- Home
- Lipunan
- Imigrasyon
Kilalanin ang lumalagong komunidad ng mga Pilipino sa Southeast Saskatchewan
6 na Pilipino lang ang nakatira sa bayan na ito sa Southeast Sask. noong 2009

Mga miyembro ng Moosomin Pinoy Community noong Agosto 2019.
Litrato: Leo Illustrisimo
Ilan sa maraming munisipalidad sa Saskatchewan ay parang madadaanan mo na sa loob ng 40 segundo ng pagda-drive. Pero gaano man kaliit ang lugar, may mga tao na pinipiling manirahan dito dahil mahal nila ang kanilang komunidad.
Sa timog-silangang Saskatchewan makikita ang lumalagong komunidad ng mga imigrante, kasama rito ang mga Pilipino.
Mga Pilipino sa Moosomin
Taong 2009 at si Leo Illustrisimo ay nagdesisyon na walang kinabukasan ang kanyang batang pamilya sa Maynila, ang kapitolyo ng Pilipinas.
Maraming kompetisyon. Mahirap umabante, kaya nagdesisyon ako na gusto kong subukan at magtrabaho abroad,
ani Illustrisimo sa isang interbyu kamakailan.
Nami-miss ko ang aking tahanan, ang aking asawa, at may mga pagkakataon na kinukuwestiyon ko ang aking desisyon. Tama ba ang choice ko na lumipat dito? Pero inisip ko na ito ay isang sakripisyo na willing akong gawin para magkaroon ng mas magandang kinabukasan.
Si Illustrisimo ay na-hire ng Maple Leaf para magtrabaho sa isang hog barn malapit sa Moosomin, Sask., mga 224 kilometro silangan ng Regina.

Ang restaurant owner na si Ria Lladones, kaliwa, ang business owner na si Leo Illustrisimo at ang kanyang anak na si Gracie ay mga miyembro ng Moosomin Pinoy Community.
Litrato: CBC News / Laura Sciarpelletti
Nang dalhin ng Maple Leaf ang kanilang mga bagong empleyado sa work site, na-realize ni Illustrisimo na siya ay nasa isang lugar na wala pa siyang nakikitang katulad noon.
Nag-drive kami ng tatlong oras at bawat minuto na lumilipas nakikita mo na paliit nang paliit nang paliit ang mga bayan,
natatawang kuwento ni Illustrisimo.
Ang laking pagkakaiba mula sa isang siyudad na may 20 milyong tao sa isang bayan na may 3,000 na tao. It was a culture shock.
Pero ang Moosomin ay very welcoming kay Illustrisimo, at nagsimula siyang maging involved sa komunidad. Kinalaunan sumunod na rin ang kanyang asawa at anak. Ang populasyon ng mga Pilipino noon ay anim lamang, kuwento niya.
Fast forward sa 2023 at ang populasyon ng mga Pilipino ay lumobo sa humigit-kumulang 300 katao. Ito ay humigit-kumulang 10 porsyento ng populasyon ng Moosomin, ayon sa Moosomin Pinoy Community, na kasamang binuo ni Illustrisimo halos pitong taon na ang nakalipas.
Ang organisasyon ay involved sa cultural events sa naturang bayan — pagsasayaw at pagtatanghal suot ang tradisyonal na Pilipinong damit, at pagbabahagi ng tradisyonal na mga pagkain.

Nicole Rodriguez, kaliwa, at Maui Catacutan ipinagdiwang ang kulturang Pilipino suot ang traditional dress sa Moosomin noong 2019.
Litrato: Leo Illustrisimo
Napakaingay namin at gustong-gusto namin na nagpa-party at nagsasama-sama. Kaya para maging mas involved kami sa community activities at kilalanin bilang isang tunay na grupo ng mga tao sa bayan, nagdesisyon kami na buuin ang Filipino community dito,
ani co-founder Jylenn Valdez, na orihinal na nagmula sa hilagang bahagi ng Pilipinas.
Mahirap noong mga panahon na iyon kasi, siyempre, bagama’t galing kami sa iisang bansa, nanggaling kami sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas. May iba’t iba kaming mga prinsipyo at iba’t ibang paniniwala.
Oras na nagkasundo na sila sa kanilang shared values at goals para sa organisasyon, lumago na ang Moosomin Pinoy Community.
Ang newcomers dinumog ang mga trabaho sa hospitality sector at sa lokal na minahan ng potash.
Tinutulungan namin ang isa’t isa. Tuwing may magsisimula sa isang bagong trabaho o bagong venture, tinatanong namin kung ano na ang kanilang lagay, nagbibigay kami ng payo kung ano ang dapat gawin sa mortgages, paano ka makakabili ng unang bahay,
ani Illustrisimo.

Ang mga batang miyembro ng Moosomin Pinoy Community nagtanghal sa isang show sa cultural event noong summer 2019.
Litrato: Leo Illustrisimo
Ngayon, ang ilang Pilipino sa Moosomin ay may mga sariling negosyo na, kabilang si Illustrisimo. At mas marami pa ang dumarating sa lahat ng oras.
Ang populasyon ng mga Pilipino ay lumalaki nang lumalaki. Dumadami ito. Dama namin na kami ay mahalaga, we feel at home. Naipakilala namin ang aming sariling kultura at sariling practices dito. Dahil sa pagkilala sa aming grupo, ipinagmamalaki naming sabihin na ito ang pangalawa naming tahanan mula sa Pilipinas,
ani Valdez.
Bahagi ng artikulo ni Laura Sciarpelletti (bagong window), CBC News na isinalin sa Tagalog ni Catherine Dona.