1. Home
  2. Kalusugan
  3. Trabaho

Recruitment trip sa Pilipinas ‘magandang balita,’ sabi ng Manitoba nursing college CEO

Bibisita ang delegasyon sa Maynila, Cebu at Iloilo mula Pebrero 21 hanggang 25

Isang nurse na nakasuot ng personal protective equipment hawak ang injection.

Inanunsyo ng Manitoba noong Miyerkules na magpapadala ito ng delegasyon sa Pilipinas sa Pebrero upang mag-recruit ng internationally educated nurses.

Litrato: Shutterstock / AnaLysiSStudiO

RCI

Dahil sa lumalaking pangangailangan para sa mas maraming health-care workers, ang probinsya ay nais magdala ng mga kwalipikadong tao mula sa labas ng bansa upang makasabay sa tumataas na demand.

Ang delegasyon mula sa Manitoba ay pupunta sa Pilipinas sa susunod na buwan, sa pag-asang makakapag-recruit ng daan-daang internationally educated nurses (IENs) para magtrabaho sa health care sa probinsya, ayon sa news release na inilabas noong Miyerkules.

Ang grupo, kasama si Manitoba Advanced Education, Immigration and Skills Minister Jon Reyes, ay nakaiskedyul na bumisita sa tatlong siyudad — Maynila, Cebu City at Iloilo — sa Pebrero 21 hanggang 25.

Si Deb Elias, ang chief executive officer at registrar ng College of Registered Nurses of Manitoba, ay isang malaking tagapagtaguyod ng international recruiting mission.

Isa itong magandang balita. Kinikilala namin na may significant pressure sa health-care system at ang pagkakaroon ng sapat na bilang ng mga registered nurse ay isang bagay na kami ay very dedicated na gawin sa College of Registered Nurses, ani Elias sa CBC News sa isang interbyu.

Ang mga aplikante sa Pilipinas ay ipi-pre-screen, at nakapokus ang misyon sa paghahanap ng IENs na may at least dalawang taon na karanasan sa acute o long-term care. Kailangan din nilang kumpletuhin ang isang English language test.

Magsasagawa ang provincial health-care employers ng mga interbyu, na may intensyon na magbigay ng conditional employment sa mga indibidwal sa Pilipinas na maaabot ang mga ninanais na kwalipikasyon.

Ngunit maaaring tumagal ng ilang taon bago sila makapagsimulang magtrabaho sa isang health-care facility sa Manitoba dahil sa immigration pathways.

Para sa isang registration pathway, ito ay humigit-kumulang isa o dalawang taon depende kung ilang gaps mayroon ang mga tao sa kanilang competence assessment at sa kanilang life events din. Aabutin ng ilang taon, ani Elias.

Talagang ito ay mas medium-term plan.

Pero siya ay optimistiko, binigyang-diin ni Elias na noong nagsagawa ang probinsya ng international recruiting missions noong 2000 at 2008, nagkaroon ng fairly good uptake.

May existing na proseso para dalhin ang health-care workers mula sa ibang bansa sa Manitoba, pero darating na ang mga pagbabago. Umaasa si Elias na ang mga Pilipinong aplikante ay magagawa ang karamihan sa registration requirements bago makarating sa Canada.

Ang clinical competence assessment at theoretical courses ay kabilang sa mga balakid na kailangang kumpletuhin ng mga international applicant. Kapag dumating na sila sa Manitoba, maaari nilang kumpletuhin ang ibang registration requirements at makasali sa health-care system sa maikling panahon, ayon kay Elias.

Ang IENs ay maaari rin magtrabaho bilang undergraduate nurse employees habang kinukumpleto nila ang kanilang education requirements.

Binibigyan sila nito ng tsansa na makapagtrabaho sa loob ng sistema, dito sa Manitoba habang ginagawa nila iyon, aniya. Maaari silang mag-contribute sa sistema, ngunit trabahuhin din ang pagkuha ng kanilang registered nursing status, na isang magandang balita para sa lahat.

Sa ganitong paraan, ang mga kwalipikadong nurse ay makaka-access sa support at mentorship package na kasama ang travel, immigration costs, credentialing at mentorship, ayon sa release.

Inanunsyo na dati ng probinsya ang suporta para sa IENs na nakatira sa Manitoba, kasama ang clinical competency assessments, bridge training, living allowance, transportasyon at child care, at assistance para makatulong na i-navigate ang licensing process.

Isang nurse na nag-o-operate ng equipment sa loob ng operating room.

Ang Manitoba ay may katulad na registration requirements sa ibang probinsya ng Canada para sa IENs, ani Deb Elias.

Litrato: Associated Press / Jean-Francois Badias

Ang registration requirements ng Manitoba para sa IENs ay katulad ng iba sa buong Canada, ani Elias.

Ang Filipino community sa probinsya ay patuloy na lumalago, at dama ni Elias na ito ay isang ideal na lugar para sa IENs na mag-migrate.

Ganito rin ang saloobin ni health minister Audrey Gordon.

Napakalinaw na sinasabi ng aming gobyerno na ang Manitoba ang destination of choice para sa trained health-care providers mula sa buong mundo, aniya sa release.

Ang recruitment trip ay parte ng Health Human Resource Action Plan (bagong window) ng probinsya, na inanunsyo noong Nobyembre.

Isang artikulo ni Nathan Liewicki (bagong window), CBC News na isinalin sa Tagalog ni Catherine Dona.

Mga Ulo ng Balita