1. Home
  2. Politika
  3. Imigrasyon

[Ulat] Paglaban sa rasismo sigaw ng Pinay MLA ngayong Filipino Heritage Month

Mga tao naglalakad at nakatalikod.

Sinamahan ng mga magulang ang kani-kanilang mga anak na pumasok sa isang eskwelahan.

Litrato: RCI/Rodge Cultura

Rodge Cultura

Naglabas ng pahayag ang kalihim ng parlamento sa B.C. para sa Anti-Racism Initiatives kasabay ng pakikiisa sa Filipino Heritage Month.

Binigyang-pugay at kinilala ni Mable Elmore, Parliamentary Secretary para sa Anti-Racism Initiatives ng B.C., ang mga kontribusyon ng may lahing Pilipino sa probinsya sa kanluran ng Canada. Ukol sa rasismo, sinabi ni Elmore na marami sa may lahing Pilipino pa rin ang nag-ulat na sila ay nahihirapan sa maraming aspeto ng buhay.

Si Elmore ay unang nahalal na Member of Legislative Assembly (MLA) para sa Vancouver-Kensington noong 2009. Siya ang una sa kasaysayan na may lahing Pilipino na naging MLA sa B.C. Siya sa kasalukuyan ang Parliamentary Secretary para sa Anti-Racism Initiatives ng Attorney General.

Ipinagmamalaki kong maging unang Pilipinong MLA ng B.C. Narito ako ngayon dahil sa mga pagsisikap ng maraming napakagaling na Pilipinong British Columbians na nauna sa akin at ginawang mas diverse at maunlad ang province na nakikita natin ngayon, saad niya sa pahayag.

Ipinagdiriwang sa buong Canada ang Filipino Heritage Month (FHM) tuwing buwan ng Hunyo. Una itong inobserba noong Hunyo 2019 matapos aprubahan ng Parliament of Canada ang M-155 sa boto na 290 - 0 pabor dito. Idineklara ang Filipino Heritage Month bilang pagkilala sa kontribusyon ng Filipino Canadians sa lipunan ng Canada, ang yaman ng wika at kultura ng mga Pilipino at pagbibigay halaga ng lahing Pilipino para sa darating pa na mga henerasyon.

Ang Filipino Heritage Month ay panahon upang bigyang-pugay ang lahat ng paraan na pinapayaman at pagbibigay ng kontribusyon ng mga may lahing Pilipino para ang B.C. ay maging maunlad na lugar na kinasisiyahan ng lahat.
Isang quote mula sa Mable Elmore, Parliamentary Secretary for Anti-Racism Initiatives

Sa huling 2021 census, nasa 957,000 na ang may lahing Pilipino sa buong bansa. Ini-report sa naturang census na higit 174,000 o 3.5 porsyento ng populasyon sa British Columbia ay may lahing Pilipino.

Pero sa inilabas na pahayag ni Elmore ay kanyang sinabi na marami pa ang kailangan gawin sa usapin ng rasismo. Subalit, maraming British Columbians na may lahing Pilipino ang nag-uulat na nararamdaman nilang nahihirapan sila sa iba’t ibang aspeto ng kanilang mga buhay.

Tinukoy niya na higit na mas nakararami ang mga babaeng Pilipino na nagtatrabaho sa health sector. At bigyang-pugay man umano ang dedikasyon nila ay nararapat kilalanin na nagreresulta ito sa mas maraming babaeng Pilipino ang nahaharap sa mas mataas na panganib na magkaroon ng nakakahawang sakit habang nagtatrabaho kumpara sa ibang grupo.

Kaugnay na mga ulat

Ang ating pamahalaan ay patuloy na nilalabanan ang rasismo sa pagsasabatas ng koleksyon ng race-based data o panlahing datos sa pamamagitan ng Anti-Racism Data Act, at sa pamamagitan ng mga programa at serbisyo para tugunan ang sistemikong rasismo, sa pagpapakilala ng mas malawak na lehislasyon laban sa rasismo sa 2024, saad sa pahayag ni Elmore.

Inilunsad sa B.C. ang K-12 Anti-Racism Action Plan para makatulong sa paglaban sa rasismo at diskriminasyon sa mga eskwelahan, ayon kay Elmore. Ang naturang action plan ay magbibigay aniya ng tools at resources sa mga magulang, guro at mag-aaral para magkaroon ng kakayahan at maging aktibong tagapagtaguyod ng pagbabago sa mga komunidad.

Close-up ng mukha ni Mable Elmore.

Si Vancouver-Kensington MLA Mable Elmore, ang unang Pilipina na nahalal sa Lehislatura ng B.C., ay naatasan na tulungan si Minister Lana Popham na itayo ang isang Filipino cultural centre.

Litrato: La Presse canadienne / Chad Hipolito

Kaugnay na ulat

Isa sa matagal nang inaasahan matupad sa tulong ng gobyerno ng B.C. ang maitayo ang Filipino Cultural Centre (FCC) sa probinsya. Nilalayon ng bagong centre na ito na maging pangmatagalang pamana ng pundamental na kontribusyon ng komunidad ng mga Pilipino sa probinsya na ito mula nang unang dumating 160 taon ang nakalipas, aniya.

Ginagawa pa ang public engagement para sa pagtatayo ng Filipino Cultural Centre at nagbibigay aniya ng $250,000 ang gobyerno para suportahan ang mga ito. Nasasabik aniya si Elmore sa proyekto na matagal na niyang isinusulong magmula noong siya ay una pang nahalal taong 2009.

Rodge Cultura

Mga Ulo ng Balita