1. Home
  2. Lipunan
  3. Imigrasyon

Pag-aaral ng Filipino o Tagalog tungkol sa koneksyon sa pamilya, pagtuklas ng lahi

Ang mga taga-Albertra na alam ang wika na ito ay tumaas sa higit 34,000 mula 2016, ayon sa census

Jay-R De Lara nakaupo sa labas ng eskuwelahan.

Si Jay-R De Lara, na kamakailan ay sinimulan ang ikapitong taon bilang educator, ay nagtuturo ng Filipino Language and Culture program sa Holy Trinity Catholic High School sa Edmonton sa nakalipas na anim na taon.

Litrato: CBC News / Nicholas Frew

RCI

Nang magsimula si Jay-R De Lara na magturo ng wikang Filipino at kultura sa Holy Trinity Catholic High School sa timog-silangang Edmonton, naramdaman niya na karamihan sa kanyang mga estudyante ay naroroon para madaling makakuha ng marka.

Pagkalipas ng anim na taon, nakita niya ang kanyang programa na naging isang environment kung saan may lumalaking bilang ng non-fluent students na nag-aaral ng Tagalog at kumokonekta sa kanilang kultura.

Nais kong ibahagi ang kaalaman na iyon, ani De Lara. Ang Holy Trinity, sa Mill Woods, ay may malaking populasyon ng mga Pilipinong estudyante.

Kung magpapatuloy sila sa pagkuha ng mga klaseng ito, mananatili ang kaalaman na iyon at maipapasa nila sa mga henerasyon sa hinaharap, ani De Lara.

Noong Agosto, naglabas ang Statistics Canada ng datos tungkol sa wika bilang parte ng 2021 census ng populasyon.

Ipinakita ng datos na may lumalaking bilang ng Albertans ngayon na marunong mag-Tagalog o Filipino.

Isang tsart.Palakihin ang larawan (bagong window)

Isang tsart na nagpapakita ng kaalaman ukol sa wikang Tagalog sa Alberta.

Litrato:  CBC News / Statistics Canada

Ang Ingles at Filipino ang opisyal na mga lengguwahe ng Pilipinas. Ang Filipino ay base sa Tagalog, ang lengguwahe ng mga taong Tagalog.

Noong 2016, humigit-kumulang 99,000 na tao sa Alberta na Filipino o Tagalog ang unang wika. Ang bilang na iyon ay tumaas sa halos 108,400 noong 2021.

Ang Tagalog (kasama ang Filipino) ang bagong wika na kadalasan ay sinasalita sa bahay para sa mahigit 69,500 na residente sa Alberta, kumpara sa humigit-kumulang 55,100 noong 2016, iniulat ng Statistics Canada.

Ngunit ang bilang ng mga taga-Alberta na nalalaman ang Filipino o Tagalog para makapagsalita nito ay tumaas ng higit 34,000 sa pagitan ng 2016 at 2021 — tumaas mula 138,400 katao tungo sa 172,600, ipinakita ng datos.

Ang Calgary at Edmonton census metropolitan areas ang may pinakamaraming populasyon ng mga tao na nalalaman ang Tagalog o Filipino. Ngunit ang Brooks area sa timog-silangang Alberta, ang may pinakamataas na proportion ng mga tao na nalalaman ang wikang ito — humigit-kumulang isa sa 10 katao, ayon sa datos.

Para kay Aliyah Cabie, isang Grade 12 na estudyante sa Holy Trinity, ang pag-aaral ng Tagalog ay isang paraan para kumonekta sa kanyang lola.

Aliyah Cabie nakaupo sa labas ng gusali.

Sinabi ni Aliyah Cabie, 17, na siya ay nag-aaral ng Tagalog para makakonekta sa kanyang lola.

Litrato:  CBC News / Nicholas Frew

Si Cabie, na tinuruan mag-Tagalog noong bata pa siya, ay limang taong gulang nang lumipat ang kanyang pamilya sa Canada.

