulasyon sa kanilang propesyon.Nakipagpulong si FilConPro President Richard Sison, gitna, sa mga kasapi ng organisasyon, Lungsod ng Toronto, Oktubre 2022.
Litrato: RCI/Rodge Cultura
Umaasa si Sison na matulungan malutas sa gagawing rounds ng imbitasyon ang kakulangan ng manggagawa sa sektor ng konstruksyon.
Sa construction sector kasi ang laki ng need. Maraming skilled ang kulang. At kasama diyan, supply and demand, tumataas din ang demand ng skilled na existing kaya naipapasa ang lahat sa … tumataas [na] cost labour. Tumataas din ang cost ng kontrata sa construction. Tumataas ang cost ng bahay,
ani Sison.
Kaugnay na ulat
Matatandaan na unang nanawagan ang Canadian Construction Association noon sa pederal na gobyerno na alisin ang bias sa immigration point system (bagong window) at bigyan ng higit na mataas na puntos ang mga aplikante na may experience sa trades o construction labourers.
Inaasahan na ang ang category-based selection ay makakatulong sa Express Entry na mas maging responsive sa pang-ekonomiya at pangangailangan sa labour market.
Pero kung may nasisiyahan sa potensyal na magandang idudulot sa sektor ng konstruksyon, sinabi ng isang advocate para sa migrant workers na marami ang mapag-iiwanan dito.
Ayon kay Sarom Rho, organizer ng Migrant Workers Alliance for Change (MWAC) sa Toronto, marami sa mga trabahong ito ay temporary foreign workers na ang gumagawa pero tiyak mahihirapan pa rin sa aplikasyon.
Marami sa trabaho na inanunsyo na prayoridad magkaroon ng permanent resident status ay kasalukuyang trabaho ng temporary foreign workers, international students, bagong graduates at undocumented workers,
saad sa pahayag ni Rho. Pero marami sa kanila ang hindi makaka-apply [maging PR] dahil sa iba pang mga patakaran. Ang mga undocumented ay hindi napasama dahil wala silang immigration status; ang ibang migrante ay hindi mapasama dahil sa language tests na hindi angkop sa kanilang kakayahan na maka-communicate. Napakataas na educational accreditation requirements at ang i-label na low-skilled ng employers kahit pa ang highly skilled work ang ipinapagawa.

Si Sarom Rho ng Migrant Workers Alliance Canada sa isang protesta na nanawagan ng immigration status para sa lahat, Lungsod ng Toronto.
Litrato: RCI/Rodge Cultura
Panawagan ng
MWAC na mabigyan ng regularisasyon ang undocumented workers. Sinabi ni Rho na anuman ang employment status ay kailangan maisiguro na ang mga temporary worker ay magiging permanent residents.Ang huling tangka na ikonekta ang workers sa trabaho ay patunay na ang mga trabaho na kailangan mapunan ay ginagampanan ng racialized working class migrants, at sila ay napagkaitan ng kapantay na karapatan na makukuha lang sa permanent residency. Nanawagan kami kay Prime Minister Trudeau na alamin ang katotohanan, tuparin ang kanyang pangako, i-regularize ang mga undocumented na indibidwal, at siguraduhin ang pagkaroon ng permanent resident status para sa migrant students at workers,
aniya.