1. Home
  2. Pandaigdig
  3. International Politics

[Ulat] Progresibong grupo, survivors ipinaalala ang mga pang-abuso noong martial law

Sumama ang ilang survivors sa pagkilos ng ilang grupo para ipaalam ang kanilang karanasan noong batas militar

Upuan na may dalawang posas.

Idinaan sa 'Gintong Batas' art exhibit ang ginawang pagmarka sa ika-50 taon ng deklarasyon ng batas militar sa Pilipinas, sa Montreal Que., Setyembre 21, 2022.

Litrato: FB/Tess Alfred-Gilbert

RCI

Ibinahagi ng ilang survivors ang mga pang-aabuso na kanilang sinapit sa panahon ng batas militar sa Pilipinas. Sumama sila sa aktibidad na inilunsad sa iba't ibang bahagi ng Canada na minarkahan ang ika-50 taon ng deklarasyon ng batas militar.

Babala: Ang istoryang ito ay naglalaman ng detalye ng torture na maaaring ikabalisa ng ibang mambabasa.

Inilahad ni Edmundo Muyot, isang dating estudyante at aktibista, na hanggang ngayon ay binabangungot pa rin siya sa sinapit sa kamay ng mga sundalo na umaresto sa kanya noong Disyembre 1973.

Ilang linggo matapos madakip ako. Suntok, Russian roulette, pinahubad ako at nilagay ako sa harap ng aircon, kwento ni Edmundo. Tapos may mga bala na inipit sa mga daliri ko, ‘pag nahulog 'yung bala may suntok o sampal kang aabutin, sabi niya.

Si Edmundo Muyot nagsasalita sa harap ng mikropono.

Nagsalita si Edmundo Muyot sa isang pagtitipon para ihayag ang kanyang naging karanasan na pang-aabuso noong panahon ng martial law, sa Winnipeg, Man., Setyembre 18, 2022.

Litrato: David Estañol

Nag-aaral siya noon sa Lyceum of the Philippines habang aktibo na sumasama sa mga kilos-protesta laban sa deklarasyon ng martial law sa Pilipinas. Si Edmundo ay miyembro noon ng Kabataang Makabayan, na isang organisasyon ng kabataan.

Nagsusulat ako sa diyaryo sa eskwelahan. Nagmamartsa kami sa daan. Nagtitipon kami sa Plaza Miranda may mga dalang plakard para malaman ng tao bakit kami nagmamartsa. Nagbibigay kami ng polyeto, manifesto sa mga nasalubong na kababayan para malaman nila bakit kami nasa daan.

Ang deklarasyon ng martial law (PD 1081) noon ni dating pangulong Ferdinand Marcos Sr. ay sinasabing nagligtas sa bansa sa lumalala na kaguluhan at banta ng komunismo.

Pero bago pa isinailalim sa batas militar ang Pilipinas ay kutob ng marami na ang tunay na pakay sa deklarasyon ay para manatili sa kapangyarihan si dating pangulong Marcos Sr. na malapit na magtapos ang ikalawa at huling termino.

Pinirmahan ni dating pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang proclamation 1081, deklarasyon ng batas militar, noong ika-21 ng Setyembre 1972.

Isang taon matapos ang [deklarasyon] ng martial law. Patuloy ang pagkilos namin sa mga paaralan. Meron kaming mga lightning march, at saka naglagay kami ng mga itim sa aming damit, para ipaalam na namatay na ang demokrasya.

Ika-50 taon matapos ang deklarasyon

Kasama si Edmundo sa mga survivor at alyansa ng grupong sumusuporta na nagtagpo sa Winnipeg, Man. para markahan ang ika-50 taon na deklarasyon ng batas militar.

Mahirap sariwain ang karanasan na nangyari sa 'yo. Parang ano ba mananaginip na naman ako. Kapag nagkwento ka kasi minsan hindi nakikinig sa 'yo. Ang sinasabi kriminal. Nahuli kaya sinaktan ka. Pero 'yung sa Winnipeg nakakaintindi sila. Kaya nakatulong na parang 'yung peklat [ng dinanas] may paggaling.

Isang vigil ang idinaos sa Vimy Ridge Park sa Winnipeg alay sa lahat ng mga survivor ng batas militar.

Sa isang pahayag iginiit ng Malaya Canada, isang progresibong grupo, na ang naturang panahon ay brutal at talamak ang panunupil ng mga sundalo sa kalayaang sibil, kalayaan ng prensa at oposisyong politikal. Nakikiisa ang grupo sa panawagan na huwag kalimutan ang kasaysayan.

