1. Home
  2. Lipunan

2 bata patay, driver arestado habang sumalpok ang bus sa daycare sa Laval, Que.

BABALA: Ang artikulong ito ay naglalaman ng mga nakakabahalang detalye.

Mga taong nakatalikod sa camera at naglalakad katabi ang police cars.

Mga magulang nagsimulang dumating sa eksena matapos sumalpok ang isang bus sa daycare ngayong Miyerkules ng umaga.

Litrato: Radio-Canada / Simon-Marc Charron

RCI

Dalawang bata ang namatay at anim ang nasugatan nang sumalpok ang isang city bus sa daycare ngayong Miyerkules ng umaga sa Laval, Que., norte ng Montreal.

Ang driver ng bus, isang 51 taong gulang na lalaki na empleyado ng Société de transport de Laval (STL), ay naaresto at kinasuhan ng homicide at dangerous driving.

Bandang 8:30 ng umaga, isang bus mula sa STL ang sumalpok sa isang daycare sa Sainte-Rose neighbourhood sa Terrasse Dufferin, ayon sa tagapagsalita ng Laval police na si Erika Landry. Sinabi ni Landry na dalawang bata ang kumpirmadong patay at anim na iba pa ang sugatan at nasa ospital, pero sila ay inaasahan na mabubuhay.

Ang Garderie Éducative de Sainte-Rose ay matatagpuan sa daan na iyon.

Ayon sa Urgences-santé, 12 katao ang nangailangan ng medical care, walo naman ang isinugod sa area hospitals.

Isang tagapagsalita para sa Sainte-Justine Hospital, ang isa sa pediatric hospitals sa Montreal, ay kinumpirma na ang mga nasaktan na bata ay dinala roon at ilan sa kanila ay may mga seryosong injuries na nangangailangan ng urgent care.

Sinabi ng ospital sa mga team ng Radio-Canada na ginagawa nila ang lahat ng posibleng bagay para gamutin ang mga pasyente, at suportahan din ang mga pamilya sa trahedyang ito.

Isang update mula sa Sainte-Justine ang inaasahan ngayong hapon.

Magulo, ani Julia Moreno, isang ina na ang anak ay nasa daycare nang sumalpok ang bus dito. May mga nasugatang bata. Grabe.

Sinabi ni Nathalie Vaillancourt, isa pang ina na ang anak ay nasa loob, na winasak ng bus ang harapan ng daycare. Sinabi ng dalawang ina na ang kanilang mga anak ay ligtas.

Isang magulang sa eksena ang nagsabi sa Radio-Canada na tumulong siyang hulihin ang suspek.

Ang city buses ay hindi normal na dumadaan malapit sa daycare, na nasa isang tahimik na kalsada, malayo sa mga ruta ng STL bus.

Nag-dispatch ang Urgences-santé ng pitong ambulansya, isang tactical medical vehicle — na rumeresponde sa mga hindi pangkaraniwang medical situation, kalimitan kasama ang pulis — at isang rapid response team.

Snapshot ng Garderie Éducative de Sainte-Rose sa mapa.Palakihin ang larawan (bagong window)

Ang Garderie Éducative de Sainte-Rose ay matatagpuan sa kalye ng Terrasse Dufferin.

Litrato: CBC

Grabe ang nangyari ngayong umaga sa Laval, ani Premier François Legault sa grupo ng mga reporter sa National Assembly. Lahat ng aking isip ay nasa mga bata, mga magulang at mga empleyado.

Sinabi ni Legault na sina Transport Minister François Bonnardel, Family Minister Suzanne Roy at Christopher Skeete, ang MNA para sa Sainte-Rose riding, ay pupunta sa Laval para i-assess ang sitwasyon.

Sinabi ni Stéphane Boyer, ang alkalde ng Laval, na ang driver ay naging empleyado ng STL sa loob ng kulang-kulang 10 taon ngunit wala itong anumang insidente sa kanyang rekord bago maganap ang trahedya.

Walang espesyal na dapat banggitin sa lebel na iyon, aniya. May hypothesis na isa itong sinadya na akto pero kailangan pa rin itong kumpirmahin ng imbestigasyon.

Sinabi ni Boyer na ang mga psychologist ay magiging available para sa mga apektado. Ito ay isang trahedya, aniya. Siyempre maraming magulang ngayon ang nag-iisip kung ang kanilang mga anak ay naapektuhan. Gusto kong makiisa sa mga pamilya, ipakita ang aking suporta.

Sinabi ng STL sa isang pahayag na sila ay nadurog ng trahedya sa Laval.

Ang aming mga puso ay nakikiramay sa mga pamilya at empleyado na naapektuhan ng trahedyang ito, saad nila sa pahayag. Ang Service de police de la Ville de Laval ay kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon kung saan kami ay aktibong nakikipag-collaborate.

Isang artikulo ni Matthew Lapierre (bagong window), CBC News na isinalin sa Tagalog ni Catherine Dona.

Mga Ulo ng Balita