- Home
- Politika
- Pederal na Politika
Trudeau tumuloy sa $6,000 London hotel suite para sa libing ni Queen Elizabeth
Sinabi ng Prime Minister's Office na lubos na tumaas ang hotel prices bago ang libing

Prime Minister Justin Trudeau at ang kanyang asawa na si Sophie Trudeau paalis ng Westminster Abbey matapos ang state funeral para kay Queen Elizabeth noong Setyembre 19, 2022 sa London.
Litrato: Getty Images / Phil Noble
Sinabi ng Prime Minister’s Office na si Justin Trudeau at ang kanyang asawa, si Sophie Gregoire Trudeau, ay tumuloy sa isang $6,000 per night hotel suite nang dumalo sa libing ni Queen Elizabeth.
Ang pagtuloy nila sa Corinthia London hotel ay naging paksa ng isang public debate noong nakaraang taglagas nang pinansin ng media ang mga detalye ng $400,000 trip, matapos makakuha ng mga dokumento sa pamamagitan ng access-to-information requests.
Ngunit hindi sinagot ng opisina ni Trudeau at ng Global Affairs Canada ang mga katanungan noong nakaraang buwan tungkol sa kung sino ang tumuloy sa napakamahal na river suite, na mayroon pang butler service.
Humiling ang mga MP mula sa oposisyon ng government operations committee para sa kopya ng lahat ng resibo at mga invoice kaugnay ng biyahe na iyon noong nakaraang buwan.
Ang kuwarto ay binook noong Setyembre 9, isang araw matapos ang pagkamatay ng Reyna, para sa Setyembre 15 hanggang 20.
Sa isang pahayag, sinabi ng Prime Minister's Office na ang presyo ng mga hotel ay tumaas bago ang libing, at maraming hotel sa London ang sold out habang 500 heads of state at kanilang mga delegasyon ang dumagsa sa lungsod.
Ang website ng hotel ay kasalukuyang inililista ang suite sa 5,154 British pounds per night, mahigit sa 4,800 pounds na siningil sa gobyerno noong Setyembre.
Ang isang gabi sa river suite sa susunod na buwan ay magiging higit $8,000 sa kasalukuyang exchange rate.
Ang mga dokumento na inilabas sa pamamagitan ng access-to-information requests ay sinabi na ang booking ay para sa isang three-bed suite. Sinabi sa website ng hotel na mayroon silang isang king-sized na kama ngunit mayroong connecting rooms na available kapag ni-request.
Ang prime minister lamang at kanyang asawa ang dalawang tao na tumuloy sa suite, ayon sa kanyang opisina.
Noong Nobyembre, tinadtad ni Conservative Leader Pierre Poilievre ng mga tanong si Trudeau sa House of Commons tungkol sa kung sino ang tumuloy sa suite, ngunit hindi siya sumagot.
“Ang kamatayan ni Her Majesty Queen Elizabeth II ay isang significant event para sa Canadians. Ang Canada ay kinatawan ng mga dating prime minister at governor general upang magbigay respeto sa monarko na nakita ang halos kalahati ng panahon ng Canada bilang isang independyenteng bansa,” sabi ng press secretary para kay Trudeau sa isang written statement noong Huwebes.
Isang artikulo ng The Canadian Press na isinalin sa Tagalog ni Catherine Dona.