1. Home
  2. Lipunan
  3. Imigrasyon

[Ulat] Premier kumonekta sa mga Pilipinong lider sa Alberta para tumibay pa ang ugnayan

Inumpisahan ng premier ng Alberta ang taon sa pamamagitan ng pakikipagkita sa Filipino leaders sa probinsya

Danielle Smith kasama ang ilang Filipino leaders.

Alberta Premier Danielle Smith, gitna, kasama ang mga lider ng Filipino community sa Calgary, Alt.

Litrato: Philippine Consulate General Calgary

Catherine Dona

Noong Enero 7, nakipagkita si Alberta Premier Danielle Smith sa mga Pilipinong lider kasama si Consul General Zaldy Patron ng konsulado ng Pilipinas sa Calgary sa Marlborough Park Community Association para pag-usapan kung paano mas mapapabuti ang kalagayan ng mga Pilipino sa Alberta.

Ayon sa pinakahuling datos ng Statistics Canada, 216,710 Filipino Canadians ang nakatira sa probinsya. Samantala, 957,355 o 2.58% ng kabuuang populasyon ng Canada ay binubuo ng mga Pilipino. Ang mga Pilipino ang isa sa pinakamabilis na lumalaking visible minority group sa bansa kasama ang mga Tsino at South Asians.

Ayon sa press release ng Philippine Consulate General, ang naturang pagkikita ay naganap sa New Year’s Gala Night na inorganisa ng Council & Assembly of Filipino Foundations and Associations (CAFFA). Sina Premier Smith at Consul General Patron ang mga espesyal na panauhin sa taunang event ng Council & Assembly of Filipino Foundations and Associations.

Hiniling ni Premier Smith na makausap ang mga lider ng komunidad upang alamin at pakinggan ang mga concern ng Filipino Albertans. Ibinahagi naman ni Premier Smith ang mga programa ng probinsya na makakatulong sa mga Pilipino sa Alberta.

Isa sa mga programang ito ay ang implementasyon ng memorandum of understanding (MOU) sa pagitan ng Alberta at Pilipinas upang magdala ng mas maraming registered at licensed practical nurses sa probinsya. Ang naturang MOU ay nilagdaan ng dating premier na si Jason Kenney noong Oktubre 6, 2022.

Ang Philippines-Alberta MOU on the Recruitment of Filipino Nurses ay hinihikayat ang Pilipinas na magpadala ng mga nurse sa probinsya kapalit ng pagbibigay ng gobyerno ng financial, educational at licensing assistance para mas madaling makapag-transition ang Filipino nurses sa probinsya.

Mag-i-invest din ang Alberta ng $3.5 milyon upang tulungan ang internationally trained nurses na makapag-upgrade para mas mabilis na makapasok sa mga ospital at iba pang clinical settings.

Samantala, ibinida naman ni Consul General Patron kay Premier Smith ang mga proyekto ng konsulado para pagyamanin ang pagtutulungan at mas mapalapit ang ugnayan ng Alberta at Pilipinas, kasama rito ang pagsulong sa kapakanan at interes ng komunidad ng mga Pilipino sa Alberta.

Bukod sa matagumpay na negosasyon sa MOU, ilan sa mga proyektong ibinalita ni Consul General Patron kay Premier Smith ay ang sumusunod:

  • Pagtatayo ng unang monumento ni Dr. Jose Rizal sa Nose Creek Regional Park sa Airdrie, Alberta.

  • Ang promosyon ng kooperasyon sa edukasyon na nauwi sa paglalagda ng Graduate Scholarship Program sa pagitan ng Philippine Department of Science and Technology at University of Alberta.

  • At ang pagsasanay sa mga guro ng Filipino Language and Culture subjects na itinuturo sa ilang high school sa Alberta.

Ang Alberta ay isa sa mga popular na probinsya kung saan maraming Pilipino ang nagma-migrate kabilang ang Ontario, Manitoba at British Columbia.

Catherine Dona

Mga Ulo ng Balita