1. Home
  2. Pandaigdig
  3. International Relations

Plano ng Mexico City na i-welcome sina Biden at Trudeau sa Enero

Ang huling North American summit ay naganap sa Washington noong nakaraang taon

Joe Biden, Justin Trudeau at Andres Manuel Lopez Obrador naglalakad sa loob ng White House.

Pumunta si Justin Trudeau sa Washington upang makipagkita kina U.S. President Joe Biden at Mexican President Andrés Manuel López Obrador, sa “Three Amigos” summit noong Nobyembre 18, 2021 (archives).

Litrato: Getty Images / Alex Wong

RCI

Inihayag ni Mexican President Andrés Manuel López Obrador noong Biyernes na magho-host siya ng mga pagpupulong kasama sina U.S. President Joe Biden at Prime Minister Justin Trudeau sa Mexico City sa unang bahagi ng susunod na taon.

Ang North American summit, na nakaiskedyul para sa Enero 9 at 10, ay magsasama rin ng bilateral meetings sa dalawang bansa, sinabi ni López Obrador. Ayon sa presidente ng Mexico pumayag na si Biden na maglakbay sa bansa noong Oktubre.

Hindi opisyal na kinumpirma ng White House o ng mga opisyal ng gobyerno ng Canada ang kanilang pagdalo.

Nagpulong ang tatlong pinuno noong nakaraang taon sa Washington. Ang mga talakayang ito ay karaniwang nakatuon sa imigrasyon, seguridad at ekonomiya.

Gayunpaman, sa taong ito, ang Estados Unidos at Canada ay naghain ng kahilingan para sa mga konsultasyon sa gobyerno ng Mexico.

Una rito naghain ang dalawang bansa ng komersyal na reklamo tungkol sa mga hakbang na ginawa ng administrasyon ni López Obrador upang paboran ang isang kumpanya ng Mexico sa sektor ng kuryente.

Sinasabi ng parehong bansa na ang pagpapabor sa isang domestic na kumpanya kaysa sa mga kumpanyang Amerikano at Canadian ay lumalabag sa U.S.-Canada-Mexico Free Trade Agreement, na kilala sa acronym na CUSMA.

Isang artikulo ng The Canadian Press na isinalin sa Tagalog ni Catherine Dona.

Mga Ulo ng Balita