1. Home
  2. Lipunan
  3. Imigrasyon

[Ulat] Bilang ng Pinoy int’l students pinakamabilis tumaas sa Canada

Erplano palipad sa runway.

Parami nang parami ang dumarating sa Canada na Filipino international students.

Litrato: iStock/Pixabay

Rodge Cultura

Ibinahagi ng dating Pinay international student ang kanyang pinagdaanan kasama ang pamilya.

Pinakamabilis na tumaas ang bilang ng international students galing Pilipinas sa Canada kumpara sa mga dumating mula sa ibang bansa sa nakalipas na dalawang taon. May higit 25,000 Filipino international students sa Canada sa pagtatapos ng 2022.

Ayon sa datos mula sa Canadian Bureau for International Education may higit 807,000 international students na nag-aaral sa Canada sa lahat ng antas sa pagtatapos ng naturang taon. Naitala na 5,600 ang mga Pilipino na nag-aaral sa K-12 level habang 20,000 naman ang nag-aaral sa kolehiyo at kumukuha ng post-secondary education program.

Ipinakita sa datos mula sa open data ng Immigration, Refugees and Citizenship Canada (IRCC) na patuloy na lumalaki at pinakamabilis ang pagdami ng mga pumapasok na temporary resident na international students galing Pilipinas. Lalo pa na tumaas ang higit 14,300 na study permit holder noong 2021 na naging 25,300 pagsapit ng 2022.

Ang international students galing Pilipinas ay nasa 6,300 lang noong 2019. Bumaba pa ang naturang bilang sa higit apat na libo nang magpandemya noong 2020. Bago muling sumipa ang pagtaas nito sa mga sumunod na taon.

Isa si Nadia Nepomuceno kasama ang kanyang asawa at anak sa higit anim na libong international students galing Pilipinas ang nag-apply at nabigyan ng study permit noong 2019. Hindi na nag-aksaya ng panahon at lumipad pa-Canada nang mas maaga ang pamilya kahit sa Enero 2020 pa mag-uumpisa ang klase ni Nadia.

Pamilya Nepomuceno sakay ng eroplano.

Magkasama na umalis ng Pilipinas papuntang Canada sina Nadia, gitna, anak na si Francheska, kanan, at asawang si Clint Nepomuceno noong Oktubre 2019.

Litrato: Isinumite ni Nadia Nepomuceno

Noong isang linggo napaiyak si Nadia nang matanggap ang update sa kanilang aplikasyon sa permanent residency. Isang kumpirmasyon mula sa Immigration, Réfugiés et Citoyenneté Canada na siya at ang asawa’t anak ay ganap na permanent resident na sa Canada matapos ang halos apat na taon.

Kumakain kami ng breakfast kasama ang asawa ko. Nag-check ako ng email at nakita ko na ang aplikasyon namin ay aprubado [kaya] sabi ko 'Daddy! Daddy!' kwento ni Nadia. Nagyakapan kami buong pamilya kasama ang mga bata.

Nagpipigil sa pag-iyak na ikinuwento sa panayam ng Radio Canada International ang pinagdaanan niya at ng kanyang pamilya. Kasi andami mo mga sacrifices. Andami mo iniwan [sa Pilipinas], napatigil na sabi ni Nadia sa aming panayam.

Sa buwan ng Enero hanggang Marso ngayon taon, mahigit 9,500 na dating study permit holder na temporary residents ang naging permanent resident na matapos maaprubahan ang aplikasyon sa iba-ibang pathways.

Ang trend ng two-step immigration o pumapasok sa Canada bilang temporary residents (foreign worker o international student) bago naging permanent residents ay tumataas. Kapansin-pansin ang higit na itinaas ng pumapasok sa bansa bilang international students.

Ang international student program

Nire-require na kumuha ng study permit sa Canada ang foreign national na gusto mag-aral sa higit anim na buwan. Ang mga gumradweyt na gusto magtrabaho ay mabibigyan ng abot sa tatlong taon na Post-Graduation Work Permit (PGWP) kapag nag-aral ng dalawang taon at nakapagtapos sa isang designated learning institution.

Marami ang pumipili na maging international student dahil sa oportunidad na makapagtrabaho matapos gumradweyt sa eskwela. Ito ang nagpapataas ng tsansa na maging permanent resident habang nagtatrabaho sa loob ng bansa at nakakakuha ng Canadian work experience para sa nais manirahan ng permanente.

Mukha ni Nadia Nepomuceno.

