- Home
- Lipunan
- Imigrasyon
Filipino language classes magsisimula sa secondary school sa Vancouver
Ito ang una sa B.C. na mag-aalok ng naturang kurso sa high school na mga estudyante ayon sa board

Mga imigranteng estudyante at magulang dumalo sa workshop at orientation classes bago magsimula ang school year sa Sir Charles Tupper Secondary school sa Vancouver, British Columbia noong Agosto 27, 2019.
Litrato: CBC News / Ben Nelms
Isang magandang balita para sa mga estudyante sa pampublikong paaralan sa Vancouver na nais palawakin ang kanilang language skills sa Filipino.
Bumoto nang walang tutol ang school board ng lungsod noong Lunes ng gabi upang mag-alok ng kurso tungkol sa wika at kulturang Pilipino para sa mga estudyante sa grade 10 hanggang 12 sa Sir Charles Tupper Secondary sa susunod na school year.
Ayon sa board, ito ang unang pagkakataon na ang ganitong klase ay magiging available hindi lang sa Vancouver School District ngunit sa kahit sinong estudyante sa British Columbia.
Ang kurso ay dinisenyo para ipakilala ang mga estudyante sa wikang Pilipino sa beginner level habang ine-explore ang kasaysayan, mga tradisyon at kultura ng mga Pilipino, saad ng Vancouver School Board sa kanilang pahayag.
Si Leonora Angeles, isang propesor sa University of British Columbia at presidente ng National Pilipino Canadian Cultural Centre (NPC3), winelcome ang magandang balita at sinabi na ang Filipino community ay itinutulak ang ganitong aksyon mula pa noong 1990s.
Ito ay lubos na makabuluhan,
sabi ni Angeles. Sana dumating ito nang mas maaga.

Si Leonora Angeles, ang presidente ng National Pilipino Canadian Cultural Centre, ay sinabi na ang fastest-growing immigrant population sa British Columbia ay mga Pilipino at hindi sila well-represented sa school curriculum ng probinsya.
Litrato: CBC News / Gian Paolo Mendoza
Ayon sa
NPC3, ang bilang ng mga Pilipino sa Canada ay halos isang milyon na, at ang demograpiko ang pangatlong pinakamalaking ethnic community sa bansa.Ang Ingles at Filipino ang mga opisyal na wika ng Pilipinas. Ang Filipino ay batay sa Tagalog, ang lengguwahe ng mga taong Tagalog.
Ipinapakita ng Canadian census data mula 2021 na halos 83,000 na mga residente sa British Columbia ay nagsasalita ng wikang Filipino, at humigit-kumulang 174,280 na mga Pilipino ang nakatira sa probinsya.
Ang Vancouver School Board ay nasa cutting edge sa pangunguna rito dahil ito ang host ng pinakamalaking populasyon ng mga Pilipino sa B.C.,
ani Angeles.
Sinabi ni Angeles na nais niyang ma-extend pa ang curriculum para ang mga estudyante sa elementarya ay magkaroon din ng oportunidad na matuto.
Isang artikulo ng CBC News na isinalin sa Tagalog ni Catherine Dona.
May kasamang files mula kay Liam Britten