1. Home
  2. Kalusugan
  3. Pampublikong Kalusugan

[Ulat] Mga nars sa Pinas makikinabang sa pinadaling pagkuha ng lisensya sa Nova Scotia

Asahan na ang proseso sa paglilisensya na karaniwang aabot sa isang taon magagawa sa ilang linggo ayon sa NSCN

Lalaking nurse na inaasikaso ang isang pasyente sa loob ng kuwarto ng ospital.

Ipapatupad ng Nova Scotia College of Nursing simula sa Mayo 1 ang pinasimple at mas mabilis na paglilisensya sa registered nurses sa Pilipinas at sa anim na iba pang bansa.

Litrato: CBC News / Ben Nelms

Rodge Cultura

Ang isang registered nurse mula sa Pilipinas ay kasama sa mga pwede nang kumuha ng lisensya bilang nurse sa probinsya ng Nova Scotia sa Canada kapag naipasa ang entry-to-practice exam batay sa ipapatupad na patakaran sa Mayo.

Ang bagong diskarte ay maibababa nang husto ang oras na tatakbo sa paglilisensya; dadagdagan ang mga nars na magkakalisensya; babawasan ang administrative requirements; at gagawin na naaayon sa mga bagong inisyatiba ng mga health-care partner. Ito ay ligtas at mas mabilis na proseso para sa mga nars na gustong magtrabaho sa ating lalawigan, na isang magandang balita para sa lahat ng Nova Scotians, saad sa pahayag ni Nova Scotia College of Nursing (NSCN) CEO at Registrar Sue Smith sa inilabas na anunsyo sa website.

Natutuwa akong ibahagi ang tunay na first-in-the-country na diskarte sa paglilisensya sa mga internasyonal at Canadian na nars sa Nova Scotia.

Sa ilalim ng bagong patakaran, ang mga registered nurse sa Pilipinas, India, Nigeria, U.S., United Kingdom, Australia o galing New Zealand ay pupwede magparehistro at kumuha ng lisensya sa Nova Scotia na walang ibang dagdag na requirements maliban sa kailangang ipasa na entrance exam.

Ang mga nars na lisensyado sa Pilipinas at sa naturang anim na bansa ay pahihintulutan na direktang mag-apply ng lisensya sa Nova Scotia College of Nursing kahit pa walang aplikasyon sa National Nursing Assessment Service (NNAS) simula sa darating na Mayo 1 ngayong taon.

Ayon sa inilabas na anunsyo, nakapokus ang Nova Scotia College of Nursing ngayon sa Pilipinas at sa anim na naturang mga bansa pero maaari umano nila itong lawakan pa. Lahat ng aplikante sa Nova Scotia ay kailangan ipasa ang national entry-to-practice exam para patunayan ang kakayahan at tiyakin na ligtas na magagawa ang trabaho.

Kailangan lisensyado para makapag-practice ang isang nars mula sa naturang mga bansa, hindi nahaharap sa reklamo at walang ipinataw na restriksyon o kondisyon ang regulatory body kung saan rehistrado ang nars na mag-a-apply.

Ang kakaibang hakbang ay inaasahan na magpapaikli sa panahon na tatakbuhin ng proseso ng paglilisensya sa kasalukuyan na karaniwang aabot ng higit isang taon.

Tingnan: Kasalukuyan na giya sa timeline ng aplikasyon (Source: NSCN)

Samantala, tinatanggap na rin para makakuha ng lisensya sa Nova Scotia College of Nursing ang isang rehistradong nurse mula saanmang probinsya o teritoryo sa Canada simula noong Miyerkules, Marso 29.

Ang Nova Scotia College of Nursing ay ang nursing regulator sa Nova Scotia na sumisiguro na lahat ng nurses na magseserbisyo sa Nova Scotians ay kwalipikado, may kaalaman, kakayahan at ligtas na magtatrabaho bilang nurse.

Pinasimple ang proseso (bagong window) para sa nais na mag-apply sa ilalim ng patakaran. Kailangan kumpletuhin ang isang Nova Scotia College of Nursing application at magsumite ng dalawang identification. Sundin ang panuntunan para sa verification ng registration bilang nurse kung saang regulatory body kasalukuyang nakarehistro. Kailangan magsumite ng English language proficiency kung kinailangan at ihanda ang pagsumite sa Nova Scotia College of Nursing ng criminal record check mula sa bansa na pinanggalingan kapag nasa ibang bansa ang aplikante.

Hiningan ng Radio Canada International ang Nova Scotia College of Nursing ng dagdag na detalye sa magiging hakbang sa proseso, rekisito at espisipiko na gagawin para sa registered nurses na nasa Canada at international nurses na nasa labas ng bansa.

Sinabi sa ipinadala na email ni Hanna Miller ng Nova Scotia College of Nursing na inaayos pa nila ngayon ang pinal na proseso ukol dito. "Tinatapos pa ng aming team ang mga bagong detalye sa proseso ng paglilisensya at gusto namin ng kaunting oras pa upang matiyak na maibabahagi namin ang mga detalye ng proseso na kailangang malaman ng mga aplikante," aniya.

Nahaharap ngayon ang probinsya ng Nova Scotia sa mahigpit na kompetisyon mula sa mga karatig-probinsya nito sa Canada para makaakit ng kinakailangan at nagkukulang na nurses.

Kaugnay na mga ulat

Ang bilang ng nurses galing Pilipinas (47%) ang pinakamalaking bahagi mula sa limang nangungunang bansa na bumubuo sa 87% ng mga international applicants sa Nova Scotia sa nakalipas na limang taon. Sinundan ito ng nurses mula India (25%), Nigeria 10%), U.S. (6%) at UK (4%) habang ang (13%) ay nagmula sa iba't ibang bansa.

Sa tala ng Nova Scotia College of Nursing may 282 internationally educated nurses ang kanilang nairehistro at binigyan ng lisensya bilang licensed practical nurse, registered nurse at nurse practitioners noong 2022.

Rodge Cultura

Mga Ulo ng Balita