Pinili ni Nadia Nepomuceno ang Personal Support Worker Program nang ipinagpatuloy ang kanyang pag-aaral. Gumastos ang kanyang pamilya ng higit $32,000 sa apat na term ng kanyang dalawang taon na pag-aaral.

Litrato: Isinumite ni Nadia Nepomuceno

Pinapayagan ng Canada na makasama ng international students ang kanilang asawa at mga anak habang sila ay nag-aaral. Binibigyan ng open work permit ang asawa at student permit naman para sa anak na papasok sa eskwela.

Sa listahan ng Immigration, Refugees and Citizenship Canada, ang Pilipinas na ang pumapangatlo sa mga bansang pinanggalingan ng international students para sa taong 2022. Pinakamarami ang mga nabigyan ng study permit galing sa bansang India (226,000), sinundan ng China (52,000). Nasa higit 25,000 ang nabigyan ng study permit galing Pilipinas sa naturang taon na pinakamabilis na tumaas mula 14,000 noong 2021 base sa open data ng Immigration, Refugees and Citizenship Canada. Ang Pilipinas ay may Direct Student Stream na serbisyo na ini-streamline at pinapabilis ang proseso ng mga aplikasyon ng study permit.

Ayon kay Lou Janssen Dangzalan, isang immigration lawyer, ang pagdami ng mga nagsulputan na education agents sa Pilipinas ang isa sa nakikita kung kaya dumadami ang nagka-interes maging international student.

Parang ito na kasi ang naging trend. Ang education export kasi ng Canada pino-promote. Marami din kasi halimbawa ang mga agent sa Pilipinas, authorized man o hindi, kinakampanya talaga ang maging international students dito. Nagiging chance kasi sa iba na makahanap ng trabaho at para maging PR kaya marami naaakit, sabi ni Dangzalan.

Kaugnay na ulat

Isang comprehensive ranking system ang pinagbabasehan kung sino ang maiimbitahan mag-apply ng permanent residency sa Canada. At ang may mataas na puntos depende sa minimum na iskor sa cut-off ang masasama na iimbitahan sa draw ng Immigration, Refugees and Citizenship Canada. Ang pagkakaroon ng school credentials at work experience sa Canada ay tinitingnan ng marami na nakakatulong mapataas ang puntos at lumaki ang tsansa na maimbitahan mag-apply para maging permanent resident.

Pero paalala ni Dangzalan, mag-ingat at pagplanuhan kung nagbabalak maging international student sa Canada. Hindi biro ang investment kapag pumunta at nag-aral ka sa Canada. Kaya pagplanuhan nila dapat at pag-isipan ito dahil wala naman talagang naggagarantiya sa kanila na maging PR sila dito, aniya.

Sa listahan mula sa Immigration, Réfugiés et Citoyenneté Canada, may 19,700 na dating study permit holders ang naging permanent residents noong 2022.

Naging buhay ng pamilya ni Nadia

Sina Nadia at Clint ay parehong lisensyado na nurses sa Pilipinas. Nagtrabaho sa isang klinika dati sa Philippine Heart Center si Clint. Isang overseas worker na nagtrabaho bilang ICU nurse naman sa Saudi Arabia si Nadia. Umuwi ng Pilipinas si Nadia at napagdesisyunan nilang mag-asawa na bitawan ang kani-kanilang trabaho at magkasama na subukang abutin ang pangarap para sa pamilya sa Canada.

Dumating para mag-aral ng Health System Management program sa isang kolehiyo sa London, Ontario si Nadia. Pero dumaan sa pagsubok ang kanilang pamilya.

Tatlong linggo na naghahanap ng trabaho si Clint na pinasok na ang survival job gaya ng cleaning service na tagalinis ng mga opisina at grocery stores para lang kumita. Sakripisyo talaga kasi tumatakbo na ang bills. Saka 'yung pambili ng pagkain. Tiniis niya 'yun.

Nagbubuntis si Nadia sa kanilang pangalawang anak nung siya ay nag-uumpisa pa lang sa pag-aaral. Wala akong work nun kasi full-time student muna ako. Tapos ang asawa ko pa lang ang may full-time job sa Stratford. Kaya nakiki-work pool lang siya, ani Nadia.

Ang pamilya Nepomuceno nakaupo sa lavender fields.

Ipinanganak ni Nadia Nepomuceno sa Canada ang kanyang pangalawang anak na lalaki.

