- Home
- Kapaligiran
- Pagbabago ng Klima
[Ulat] Sining at ocean science pinagtagpo sa Gossip with Whales na binigyang pagkilala
Apat na pampanitikang Pinoy na ‘Tanaga’ binigyang-buhay sa iprinesentang mga komposisyon na tema ang karagatan

Iginawad ang Individual Artist Runner-Up para kay Filipino Applied Theater Director Dennis Gupa, nakabase sa British Columbia, mula sa PACT Green Award para sa proyekto na Gossip with Whales.
Litrato: John Threlfall
Kinilala kamakailan si Filipino Applied Theater Director Dennis Gupa para sa kanyang giya at inspirasyon na nagawa sa kakaibang kolaborasyon sa Gossip with Whales. Ang artistiko na musikal na presentasyon na iginiya ni Gupa ay resulta ng pagtutulungan ng artists at performers para ipakita ang hamon na hinaharap ng karagatan sa gitna ng pagbabago ng klima, kahalagahan sa pangangalaga nito at ang paggalang sa mga nabubuhay rito.
Binuo ang mga pinagsamang komposisyon para ihatid ang mensahe ng hamon sa karagatan mula sa apat na isinulat na Tanaga.
Ibinahagi ni Gupa ang creative process sa naganap na bihirang kolaborasyon ng ocean scientists at ng mga artists, karamihan mga Pilipino, sa iprinesentang apat na choral compositions.

Hindi maitago ni Dennis Gupa ang kanyang tuwa sa parangal na natanggap mula sa Professional Association of Canadian Theater (PACT) Green Award.
Litrato: screenshot/zoom
Sinabi ni Gupa sa panayam ng Radio Canada International na pinagdugtong sa ginawang kolaborasyon ang aabot sa 40 artists mula sa Canada at Pilipinas.
Ito ay naisip bilang isang theatrical na proyekto at kapag tayo ay lumikha ng teatro, ang pakikipagtulungan ay napakahalaga. Kaya mayroong maraming mga talakayan at pagbabahagi ng mga naiisip at pananaw habang binubuo ito. Umaasa ka sa utak, puso at passion ng iyong mga collaborators,
sabi ni Gupa.
Kolaborasyon sa komposisyon
Isinulat ng makata na si Karla Comanda ang apat na tula hango sa anyo ng tradisyonal na Tanaga ng mga Mangyan sa Pilipinas. Ang apat na Tanaga na kanyang naisulat ay nilapatan naman ng nota at nabuo ang choral compositions: Corals Crawl, To the Pacific, Gossip with Whales at On Bamboo Stilts.
Na-excite din ako dahil ang Tanaga ay isang pre-colonial form. At ang dalhin ito sa pandaigdigan [na entablado] at para masuri ito, at pag-usapan ang mga isyu na mahahalaga sa atin,
sabi ni Comanda. Ang Tanaga ay ginamit ng mga tao bago pa man ang panahon ng pananakop batay sa karanasan ng tao at para maipaliwanag ang kanilang kapaligiran. Kaya parang gaya lang sa ocean science at paano natin ito ginamit. Paano ito ikuwento. [Ito ay] masaya at kawili-wili; at napakalaking inspirasyon at [isang] hamon para sa akin,
sabi ni Comanda.

Bahagi sa linya ng Tanaga para sa Gossip with Whales na isinulat ni Karla Comanda.
Litrato: screenshot/Ocean Networks Canada
Inamin ni Comanda na nahirapan siya sa simula na lapatan ng mga salita ang kanyang orihinal na Tanaga habang iniisip kung paano ito magagamit ng mga musikero na gagawa ng komposisyon.
Tungkol sa creative process, naibahagi ko sa kanila ang pinagmulan ng Tanaga at ang mga inspirasyon ko habang isinusulat ko ito. At ipinaliwanag ang mga bagay maging kung paano sila nakakakonek dito. Paano nila ito binigyang kahulugan. Ang mga ginagawang iyon ay nakatulong para higit na maintindihan sa halip na ipasa lang ito sa kompositor at musikero,
dagdag ni Comanda.
Sinamahan si Gupa ng mga Filipino artists na sina Roijin Suarez, Darren Vega, Jeremiah Carag, soloist na si Thai-Hoang Le at ng mga bumubuo sa Harmonia at University of the Philippines Los Banos (UPLB) Choral Ensemble sa pagbuo at sa pagtatanghal ng mga piyesa.
Pinagbatayan sa lirika ng isang musical director, composer at arranger na si Darren Vega ang mga titik mula sa apat na Tanaga ni Comanda para gawan ito ng komposisyon. Naging katuwang niya si Roijin Suarez, konduktor ng orchestra, sa pagbuo ng mga komposisyon.

Sinabi ni Karla Comanda na malaya ang mga musikero sa kanilang ginawang interpretasyon para sa ginawang komposisyon sa apat na kanyang isinulat na Tanaga.
Litrato: screenshot/zoom
Naging malaking bahagi sa pagpresenta ng Harmonia at
UPLB Chorale Ensemble sa choral compositions ang performers na sina Jeremiah Carag at Thai Hoang Le. Aabot sa apatnapung artists ang bumubuo sa kolaborasyon.Napanood sa isang world premiere sa pamamagitan ng live webinar ang Gossips with Whales na nagpapakita sa kahalagahan ng pangangalaga sa karagatan at ang paggalang sa mga nabubuhay rito sa gitna ng banta na dala ng pagbabago ng klima.
Ang event ay iprinesenta ng University of Victoria Faculty of Fine Arts at Ocean Networks Canada bilang bahagi ng
UN Decade of Ocean Science for Sustainable Development 2021-2030.Para sa akin talagang kahanga-hanga at nakakatuwa. At isa ring malaking pribilehiyo na ibahagi sa ating heritage ang pag-uusap tungkol sa pagbabago ng klima at ang maisama ang ating komunidad sa usapin na ito,
ani Gupa sa panayam ng Radio Canada International.
Magkasama na inihandog ng grupo ng artists, performers at mga siyentipiko ang pagtalakay sa istorya at kahulugan ng mga komposisyon.
Si Dennis Gupa ay nag-aral ng Doctor of Philosophy sa University of Victoria sa B.C. at artist-in-residence ng Ocean Networks Canada nang siya ay maimbitahan na makipag-ugnayan sa ocean scientists habang binubuo ang Gossip with Whales noon.
Pinarangalan si Gupa bilang Individual Artist Runner-Up sa Green Awards ng Professional Association of Canadian Theaters (PACT) noong Pebrero.
Nagpasalamat naman si Gupa sa lahat ng mga sumuporta kasama ang National Pilipino and Canadian Cultural Centre (NPC3) at ng Victoria Filipino Canadian Association.
Tinulungan nila kami na ipaalam ang mga impormasyon at nagkaroon kami ng dayalogo tungkol sa pagbabago ng klima. Sana ang usaping ito ay mabigyan pa ng mas mabigat na kahalagahan at masasagot ang mga malaking katanungan tungkol sa pagbabago ng klima sa Canada at maging sa Pilipinas,
sabi ni Gupa.