1. Home
  2. Lipunan
  3. Mga Krimen at Mga Sala

Pulis sa Quebec napatay habang tinangkang arestuhin ang isang suspek

Ang biktima, si Maureen Breau, ay may 20 taon na karanasan

Mga sasakyan ng pulis nasa gitna ng kalsada at may mga gusali sa paligid.

Isang pulis at suspek patay matapos ang overnight arrest malapit sa Trois-Rivières, Que.

Litrato: Radio-Canada

RCI

Isang Sûreté du Québec na pulis at isang suspek ang namatay sa isang insidente sa Louiseville, Que., malapit sa Trois-Rivières. Isa pang pulis ang nasaktan, ngunit siya ay inaasahan na makakarekober.

Sinabi ng pulisya ng probinsya na nagtungo sila sa isang bahay noong Lunes bandang 8:30 ng gabi upang mang-aresto kaugnay ng mga banta nang masaksak si Sgt. Maureen Breau.

Dalawa pang pulis ang dumating sa eksena at binaril at napatay ang suspek. Ayon sa sources ng Radio-Canada, ang suspek ay si Isaac Brouillard Lessard.

Si Lessard ay may mga nakalipas na engkwentro sa pulisya ngunit hindi kailanman natagpuang may pananagutan sa krimen. Siya ay pinakawalan on conditional discharge at binigyan ng dalawang taon na community service para sa isang assault charge noong nakalipas na taon.

Si Breau ay may higit 20 taon na karanasan sa Sûreté du Québec.

Iimbestigahan ang insidente ng independyenteng police investigation unit ng Quebec at ang Service de Police de la Ville de Montréal (SPVM) ay magsasagawa ng parallel criminal investigation.

Ang mga tao na nakatira sa gusali ay inaalagaan ng Red Cross at nasa isang motel kung saan sila ay mananatili hanggang matapos ang pagsusuri ng mga imbestigador sa eksena, ani Louiseville Mayor Yvon Deshaies.

Sinabi ng residente na si Stéphane Caron na nakita niya lahat habang naglalabas ng basura noong Lunes ng gabi.

Narinig ko ang apat na putok ng baril — boom boom boom boom — mabilis ang mga pangyayari. Nahulog ang isa sa mga pulis mula sa ikalawang palapag matapos masaksak, ang isa pa ay nasaksak, nabaril ang lalaki at siya ay namatay, aniya.

Pinatay ko ang aking TV at umupo sa bahay, ayokong umalis ng bahay ngayon. Delikado, katabi ko lang, tatlong pinto lang ang layo mula sa akin.

Sinabi ni Mayor Deshaies na siya ay nagulat sa mga pangyayari at nakikisimpatya sa pamilya ni Breau.

Manatiling malakas. Malalagpasan ninyo ang kalungkutan, pagkamuhi at galit, aniya.

Humihingi ako ng tawad [ang suspek] ay may tatay at nanay, marahil mga kapatid. Sila ay magdurusa rin [...] Pero nasa likod ako ng officer na ipinikit ang kanyang mga mata habambuhay.

Itinuweet ng public security minister ng Quebec na si François Bonnardel ang kanyang pakikiramay sa pamilya at mga katrabaho ni Breau.

Pinaalala sa atin ng araw na ito na ang mga pulis ay may mapanganib na trabaho, aniya. “Hindi ko kailanman sapat silang mapapasalamatan para sa kanilang mga sakripisyo."

Isang artikulo ni Erika Morris (bagong window), CBC News na isinalin sa Tagalog ni Catherine Dona.

May kasamang files mula sa Radio-Canada

Mga Ulo ng Balita