Litrato: Alex Nicole Barlaan

Mag-isang naghahanap-buhay ang kanyang asawa na nagtrabaho bilang welder upang maitaguyod ang pamilya na umuupa ng apartment. Tapos walang bed. Walang mesa, naalala ko pa nga nung kumakain kami nung pizza. At sa sahig kami kumakain, nilagyan lang ng maliit na kumot.

Pero apat na buwan pa lang sila noon sa Canada nang masangkot naman sa aksidente sakay ng isang sasakyan ang asawa na si Clint na pauwi na sana galing sa trabaho. Nakaligtas ito pero nagtamo ng mga sugat at galos sa ulo at katawan.

Pinagkasya ng pamilya ang kanilang budget sa renta, pagkain at bayarin sa tuition. Anim na buwan pa sa Canada, isinilang ni Nadia ang bunsong anak na lalaki, si Matteo.

Pangarap magtrabaho, manirahan sa Canada

Lumitaw sa survey ng Social Weather Station (SWS) sa Pilipinas na nangunguna ang Canada sa mga bansa na gusto magtrabaho ang marami sa mga Pilipino. Lumalabas sa naturang survey na ginawa noong Disyembre 2022 na 17 porsyento (2 sa bawat 10) na mga Pilipino ang gustong manirahan abroad.

Napag-alaman sa naturang national survey na may 1,200 respondents, may edad 18-anyos pataas, na pitong porsyento ang naghahanap ng mapagtatrabahuhan sa labas ng bansa. Sinabi naman na 16 porsyento sa kanila ang gusto makahanap ng trabaho sa Canada.

Graph mula sa Social Weather Station.Palakihin ang larawan (bagong window)

Una ang Canada sa listahan ng mga bansa na gusto pagtrabahuhan ng mga Pilipino ayon sa poll survey.

Litrato: website/SWS

Noong Mayo 2021, si Nadia Nepomuceno at kanyang pamilya ay kasamang nakapag-apply sa temporary resident to permanent resident pathway na binuksan ng Immigration, Refugees and Citizenship Canada sa kasagsagan ng pandemya. Naging main applicant ang kanyang asawa na nakapagtrabaho bilang welder na isang essential worker.

Sa ginawa na 2021 CBIE international students survey, 72 porsyento sa international students na respondents ang nagsabi na plano nilang kumuha ng post-graduation work permit sa oras na makumpleto ang kanilang pag-aaral. Abot sa 60 porsyento ng respondents ang nagsabi na balak din nila mag-apply ng permanent residence sa Canada.

Paalala ni Nadia sa mga gustong pumasok sa Canada bilang international student na hindi ito madali, Huwag kang umasa na makukuha mo 'yun agad-agad [permanent residency], aniya. Siyempre lagi kayong magtutulungan mag-asawa. Kapag may problema huwag mag-aaway kasi mas lalong mahihirapan lang kayo. Kayo ang magkakampi sa lahat ng bagay. Magtiyaga lang. Mahihirapan pero huwag susuko.

 Nadia at Clint Nepomuceno.

Masayang ibinahagi nina Nadia at Clint Nepomuceno na matapos ang mahigit tatlong taon ay mga permanent resident na sila sa Canada.

Litrato: Isinumite ni Nadia Nepomuceno

Pinupuna ng advocates na tila naabuso ang international students sa bansa at may kakulangan para ihanda sila sa trabaho oras na gumradweyt. Limitado ang bilang na tinatanggap para maging permanent resident kada taon na pinag-aagawan sa lumolobo na bilang ng interntaional students at temporary foreign workers sa bansa. Bukod dito, mainit na isyu ang kalakaran sa practices ng panghihikayat ng education agents sa labas ng bansa at ang kawalan ng regulasyon sa pagbebenta sa international education program ng Canada sa mga vulnerable na umaasang magkaroon ng kalidad na trabaho sa Canada at makapanirahan ng permanente dito.

Kaugnay na mga ulat

Payo ng immigration lawyer na si Lou Janssen Dangzalan sa mga gustong pumasok sa Canada bilang temporary resident na magsaliksik sa mga gagawin at magkaroon ng plano kung gusto manirahan ng permanente sa bansa. Dapat bago dumating dito sa Canada, may plan B na kung ano [ang gagawin]. Sa mga kliyente ko halimbawa ngayon. Meron kasi ang iba sa kanila mapapaso na ang kanilang work permit. Kaya huwag sana hintayin na maging ganyan dapat nakaplano na. Kumbaga may blueprint na kung ano 'yung mga options.

Rodge Cultura

Mga Ulo ng Balita