1. Home
  2. Lipunan
  3. Paglahok sa Komunidad

Pilipinas sasabak sa internasyonal na fireworks competition sa Vancouver

Good luck!

Grupo ng mga tao na nagpakuha ng litrato sa press conference ng Honda Celebration of Light.

Consul General Arlene Magno (ikalima mula kaliwa) sinamahan sina MP Parm Bains (ikalima mula kanan), Deputy Mayor at Councillor Lenny Zhou (pinakakanan) gayundin ang mga organizer at sponsors ng Honda Celebration of Light matapos ang press conference na ginanap noong Abril 24 sa Concord Presentation Centre.

Litrato: PCG - Vancouver

RCI

Dumalo sina Consul General Arlene Magno at Consul Analyn Ratonel ng Philippine Consulate General sa Vancouver sa opisyal na pag-anunsyo ng mga maglalaban na koponan sa 2023 Honda Celebration of Light (HCOL) noong Abril 24 sa Concord Presentation Centre.

Ang Honda Celebration of Light ang pinakamalaking pampublikong event ng British Columbia at ang pinakamatagal na offshore fireworks competition sa buong mundo.

Umaakit ito ng hanggang 400,000 spectators sa baybayin ng English Bay bawat gabi.

Ang Pilipinas, na kinakatawan ng Blue Peacock Fireworks, ay lalahok sa Honda Celebration of Light kompetisyon sa unang pagkakataon.

Ang Blue Peacock Fireworks ang tinaguriang isa sa pinaka-promising na pangalan sa industriya ng pyrotechnic sa Pilipinas.

Naging parte ito ng kasaysayan sa pamamagitan ng pagtatapos sa ika-100 na Pagdiriwang ng Kalayaan ng Pilipinas at pag-set up ng isang pyro-musical show gamit ang SkyRanch Eye, ang pinakamataas na Ferris wheel sa Pilipinas.

Ang 2023 na kompetisyon ay magsisimula sa koponan na kumakatawan sa Australia sa Hulyo 22, kasunod ng Mexico sa Hulyo 26 at Pilipinas sa Hulyo 29.

Tampok din sa 2023 Honda Celebration of Light ang pre-show entertainment, mga booth at food truck patungo sa fireworks, kasama ang Red Bull Air Show sa loob ng tatlong gabi.

Ang mananalong koponan ay iaanunsyo sa Agosto 23.

Hango sa news release ng Philippine Consulate General - Vancouver na isinalin sa Tagalog ni Catherine Dona.

Mga Ulo ng Balita