1. Home
  2. Ekonomiya
  3. Economic Indicators

Presyo ng gasolina tataas umano ng 10 sentimo sa GTA sa Miyerkules, ayon sa experts

Ang presyo ay maaaring tumaas ng apat na sentimo sa Huwebes, ayon sa gas price watcher

Isang tao na hawak ang gas pump at naglalagay ng gasolina sa kanyang sasakyan.

Tataas umano ang presyo ng gasolina sa Toronto at GTA ayon sa website ng Gaz Wizard (archives).

Litrato: Radio-Canada / Robert Short

RCI

Baka gusto mong bumisita sa gasolinahan ngayong Martes, Toronto.

Ang Gaz Wizard, isang website na nagta-track ng mga presyo ng gas sa buong bansa, ay hinuhulaan ang 10 sentimo na pagtaas ng presyo ng gasolina sa Toronto at GTA (Greater Toronto Area) pagsapit ng Miyerkules, tataas sa 162.9 sentimo kada litro mula sa 152.9 sentimo kada litro.

Ayon sa gas price watcher na si Dan McTeague, ang pagtaas sa presyo ng gasolina ay itinutulak ng mga merkado na nahaharap sa realidad ng oil producing nations na nangangako na babawasan ang produksyon.

Ang mundo ay nasa isang napakahigpit na sitwasyon ukol sa suplay ng langis, ani McTeague. Kaya ang anumang dagdag na pagbaba sa suplay na iyon, planado man o hindi, ay magkakaroon ng predictable effect na gagawing mas mataas ang presyo.

‘Isang inflationary spiral’

Sinabi niya na ang presyo ay maaaring tumaas pa ng apat na sentimo sa Huwebes, kaya ngayong Martes ang pinakamagandang araw para punuin ang tanke ng gasolina bago mag-long weekend.

Sinabi ni McTeague na ang Russia ay mas babawasan pa ang suplay ng gasolina sa Europa at ang mga lockdown sa Tsina na nagpapababa sa pangangailangan sa langis ay nakakaapekto sa presyo.

Tayo ay nalalapit sa isang delikadong sitwasyon kung saan wala talagang may ekstrang kapasidad na taasan ang produksyon upang maabot ang global demand, na talagang napakalakas, ani McTeague.

Sinabi niya na ang stability sa presyo ng gasolina ay wala sa mga baraha sa panahon na ito habang tinitingnan natin ang isang inflationary spiral na nilikha ng sinasabi niyang energy crisis.

Ang mga bansa na maaaring makatulong, tulad ng Canada, ay walang ekstrang kapasidad. Sila ay maraming natural gas at langis, pero hindi nila ito madala sa merkado, ani McTeague.

Lahat tayo ay magbabayad para rito, at lahat tayo ay kailangan maghigpit ng sinturon bilang resulta nito.

Isang artikulo ng CBC News na isinalin sa Tagalog ni Catherine Dona.

Mga Ulo ng Balita