1. Home
  2. Lipunan
  3. Imigrasyon

[Ulat] 127,000 PGWPs mapapaso ngayong 2023 ayon sa datos ng IRCC

Ipinanawagan ng isang grupo na gawing permanente na renewable ang Post-Graduation Work Permit

Plakard hawak ng isang nagprotesta na may nakasulat na 'Open Extension Portal.'

Mga nagprotesta hiling ang ekstensyon sa post-graduation work permit noong Hulyo 2022 (archives).

Litrato: ਧੰਨਵਾਦ ਸਹਿਤ ਮਿਕਿਤਾ ਅਰਲੋ

Rodge Cultura

Libo-libo sa dating mga international students ang nakakuha ng bagong kakapitan para manatili at magtrabaho sa Canada matapos ianunsyo ang alok na ekstensyon sa Post-Graduation Work Permit (PGWP). Ipinanawagan ng isang grupo na gawing permanente na renewable ang PGWP.

Sa release na ipinadala ng Migrant Worker’s Alliance for Change (MWAC) sa Radio Canada International, kanilang unang ipinanawagan na gawing permanente na renewable ang post-graduation work permit.

"Matapos ang higit isang taon na pag-oorganisa, ang mga migrant student workers ay nanalo para sa ikatlong extension ng Post-Graduation Work Permit Program, dahilan para makahinga ng maluwag ang ilang nagtapos na mga estudyante. Ngunit sa halip na ilayo ang mga tao sa krisis at takot sa loob ng maraming buwan; at gumawa ng mga huling minutong pagbabago, muli kaming nananawagan para sa permanente na renewable post-graduation work permit," saad sa pahayag ng Migrant Worker’s Alliance for Change.

Kapag paso na ang post-graduation work permit ng isang dating international student ay kailangan agad tumigil sa pagtatrabaho sa Canada maliban lang kung pinahihintulutan ng Immigration, Refugees and Citizenship Canada (IRCC) kapag may naihain na aplikasyon para sa work permit sa bansa at naghihintay sa pinal na desisyon.

Hindi tipikal na ini-extend ang isang paso na post-graduation work permit ng dating international students sa Canada. Ang may hawak ng post-graduation work permit ay malimit na nag-aaplay ng ibang uri ng work permit kung napaso na ito. Pero noong 2021 at 2022 nagpatupad ng public policy ang gobyerno ng Canada para mabigyan ng dagdag na work permit upang ligal na manatili at makapagtrabaho ang may paso na post-graduation work permits.

Kaugnay na mga ulat

Inanunsyo noong isang linggo ni Immigration Minister Sean Fraser ang panibagong pampubliko na polisiya para sa 18 buwan na ekstensyon sa post-graduation work permits. Sakop sa bagong inisyatiba ang foreign nationals na paso na o mapapaso pa lang ang post-graduation work permit ngayong 2023. Subalit hindi pa espisipiko na binanggit ang pagitan sa mga buwan na sakop ng naturang polisiya. Kasama sa makakapag-renew ng work permit ang mga pupwede batay sa patakaran ng ipinatupad na 2022 PGWP facilitative measure (bagong window).

“Simula sa ika-6 ng Abril, ang mga may hawak ng post-graduation work permit na eligible sa pinasimple at mas mabilis na proseso sa ekstensyon sa work permit ay maaaring mag-opt in gamit ang Immigration, Refugees and Citizenship Canada secure account sa aming website. Sa mga nag-a-apply, makakatanggap sila sa email ng isang interim work authorization na maaari ilakip sa isang nag-expire na post-graduation work permit para patuloy na makapagtrabaho sa Canada; at magkaroon ng 18-buwan na pahintulot para manatili sa Canada at patuloy na magtrabaho,” sabi sa pahayag ni Fraser.

Si Sean Fraser nagsasalita habang makikita sa kanyang likod ang ilang international students.