Malaya Canada President Marissa Corpus.

Inamin ni Malaya Canada President Marissa Corpus ang kanyang pagkadismaya sa kumakalat na disinformation at aniya ay revisionism sa kasaysayan.

Litrato: Marissa Corpus

Unang-una, disgusted. Kasi 50 years ago Marcos ang nagdeklara. Ngayon 50 years after, Marcos pa rin. 'Yan ang word talaga, disgusted! Ngayon mukhang walang pagkakaiba. Ang nangyari binabago [pa] ang kasaysayan.

Linggo ng pagkilos

Sa Toronto, Ont., isang linggo na minamarkahan ang ika-50 taon na deklarasyon ng batas militar.

Babae nagsasalita habang inaangat ang kaliwang kamay.

Nagtalumpati si Jazz Manalang, mula sa Anakbayan Toronto, sa ginanap na protesta ng mga progresibong grupo bilang pag-alala sa mga namatay at mga survivor ng batas militar, sa Bathurst St. at Wilson Avenue, Toronto noong Setyembre 21, 2022.

Litrato: Daniel Estañola

Maliban sa protesta ay idinaos din ang isang konsyerto, cultural presentation at mga pagpupulong bilang pagbalik-tanaw sa itinuturing na madilim na bahagi ng kasaysayan sa Pilipinas.

Giit ng grupo, mula 1972 hanggang 1986 naidokumento na 70,000 Pilipino ang nakulong, 34,000 ang tinortyur habang 3,240 ang pinatay sa panahon ng batas militar.

Sa isang pahayag na ipinadala ni Rosie Lucente ng grupong Bayan Canada, ang buong linggo ay para sa ala-ala ng mga naging biktima ng diktadura.

Inihayag ng grupo na aabot sa $21 bilyon na halaga ang nanakaw mula sa kaban ng gobyerno sa panahong iyon. Bagay naman na hindi pa independyente na makumpirma ng Radio Canada International sa sources.

'Gintong Batas' art exhibit

Sa Montreal, Que., dalawang araw na ginanap ang isang art exhibit na layunin ang ipaalala ang mga pang-aabuso na naganap sa panahon ng batas militar.

Babae makikita sa projector screen hawak ang kanyang ulo.Palakihin ang larawan (bagong window)

Ipinalabas sa art exhibit ang videotape ng mga panayam sa ilang tao na nakaligtas sa batas militar.

Litrato: FB/Tess Alfred-Gilbert

Ibinahagi ni Jess Agustin, isang retiradong humanitarian and development worker at martial law survivor, ang panganib na pinagdaanan sa Pilipinas noong panahon ng diktadura.

Marami sa kanyang kaibigan aniya ang pinahirapan, pinatay o kaya ay hindi pa nahanap ang katawan matapos mawala noong panahon na kung tawagin ng iba ay ‘Golden Age’ sa Pilipinas.

Karamihan mga inaresto, ang iba talagang ni-raid ang kanilang bahay at pinatay at sinabing lumaban, sabi ni Jess.

Si Jess Agustin sa isang pagtitipon sa Toronto.

Tumira sa Canada si Jess Agustin at nagpatuloy sa kanyang humanitarian at development work sa loob ng tatlong dekada.

Litrato: Jess Agustin

Ang kanyang istorya ay kasamang itinampok sa ‘Gintong Batas’ art exhibit sa Montreal. Layunin sa event na sa tulong ng mga batang artists ay maibahagi ang kwento ng survivors kasabay sa pagmarka sa deklarasyon ng batas militar sa Pilipinas kalahating siglo na ang nakaraan.

Ang lakbay laban sa batas militar

Maaga namulat sa mga isyung panlipunan si Jess. Nag-aaral siya noon sa high school nang ideklara ni dating pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang martial law sa Pilipinas noong Setyembre  21, 1972.

Napag-usapan namin ano ba ang nangyayari sa Pilipinas. At sa panahong 'yon parang sunod-sunod na ang demonstrasyon ... sumasama kami sa Plaza Miranda, sa harapan ng old congress, sa harapan ng post office ... noong panahon na iyon last term na ni Marcos, sabi ni Jess.

Siya ay naging kasapi ng Catholic Action, isang organisasyon ng kabataan sa simbahan.

Sunod-sunod na ang mga pag-aresto. At pag-raid ng mga opisina, pati pagsasara ng mga media, paper and radio. Prior to declaration kasi sunod-sunod ... may mga indikasyon na. Una sinuspende ang writ of habeas corpus. You can be arrested anytime.

