- Home
- Politika
- Imigrasyon
Manitoba nag-alok ng hanggang $4M para sa mga programa na tutulong sa newcomers
Doble ang pondo na nakuha ng programa mula noong nakaraang taon

Inanunsyo ni Labour and Immigration Minister Jon Reyes ang bagong pondo sa isang news conference kasama si McPhillips MLA Shannon Martin at dalawang tao na natulungan ng mga programa.
Litrato: Radio-Canada / Carla Geib
Mag-aalok ang Manitoba ng hanggang $4 na milyon ngayong taon para pondohan ang mga proyekto na tutulong sa mga imigrante na maka-integrate socially at economically.
Sinabi ng gobyerno na doble ito ng ginastos noong nakaraang taon sa community connections stream ng newcomer community integration support program, na ngayon ay tumatanggap ng mga aplikasyon mula sa non-profits, community groups at iba pang organisasyon na tumutulong sa mga imigrante.
Ako ay umaasa na ang pinalawak na pondo ay mapapakinabangan ng mga bago at innovative na proyekto,
sinabi ni Labour and Immigration Minister Jon Reyes sa isang news conference noong Biyernes.
Ang mga mapipiling programa “ay tutulungan ang mga newcomer na makapagtaguyod ng malakas na ugnayan sa kanilang mga bagong komunidad, na hahayaan silang i-build at gamitin ang mahalagang skills na dinala nila sa Manitoba,” ani Reyes.
Ang mga proyekto na pinondohan ng programa ay mag-aalok din ng social at mental health services para sa mga newcomer, na ayon kay Reyes ay tutulong upang makapagtaguyod ng mas malakas at longer-term na social connections sa aming probinsya, nang sa gayon ay lalong lumakas ang outcomes at mag-improve ang newcomer retention.
Ang deadline para sa aplikasyon ay Pebrero 27. Noong nakaraang taon, 13 na organisasyon ang naging kwalipikado, ani Reyes.
Ang international conflicts kamakailan sa Ukraine at Afghanistan ay ipinakita ang pangangailangan para sa mas proactive na settlement services para tiyakin na ang mga imigrante at refugees ay makakuha ng resources na kanilang kailangan kapag dumating na sila sa Manitoba, aniya.
Job training programs
Ang gobyerno ay magbibigay ng kabuuang $7.1 milyon sa darating na fiscal year para sa full newcomer community integration support program.
Ang pera na iyon — na mas mataas sa $2 milyon mula noong nakaraang taon at dumoble ang resources para sa community connections stream — ay kasama ang $3 milyon para sa Manitoba Start, na nagbibigay ng career services para sa newcomers, at $100,000 para sa Recognition Counts program ng Seed Winnipeg.
Ang Seed Winnipeg program ay tumutulong sa credential recognition at ekstrang training para sa newcomers, ani program manager Sandra Leone.
Nag-aalok din ito ng financial counselling at loans na hanggang $15,000 para makatulong sa gastusin kaugnay ng pagkilala sa mga kwalipikasyon.

Sinabi ni Michelle Puno na siya ay nagtatrabaho bilang nurse sa isang cardiology unit sa Manitoba, pero hindi ito magiging posible kung wala siyang natanggap na tulong mula sa Recognition Counts program ng Seed Winnipeg.
Litrato: Radio-Canada / Fernand Detillieux
Natulungan ng programa si Michelle Puno, isang nurse sa Pilipinas na pumunta sa Canada noong 2015 at ngayon ay nagtatrabaho na bilang nurse sa isang cardiology unit. Kung hindi siya nakatanggap ng tulong, maaaring wala siya sa kanyang kinalalagyan ngayon, aniya.
Muntik na akong umuwi,
aniya, mahigpit na hawak ang mga daliri matapos niyang ilarawan ang hirap ng paghahanap ng tamang daan at pag-iisip ng paraan para matustusan ang pag-upgrade ng kanyang credentials.
Masayang-masaya lang talaga ako at lubos na nagpapasalamat.
Isang artikulo ng CBC News na isinalin sa Tagalog ni Catherine Dona.