- Home
- Lipunan
- Paglahok sa Komunidad
Mga Pilipinong estudyante sa B.C. nagtipon para isulong ang inclusive na komunidad
Nagtipon-tipon ang mga estudyanteng Pinoy sa British Columbia para sa isang gala night

(Kaliwang litrato) Ang mga Filipino students na sina Jodi at Jaiden hinarana ang crowd. (Kanang litrato) Consul General Arlene T. Magno dumalo sa Barrio Fiesta Gala Night na ginanap sa University of British Columbia noong March 25, 2023.
Litrato: PCG - Vancouver
Bilang parte ng mga gawain ng Philippine Consulate General sa Vancouver na makipag-ugnayan sa lumalaking bilang ng mga Pilipinong estudyante sa British Columbia, dumalo sina Consul General Arlene T. Magno at Consul Analyn Ratonel sa Barrio Fiesta Gala Night ng UBC Kababayan sa University of British Columbia sa Vancouver noong Marso 25.
Sa kanyang talumpati, pinuri ni Consul General Magno ang dynamic na papel na ginagampanan ng UBC Kababayan upang bumuo ng isang inclusive na komunidad para sa mga estudyante nang sa gayon ay ma-explore at matutunan nila ang mayamang kultura at heritage ng Pilipinas.

Consul General Arlene T. Magno binati ang mga miyembro ng UBC Kababayan sa kanilang iba't ibang accomplishments.
Litrato: PCG - Vancouver
Ginamit din niya ang oportunidad na ito upang hikayatin ang lahat ng kwalipikadong Filipino citizens na hindi pa rehistrado bilang overseas voters at nandirito pa rin sa Canada pagsapit ng 2025 National Elections na mag-file ng kanilang mga aplikasyon para sa registration in person sa Konsulado ng Pilipinas.
Ibinalita rin ng Consul General ang mga programa at plano para sa Filipino community sa British Columbia at mga paparating na aktibidad ng Konsulado.
Habang isinasagawa ang programa, ang mga miyembro ng UBC Kababayan ay nagtanghal ng Original Pilipino Music, naghain ng mga lutuing Pilipino at namigay ng Pinoy catchphrase stickers.

Ang UBC Kababayan o KABA ay isang organisasyon ng mga estudyante na naglalayong ipreserba at i-promote ang kulturang Pilipino.
Litrato: PCG - Vancouver
Itinatag noong 2007, ang UBC Kababayan o KABA ay isang organisasyon ng mga estudyante na naglalayong ipreserba at i-promote ang kulturang Pilipino sa pamamagitan ng iba’t ibang school events at community engagement initiatives. Ang KABA ay isang affiliated student group ng University of British Columbia sa Vancouver campus.
Ayon sa BC Council for International Education, ang Pilipinas ang isa sa top 10 source countries ng international students para sa B.C. noong 2021.
Hango sa news release ng Philippine Consulate General - Vancouver na isinalin sa Tagalog ni Catherine Dona.