- Home
- Pandaigdig
- Mga Armadong Labanan
Canada nagpataw ng bagong sanctions sa Iran ukol sa protest crackdown, drone production
Ito ang ikasampung round ng sanctions na ipinataw ng Canada laban sa Iran mula Oktubre

Ang mga nagpoprotesta ay nanawagan sa Canada na ilista ang Iranian Revolutionary Guards bilang isang teroristang organisasyon (archives).
Litrato: Radio-Canada
Sinabi ng gobyerno ng Canada ngayong Lunes na tina-target nito ang dalawang entidad at walong indibidwal bilang parte ng bagong sanctions laban sa Iran dahil sa paglabag sa mga karapatang pantao at produksyon ng drones at ballistic missiles.
Ang pinakahuling round ng sanctions ng Canada laban sa Iran, ang ikasampu mula Oktubre, ay tina-target ang mga indibidwal kasama ang senior officials mula sa Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) at Law Enforcement Forces (LEF) para sa malala at sistematikong paglabag sa mga karapatang pantao
sa Tehran at hilagang-kanlurang Iran, sinabi ng Canadian foreign ministry sa isang pahayag.
Tina-target din ng sanctions ang Iranian officials na sangkot sa unmanned aerial vehicle at ballistic missile production, sinabi ng ministry.
Ang tensyon sa pagitan ng Iran at ng West ay lumaki dahil sa nuclear activity ng Tehran at pagsusuplay nito ng drones para sa pakikidigma ng Russia sa Ukraine, gayundin ang pagsupil ng Islamic Republic sa ilang buwan na pagpoprotesta ng mga tao laban sa naturang gobyerno. Itinanggi ng Tehran na sila ay nagbebenta ng drones sa Moscow para gamitin sa digmaan sa Ukraine.
Nananawagan kami sa rehimen ng Iran na itigil ang brutal na pang-aapi sa mga mamamayan ng Iran at tugunan ang kanilang mga demanda in good faith,
sinabi ni Foreign Affairs Minister Mélanie Joly sa isang pahayag.
Ang na-sanction na mga entidad ay sinusuportahan ang rehimen ng Iran sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na guluhin at manipulahin ang online communications ng mga nagpoprotesta laban sa rehimen o sa pamamagitan ng pasusuplay ng LEF na may tactical equipment na ginagamit sa brutal na pagsupil sa mga demonstrasyon,
ayon sa pahayag.
Ayon sa Global Affairs Canada, nagpataw ang pederal na gobyerno ng sanctions sa 147 Iranian individuals at 191 Iranian entities, kasama ang key members ng security intelligence at economic apparatus ng rehimen.
Noong nakaraang taglagas, permanenteng pinagbawalan ng gobyerno ang mahigit 10,000 na miyembro ng rehimen at militar ng Iran mula sa pagpasok sa Canada dahil sa kanilang pakikipag-ugnayan sa terorismo at sistematiko at matinding paglabag sa karapatang pantao.
Hinarap ng Canada ang mga panawagan na ilista ang
IRGC bilang designated terrorist entity.Isang artikulo ng Thomson Reuters na isinalin sa Tagalog ni Catherine Dona.
May kasamang file mula sa CBC News