1. Home
  2. Lipunan
  3. Paglahok sa Komunidad

[Ulat] Pinoy newcomers naging inspirasyon ng nabuong ’Buy Nothing' group sa GTA

'Buy Nothing' lumalaki na ugnayan ng newcomers at Pinoys sa Toronto na nais mamigay ng mapapakinabangang gamit

Ang buwan makikita sa likod ng skyline ng lungsod ng Toronto.

Habang nagtaasan ang halaga ng renta ng tirahan at mga bilihin, nabuo naman ang isang grupo para sa 'pagbibigayan' ng gamit sa komunidad ng mga Pilipino sa Toronto, Ontario.

Litrato: Reuters / Mark Blinch

Rodge Cultura

Sa harap ng tumataas na presyo ng mga bilihin at dumadaming newcomers sa Greater Toronto Area (GTA) naisipan ng isang Filipino Canadian sa Toronto na pagtagpuin sa 'Buy Nothing' online group ang mga Pilipino. Pakay sa lumalaki na grupo ang mai-promote ang pamimigay ng libreng kagamitan lalo na sa mga bagong dating na tinatawag na "newcomers" sa Canada.

Masaya na umuwi sa nirerentahan na bahay si Trisha Montealto, international student at may dalawang anak, noong Miyerkules. Bitbit niya ang mga natanggap na laruan para sa kanyang dalawang anak.

Nagbiyahe ako pa-North York kahit pa may snowstorm para kunin ang mga laruan. Worth it naman dahil pag-uwi ko sinalubong ako ng mga anak ko dahil na-excite sila, natutuwang sabi ni Trisha.

Dalawang bata naglalaro ng toys.

Masaya na naglalaro ng toys ang mga anak ni Trisha Montealto, edad 2 at 7 taong gulang, mula sa natanggap ng pamilya sa grupo ng ‘Pinoy Buy Nothing Toronto.’

Litrato: Isinumite ni Trisha Montealto

Isang buwan pa lang mula nang dumating ang pamilya ni Trisha sa Toronto, Ont. galing sa Pilipinas noong Disyembre 21 noong nakaraang taon. Magkasama na dumating ang buong pamilya para suportahan ang isa't isa habang mag-aaral bilang international student si Trisha sa isang kolehiyo sa lungsod.

Ayon kay Trisha, pareho na naghahanap ngayon ng trabaho silang mag-asawa habang abala naman siya sa kanyang pag-aaral. Kaya naman tinitipid nila ang budget para sa renta sa tirahan at mga pangunahing pangangailangan ng pamilya.

Si Trisha Montealto kasama ang asawa at dalawang anak.

Magkasama na muling nagsisimula ng bagong buhay sa Canada si Trisha Montealto, ang kanyang asawa at dalawang anak.

Litrato: Isinumite ni Trisha Montealto

"Kasi nga newcomer kami at hindi pa ako gumagastos sa pagbili ng mga laruan ng bata. At iniisip ko na gagamitin ang pera namin sa mas mahalagang mga bagay."

Ang grupong Pinoy Buy Nothing Toronto (bagong window) ay binuo ni Jose Dadural noong Oktubre 2022 para magkaroon ng ugnayan ang mga residente sa GTA na nais maipamigay ang mapapakinabangan pa na gamit para sa nangangailangan nito lalo na para sa newcomers.

Maraming newcomers dito pero baka nahihiya kasi karamihan Jewish community [sa Manila town], nag-e-English so naisip ko kakaunti ang mga Pilipino. Kaya naisip ko gumawa ng Pinoy version para magtulungan ang [mga] Pilipino, sabi ni Dadural.

Jose Dadural hawak ang kanyang bisikleta.Palakihin ang larawan (bagong window)

Si Jose Dadural ay isang siklista. Nagbibisikleta siya tuwing pumapasok sa trabaho sa downtown Toronto. Nakikita niya umano na marami ang mga itinatapon pero mapapakinabangan pa na gamit.

Litrato: Isinumite ni Jose Dadural

Para maging kaunti lang 'yung kagamitan na maitapon sa landfill. Kasi naniniwala ako doon sa reduce, reuse, recycle, sabi niya.

Dumadami ang sumasali at nagbabahagi ng mga libreng gamit kahit tatlong buwan pa lang ang nakalipas. Marami ang namahagi ng segunda mano at maging brand new na gamit mula sa laruan ng mga bata, gamit sa bahay, kasuotan at maging sa personal hygiene na kagamitan. Ang grupo ngayon ay may mahigit 1,300 na miyembro sa social media.

Lumaki din ako sa hirap. Walang masyadong kagamitan, simpleng buhay. So kung may kagamitan ako na mapapakinabangan pa, ibigay ko na lang sa iba kaysa itapon o nakakalat lang diyan, ani Dadural.

Nagpapasalamat naman si Trisha sa may mga magandang loob na bukal aniya na nagbigay ng mga gamit lalo na para sa gaya nila na newcomers sa bansa.

Si Jose Dadural kasama si Mark Jimenez.Palakihin ang larawan (bagong window)

Lumalaki ang ugnayan para sa pagbibigayan ng mga Pilipino ang grupo na sinimulan ni Jose Dadural sa Toronto, Ont.

Litrato: screenshot mula FB/Pinoy Buy Nothing Toronto

Maganda ang grupo na ‘to kasi maramdaman mo ang pagiging Pilipino talaga. [Naka]handang tumulong. Hindi naman lahat sa [nasa] grupo well-established na sa Canada. Ang thoughtfulness ng mga tao sa grupo ay nakaka-proud, dagdag ni Trisha.

Paglilinaw ng grupo bukas sa lahat at hindi limitado lang sa newcomers ang tumanggap o maghanap ng mapapakinabangan na gamit mula sa grupo.

Ipinaalala naman ni Dadural sa lahat na maging magalang sa bawat isa. Pakiusap niya sa mga tumatanggap ng gamit, Kung may magbigay ng used na kagamitan para hindi na bumili, tanggapin po natin 'yun. Huwag mamintas, huwag mamili kung ano ho 'yung ibibigay, ani Dadural. At saka respectful lang ho tayo sa iba nating kapwa. Sa tingin ko magiging malaki [pa] ang grupong ito dahil marami tayong mga matulungan.

Rodge Cultura

Mga Ulo ng Balita