Nag-aaral sa third year high school nang naging kasapi aniya siya ng National Union of Students of the Philippines (NUSP), isang samahan ng mga estudyante. Sumasama siya sa mga kilos-protesta.

Nakasama aniya noon sa grupo ang charismatic youth leader at dating presidente ng National Union of Students of the Philippines na si Edgar Jopson o kilala sa pangalan na Edjop.

I was part of the core group. At that time, National Union of Students of the Philippines is a moderate group, sabi ni Jess. Nagdaan ang ilang taon, nakita na namin 'yong brutality ni Marcos, at marami sa kasapi ng movement ang nag-underground dahil kung hindi ay aarestuhin din. Sa pagkakataong 'yon, nag-aral na ako sa university at pumasok sa seminaryo dahilan na mas nakita ko ang mga pangyayari, kuwento ni Jess.

Noong Setyembre 20, 1982, napatay sa Davao City ang naging radikal na batang lider na si Edjop na itinuring na simbolo ng mga ideyalistiko na kabataang Pilipino.

Naging abala naman si Jess sa trabaho nang siya ay matanggap sa Caritas Philippines. Nakapaglingkod din umano siya sa Catholic Bishops Conference of the Philippines noon.

Kuwento niya, tumulong siya sa pagtayo ng newsletter na ‘Sign of Times’ kung saan muling inimprenta nila ang mga artikulo mula sa mga pahayagan sa Estados Unidos na naglalaman ng mga investigative stories tungkol sa Pilipinas at sa pamilya ni Marcos.

Doon namin nalaman gaano na kalaki ang utang ng Pilipinas. Ilan na ang pinatay. Kung ano ang mga ninakaw ni Marcos, dagdag ni Jess.

Nagawa ni Jess ang mag-ikot sa Estados Unidos at North America noong dekada otsenta para magsalita sa mga pagpupulong tungkol sa sitwasyon ng Pilipinas sa ilalim ng batas militar.

Pero sa gitna ng kanyang pag-iikot sa Canada ay hindi na aniya siya nakabalik sa Pilipinas matapos bansagan ng gobyerno ng Pilipinas na siya ay isang terorista.

Naimbitahan ako para magbigay ng talumpati sa speaking tour dito sa Canada mainly sa Maritime provinces. So while I was giving a talk, suddenly I got a call sa Halifax kasi nabasa nila front page sa Halifax Herald. At that time Reagan became the president, so right there my visa was revoked and my wife was there. We consulted a lawyer, and we were shock na 'yong passport, it was with the code classifying me as [a] terrorist. Meaning that I am not only allowed to go back to the Philippines but also in U.S.

Nanirahan na si Jess at ang kanyang maybahay sa Montreal, Canada.

Sina Jess at ang kanyang maybahay sa isang projector screen sa art exhibit.

Ikinuwento ni Jess Agustin at kanyang maybahay ang karanasan sa ‘Gintong Batas’ art exhibit sa Montreal noong Setyembre 21, 2022.

Litrato: FB/Tess Alfred-Gilbert

Nagretiro na kamakailan ang Filipino Canadian na si Jess sa kanyang trabaho bilang humanitarian at development worker matapos ang tatlong dekada.

Kasabay sa paggunita ng ika-50 taon na deklarasyon ng martial law sa Pilipinas ay kasamang itinampok sa art exhibit ang kanyang kwento para ipaalala ang mga naganap noong panahon ng batas militar.

Maliban sa videotaped na pagbabahagi ng martial law survivors sa kanilang karanasan ay pinakita sa art exhibit ang hanging placards ng mga aktibista at ang mga artistiko na gawa ng mga batang artists batay sa kanilang naunawaan mula sa mga survivor.

Joey Caluag na nakasalamin at may hawak na papel.

Si Joey Caluag sa isinagawa ang 'found poetry' word art workshop para sa paggawa ng mga tula mula sa lumang magasin at mga babasahin noong panahon na idineklara ang batas militar.

Litrato: Joey Caluag

Sinabi ni Joey Caluag, co-organizer ng Gintong Batas art exhibit, na dahil sa social media kumukuha ng impormasyon ay marami ang nadadala at napaniwala sa mga nababasa na hindi makatotohanan.

Hindi kami kontra sa mga taong may sariling pang-unawa tungkol sa isang pulitiko, o sa isang halalan. Iyan ay demokrasya. Ang naging isyu para sa amin ay ang katotohanan na binabago ang kasaysayan at ang pag-whitewash.
Isang quote mula sa Joey Caluag, co-organizer, Gintong Batas art exhibit

Mga Ulo ng Balita