1. Home
  2. Kalusugan
  3. Coronavirus

Paano nakapagpagamot ang undocumented Filipina worker noong pandemya sa Ontario?

Ngunit sinabi ng Ministry of Health na magwawakas na ito sa katapusan ng Marso

Mga nurse na nagsusuot ng lab gowns sa loob ng ospital.

Wawakasan ang extended medical care coverage ng Ontario sa katapusan ng Marso (archives).

Litrato:  CBC News / Ben Nelms

RCI

Sinabi ni Rose Celeste na taga-Toronto na ilang taon niyang iniwasan ang pagbisita sa doktor.

Bilang isang undocumented migrant worker mula sa Pilipinas, kinatakutan niya ang isang bagay na kasing simple ng checkup na maaaring humantong sa paghuli sa kanya ng batas at manganib ang kanyang pamumuhay sa Canada.

Ngunit nang tumama ang COVID-19 na pandemya tatlong taon na ang nakaraan, nagbago iyon. Inutusan ng probinsya ng Ontario ang mga ospital na pansamantalang magbigay ng medikal na pangangalaga sa mga pasyente na walang health coverage habang ire-reimburse sila para sa mga gastos — isang bagay na nauwi sa pagdiskubre at paggamot sa thyroid cancer ni Celeste na 61 taong gulang na.

Kung wala ang programa, tinataya niya na siya ay mababaon sa libo-libong utang para may ipambayad sa kanyang treatment — o mas masama, mamatay na lang.

Para sa mga migrant worker tulad ko, ito ay napakaimportante at napakahalaga, ani Celeste, isang aktibong miyembro ng migrant workers' movement sa Canada.

Diyos ko, na-imagine niyo ba kung gaano ako kasaya.

At hindi siya nag-iisa. Isang ulat (bagong window) na inilabas noong Huwebes ng advocacy group na Health Network for Uninsured Clients ay napag-alaman na ang programang ito ng gobyerno ay pinahusay ang health outcomes at binawasan ang pinansyal na kahirapan para sa mga residente ng Ontario na walang insurance. Ito ang dahilan, kasama ang iba pang rekomendasyon, kung bakit isinusulong ng network ang programang ito na maging permanente.

Sa kabila nito, kinumpirma ng probinsya na matatapos na ang programa. Sa isang email statement sa CBC Toronto noong Sabado, sinabi ng Ministry of Health na ang pondo para sa programa — na available din para sa limitadong mga serbisyo ng doktor na gagawin sa community settings — ay magwawakas na rin sa katapusan ng buwan, binanggit ang parehong mga dahilan na naaayon sa recent move nito na wakasan ang paid sick days program. (bagong window)

Dahil sa mas mababang rate ng COVID-19 at pagtatapos ng public health restrictions, ang probinsya ay tatapusin na ang kanilang pandemic response measures upang ipokus ang resources sa pagbibigay ng mga serbisyo na mas kinakailangan ng Ontarians, saad sa email ng ministry.

Gaya ng kaso bago ang pandemya, mula Abril 1, ang mga tao na hindi kwalipikado para sa Ontario Health Insurance Plan (OHIP) at walang anumang uri ng health insurance coverage ay hinihikayat na makipag-usap sa ospital o doktor na gumagamot sa kanila para magdebelop ng mga plano para sa kanilang pangangalaga sa hinaharap.

Sa isang pahayag, tinawag ng network ang plano ng ministry na wakasan ang programa na devastating.

Kung kailangan mong mamili sa pagitan ng pagpapakain ng iyong pamilya at paggamot sa impeksyon — ito ay hindi tunay na choices. Pipiliin ng mga tao na pakainin ang kanilang mga pamilya, at sila ay mahihirapan, sinabi ng network.

Alam natin kung paano magwawakas ang istorya. Hindi ito mabuti para sa mga pasyente, para sa mga pamilya at hindi rin sa health-care system. Ang programa na ito ay kailangan maging permanente.

Basahin ang buong istorya rito. (bagong window)

Bahagi ng artikulo ni Vanessa Balintec (bagong window), CBC News na isinalin sa Tagalog ni Catherine Dona.

Mga Ulo ng Balita