1. Home
  2. Lipunan
  3. Imigrasyon

[Ulat] Wika at kulturang Pinoy ipinanukala na ituro sa isang eskwelahan sa Vancouver

Pagbobotohan ng Vancouver School Board ang panukala ngayong araw

Ang harapan ng Sir Charles Tupper Secondary School.

Maaari na pag-aralan ng estudyante sa Sir Charles Tupper Secondary School ang kurso sa wika at kulturang Pilipino kung aaprubahan ito ng Vancouver School Board.

Litrato: Google Maps

Rodge Cultura

Nakatakdang pagbotohan ng Vancouver School Board (VSB) ngayong Lunes, Enero 30, ang panukala na isama ang Filipino Language and Culture sa elective courses na pwedeng aralin ng mga estudyante sa Sir Charles Tupper Secondary School.

Ang panukala ay ipinadala para sa final approval ng Board matapos irekomenda ng mga miyembro ng Student Learning and Well-Being Committee ang board authority authorized (BAA) course na Filipino Language and Culture 11 (FLC 11) noong Enero 11. Idinisenyo ang Filipino Language and Culture 11 para ituro sa beginner level ang wikang Filipino kasama ang pagtuklas sa kasaysayan, tradisyon at kultura ng mga Pilipino.

Close-up ng mukha ni Joy Jose na may suot na salamin.

Itinutulak ni Joy Jose, Filipino multicultral worker ng Vancouver School District, at ng mga tumulong para magawa ang kurso na Filipino Language and Culture na board authority authorized.

Litrato: Screenshot mula sa Zoom interbyu

Sinabi ni Vancouver School Boar Filipino multicultural liason worker Joy Jose na pormal na inihain ang panukala noong Setyembre 2022.

Isa itong introductory course kaya walang prerequisite na kailangan. Ito ay functional course para sa mga estudyante na limitado o kahit walang exposure sa Filipino culture. Matututo sila sa pagbabasa, pagsusulat at pagsasalita ng Tagalog. Kasama sa kurso ang history at tradisyon natin, mga paniniwala, mga tao, belief system, sabi ni Joy.

Ang lungsod ng Vancouver ay may populasyon na 662,248 batay sa 2021 census (bagong window). Ito ang pinakamatao sa probinsya ng British Columbia at ang ikawalo sa malalaking siyudad sa buong Canada.

Ang mga Pilipino sa lungsod ng Vancouver ang pangatlo sa populasyon ng visible minority 38,605 (5.9%), kasunod ng Chinese 168,385 (25.9%) at South Asian 44,850 (6.9%).

I got in touch with the Edmonton Catholic District kasi doon nagsimula ang Filipino course sa Alberta. Napakabait nila para igiya ako sa ano ang dapat ko gawin. Una ang maghanap ng eskwelahan, administrador na susuporta, guro para magturo, isang course framework, at siyempre mga estudyante na mag-enrol sa programa, sabi ni Joy sa panayam ng Radio Canada International.

Wala pang eskwelahan ang nagturo ng wika at kulturang Pilipino sa Vancouver at kahit saaman na eskwelahan sa buong probinsya ng British Columbia.

Umaasa si Erie Maestro, retiradong librarian sa Vancouver Public Library, na aaprubahan ng Vancouver School Board ang matagal ng hiling ng marami sa komunidad ng mga Pilipino.

"'Yung demand ng pagtuturo ng Filipino ay hindi lang nagmumula sa ating community. Gusto 'yan ng second generation na hybrid families na alam ko hindi mga Pilipino pero gusto nila matuto. Hindi lang ito para sa atin kundi sa mas nakararami pa sa komunidad," sabi ni Erie.

Si Erie Maestro ang nagsimula ng Tagalog storytime sa Vancouver Public Library noon.

Masaya talaga ako. Unang hakbang ito kasi ang Sir Charles Tupper [Secondary School] ang eskwelahan na malaki ang porsyento ng ating kabataan. Bagama't language elective pa lang ito, malaking bagay kasi ito ang pagtugon sa sentimyento ng mga bata at magulang na magkaroon ng Tagalog na elective na kurso, ani Erie.

Erie Maestro sa loob ng isang silid-aklatan.

Nagbahagi ng kuwento si Erie Maestro sa mga bata sa ginawang 'Virtual Storytime with Tita Erie' noong magpandemya.

Litrato: Vancouver Public Library

Ito pagbibigay sa kahalagahan ng wika. At sa statistics, ginagamit ang Tagalog na first languages na ginagamit sa bahay. Kung ang mga libro natin ... ang mga may-akda natin nasa library, dapat makita din sila sa eskwelahan, dagdag pa ni Erie.

Ang mga estudyante sa sekondarya ay kailangan kumuha ng 28 course credits mula sa pagpipilian na elective courses para maka-graduate. Makukuha ang mga kursong ito mula Grade 10 hanggang 12.

Gusali ng SCT Secondary School.

Ang course framework na FLC 11 ay binuo ni Maria Ramirez na isang guro sa SCT Secondary School.

Litrato: Google Maps

Sa oras na maaprubahan, ang Filipino Language and Culture 11 na kurso ay maaari na kunin ng mga estudyante sa Grades 10, 11 at 12 sa eskwelahan para rin makakuha ng four credit points..

Kapag maaprubahan ng Vancouver School Board, umpisa nang iaalok ang kurso sa pagbubukas ng klase sa Setyembre ngayong taon.

Mahalaga itong paglagay ng Filipino language and culture [sa elective courses] dahil isa sa plano ng Vancouver School Board, giya sa kanila ito, ang suportahan ang inclusion at equity para sa lahat ng estudyante, ani Joy.

Pagbobotohan ng mga miyembro ng Vancouver School Board ang panukala ngayong araw.

Pagtutuwid: Ang elective course na Filipino Language and Culture 11 ay iaalok sa Grades 10, 11 at 12 at hindi lang sa Grade 11 na unang naiulat dito.

Rodge Cultura

Mga Ulo ng Balita