17 na siya ngayon at lumaki na nagsasalita ng Ingles. Nakakaintindi pa rin siya ng Tagalog kapag naririnig ito, ngunit hindi na makapagsalita ng kanyang unang lengguwahe.

Ang kanyang ina, aniya, ay pinilit siyang mag-enroll sa Filipino na kurso ni De Lara, ngunit sinabi ni Cabie na gusto naman niya, para sa kanyang lola — na hindi marunong magsalita ng Ingles — nang lumipat ito.

Ito ay naging one-sided na pag-uusap lamang, aniya. Nakikinig lang ako.

Kaya na ngayon magsalita ni Cabie ng broken sentences, aniya, ngunit masaya siya na nakakonekta sa kanyang lola.

Para kay Mitzy Dimaculangan, isang Grade 11 na estudyante sa Holy Trinity na lumipat sa Canada mula Pilipinas noong siya ay siyam na taong gulang, kumukuha siya ng kursong ito para matuklasan ang kanyang lahi.

Mitzy Dimaculangan nakatayo.

Si Mitzy Dimaculangan, isang Grade 11 na estudyante sa Holy Trinity Catholic High School, ay nag-enroll sa Filipino language and culture class ng kanyang eskuwelahan para makakonekta sa kanyang lahi.

Litrato:  CBC News / Nicholas Frew

Nais kong kumonekta muli sa aking lengguwahe at muling matuto ng lahat ng bagay na nakalimutan ko na, aniya.

Habang Ingles ang isa pang opisyal na wika ng Pilipinas, sinabi ni Dimaculangan na hindi lahat ng nakatira roon ay fluent o naiintindihan ito.

Ang pag-aaral ng Tagalog sa eskuwelahan ay nakatulong sa kanya na mas makipag-usap nang mabuti sa kanyang mga kamag-anak.

Si Josephine Pallard, isang Filipino community leader sa Edmonton, ay nagtuturo ng wikang Filipino mula pa noong 1979.

Maraming advantages ang matuto nito, aniya, tulad ng personal at kultural na pagkakakilanlan, pagdami ng mga oportunidad, at pagkonekta sa mga kamag-anak.

Bagama’t, higit sa mga ito, napepreserba ang legasiya — partikular sa mga nakababatang henerasyon na ipinanganak sa Canada at sa mga tao na dayuhang wika ang Filipino.

Ito ay pagpapanatili sa legasiya, ani Pallard, ang secretary-treasurer ng Filipino-Canadian Saranay Association ng Alberta. Siya rin ang principal ng Filipino Language and Culture School ng Edmonton.

Kahit saan ka magpunta, hindi mo makakalimutan kung saan ka ipinanganak. Hindi mo talaga sasabihin na, 'Once upon a time ako ay.’ Palagi mong sasabihin na, ‘Ako ay isang Pilipino palagi.’

Para kay Jeannette Dotimas, ang census data ay nagsisilbi na isang pagpapatunay.

Si Dotimas, na ipinanganak sa Edmonton, ay ginugol ang apat na taon ng kanyang kabataan sa Pilipinas bago nagbalik ang kanyang pamilya sa siyudad.

Naalala niya kung paano nagpokus nang matindi ang ilang imigranteng pamilya sa pag-integrate sa lipunan ng Canada, partikular, ang pagpili sa pagsasalita ng Ingles sa bahay kaysa Filipino.

Ang census data, aniya, ay patunay na walang kaduda-duda na ang mga Pilipino ay narito para manatili.

Sa maraming paraan, ang wika ay isang expression ng kultura, ani Dotimas.

Nagbibigay ito sa akin ng sense of pride … Ipinaparamdam nito na hindi kami isang outsider.

Isang artikulo ni Nicholas Frew (bagong window), CBC News na isinalin sa Tagalog ni Catherine Dona.

Mga Ulo ng Balita