Inanunsyo ni Immigration Minister Sean Fraser ang inisyatiba na bibigyan ng ekstensyon ang work permit ng mga dating international students na mapapaso ngayong taon, Marso 17, 2023, Lungsod ng Toronto.

Litrato: Screengrab/Citizenship and Immigration Canada Youtube

Kasamang inanunsyo noon ni Fraser na maaaring mag-apply ang dating international students na paso na ang work permit kahit pa lagpas na sa 90-day restoration period.

Sa nakaraan, ang detalye sa mga rekisito at dagdag na panuntunan sa aplikasyon para sa ekstensyon ng post-graduation work permit ay inanunsyo ilang araw bago ang itinakdang pagbubukas para sa pagtanggap ng aplikasyon.

Higit 286,000 na dating mga international student sa Canada ang may hawak na post-graduation work permit sa pagtatapos ng taong 2022 batay sa numero na inilabas sa website (bagong window) ng Immigration, Refugees and Citizenship Canada. Sa naturang datos mula sa Immigration, Refugees and Citizenship Canada, aabot sa 127,000 sa mga ito ang mapapaso ngayong taon. Gayunpaman, sinabi na nasa 67,000 na post-graduation work permit holders ang may aplikasyon na para sa permanent residency at hindi kailangan mag-renew sa ilalim ng inanunsyo na bagong inisyatiba.

“Ang karagdagang work permit ay magpapahintulot para sa mga dating international students na patuloy na mag-ambag sa ekonomiya ng Canada habang sila naman ay makakakuha ng mahalagang karanasan sa trabaho na magbibigay-daan para magkaroon ng pagkakataon na maging kwalipikado sa permanent residency sa pamamagitan ng express entry system at posibleng maimbitahan na manatili sa Canada nang permanente,” ani Fraser noong inanunsyo ang inisyatiba.

Panawagan para gawing permanente na renewable ang PGWP

Sa inilabas na pahayag ng Migrant Workers Alliance for Change, isang alyansa na nagsusulong sa kapakanan ng migrant student workers, magkahalong tuwa at pangamba anila ang naramdaman ng ilang dating international students sa inanunsyo sa tanggapan ng imigrasyon.

Itinuring ni Maria Alfar, dating international student, na isang panalo ang mabigyan ng 18-buwan na ekstensyon sa post-graduation work permit. Nagtapos sa St. Clair College at Cambrian College si Alfar pero nalalapit na ma-expire ang kanyang post-graduation work permit at hindi na nakakatulong ang hinaba ng panahon para siya ay maging kwalipikado na mag-apply upang maging permanent resident sa Canada.

Sumama ako sa dose-dosenang mga rally kasama ang iba pang mga migrant student workers tulad ko at nangolekta ng libo-libong pirma ng petisyon sa nakalipas na tatlong taon para ipanawagan ang permanenteng renewable na post-graduation work permit at buo na immigration status para sa lahat. Sa kaso ko, kalaban ko ang orasan dahil habang tumatakbo ang panahon mas nawawalan ako ng mga puntos para sa edad at na-e-expire na ang work experience. Higit sa ekstensyon ng panahon, kailangan namin ang permanenteng solusyon para hindi na kami mangamba pa kung aabot ba kami sa dulo, saad sa pahayag.

Sinabi sa pahayag ni Migrant Students United Coordinator Sarom Rho mula sa Migrant Workers Alliance for Change na nalalagay pa rin sa alanganin ang marami sa dating international students kahit pa essential ang kanilang trabaho sa komunidad.

Sa ano’t anuman, ang panatilihin ang mga tao sa temporary work authorization na may kaunting mga karapatan ay kailanman hindi solusyon; karamihan sa mga migrant student workers, kabilang ang mga may mababang sahod na trabaho ang hindi kwalipikado sa permanent residency kahit pa maituturing na essential sa ating komunidad. Inuulit namin ang panawagan para sa buo at permanenteng immigration status para sa lahat, aniya.

Rodge Cultura

Mga Ulo ng Balita