1. Home
  2. Lipunan
  3. Imigrasyon

Pilipinas at Calgary Immigrant Women’s Association pinalawak ang partnership

Ang CIWA ang tanging non-profit organization sa Calgary na nag-aalok ng Filipino Community Development Program

Isang lalaki at mga babae nakatayo para mag-pose para sa isang litrato.

Consul General Zaldy Patron, gitna, kasama ang mga opisyal ng Calgary Immigrant Women’s Association.

Litrato: PCG - Calgary

RCI

Ang Philippine Consulate General (PCG) sa Calgary at ang Calgary Immigrant Women’s Association (CIWA) ay nagkasundo na palawakin ang kanilang partnership.

Naabot ang kasunduan sa isang pagpupulong sa pagitan nina Consul General Zaldy Patron at executives ng Calgary Immigrant Women’s Association, na pinangunahan ni Chief Executive Officer Paula Calderon, noong Marso 7 sa opisina ng Calgary Immigrant Women’s Association.

Itinatag ang Calgary Immigrant Women’s Association bilang non-profit organization noong 1982 at kasalukuyang may higit 50 na programa at mga serbisyo para sa mga imigranteng kababaihan at kanilang mga pamilya.

Ito ang tanging non-profit organization sa Calgary na nag-aalok ng Filipino Community Development Program (FDCP), na tumutulong sa mga miyembro ng Filipino community na maka-integrate sa lipunan ng Canada.

Kabilang sa mga espisipikong aktibidad sa ilalim ng Filipino Community Development Program ay ang suporta para sa family reunification, parenting workshops, youth engagement activities, one-on-one supportive counselling, in-home support, social events at resource referrals.

Mula 2018, ang Philippine Consulate General ay lumalahok na sa family reunification workshops ng Calgary Immigrant Women’s Association kung saan nagsasagawa ito ng information session tungkol sa consular services para sa mga Pilipinong kliyente ng Calgary Immigrant Women’s Association.

Noong 2019, prinomote ng Philippine Consulate General ang Food Service Training ng Calgary Immigrant Women’s Association sa mga Pilipino na nais i-upgrade ang kanilang skills at i-improve ang kanilang tsansa na makapasok sa trabaho.

Sa hinaharap, ang Philippine Consulate General at Calgary Immigrant Women’s Association ay magkasamang magsusulong ng iba pang proyekto na pakikinabangan ng mga miyembro ng Filipino community, lalo na ng mga kababaihan at mga batang babae na Pilipino.

Sa Kapihan sa Konsulado ng Philippine Consulate General kamakailan na isinagawa noong Pebrero 4, isa ang Calgary Immigrant Women’s Association sa limang non-profit organizations na nagbigay ng presentasyon tungkol sa kanilang mga programa at serbisyo para sa komunidad ng mga Pilipino.

Kami ay excited na magkaroon ng maraming joint projects kasama ang Calgary Immigrant Women’s Association para sa ikabubuti ng 89,000 na mga Pilipino sa Calgary, ani Consul General Patron.

Hango sa news release ng Philippine Consulate General - Calgary na isinalin sa Tagalog ni Catherine Dona.

Mga Ulo ng Balita