1. Home
  2. Pandaigdig
  3. International Relations

[Ulat] Highlights ng pagbisita ni International Trade Minister Mary Ng sa Pilipinas

Bumisita si International Trade Minister Mary Ng sa Pilipinas kamakailan

Nagsasalita si Mary Ng sa podium.

Bumisita si International Trade Minister Mary Ng sa Pilipinas noong nakaraang linggo.

Litrato: Twitter/Peter MacArthur

Catherine Dona

Noong nakaraang Martes, Setyembre 20, tinapos ni Canadian Minister of International Trade, Export Promotion, Small Business and Economic Development Mary Ng ang kanyang pagbisita sa Pilipinas upang palalimin ang kalakalan, investment at ugnayan ng dalawang bansa.

Si Minister Ng ang kauna-unahang trade minister na bumisita sa Pilipinas sa ilalim ng bagong administrasyon ng kakaupo pa lamang na pangulo ng Pilipinas na si Ferdinand Marcos Jr.

Sa kanyang pagbisita, binigyang-diin ni Minister Ng ang mahahalagang kontribusyon ng mga Pilipino sa mga komunidad sa buong Canada. Ang Canada ay tahanan ng halos isang milyong tao na may lahing Pilipino, at nakita ko first hand kung paano naka-contribute ang kanilang hard work at creativity sa vibrant na mga komunidad sa buong bansa, sabi ni Minister Ng sa isang pahayag na inilabas ng Global Affairs Canada.

Bilang parte ng mga gawain ng Canada upang palakasin ang kalakal at investment ng bansa sa Pilipinas, binigyang-diin ni Minister Ng ang mga oportunidad para sa mga kompanya sa Canada na mag-invest sa imprastraktura ng Pilipinas.

Sa katunayan, dumaan si Minister Ng sa Metro Manila Skyway System, isa sa pinakamahabang elevated expressways sa mundo na produkto ng Canadian engineering kasama ang mga Pilipinong partners.

Ang CANbuild infrastructure framework ng minister na pinagsama ang pagkadalubhasa at mga serbisyo ng Trade Commissioner Service ng Canada, Canadian Commercial Corporation at Export Development Canada sa isang consolidated offering ay susuportahan ang mga Canadian na kompanya na magde-deliver ng makabuluhan at sustainable na mga proyekto sa imprastraktura para sa mga lokal na komunidad at lilikha ng mga trabaho, ayon sa pahayag.

Nagkaroon din ng oportunidad si Minister Ng na makilala ang team ng Trade Commissioner Service sa Pilipinas sa isang bahagi ng kanyang trip.

Habang nasa Maynila, nakipagkita rin si Minister Ng sa iba’t ibang Filipino business leaders kasama ang mga Pilipinang negosyante at ang Chief Executive Officer ng Jollibee na si Ernesto Tanmantiong upang lumikha ng dagdag na oportunidad para sa inclusive trade and investment, kabilang ang importanteng mga sektor tulad ng green technology, agrikultura at imprastraktura.

Nakilala rin niya ang Presidente ng Asian Development Bank na si Masatsugu Asakawa.

Inanunsyo rin ni Minister Ng ang $12 milyon na pondo para sa tatlong bagong development assistance projects sa ngalan ni Harjit Sajjan, ang Minister of International Development at ang ministro na responsable para sa Pacific Economic Development Agency of Canada. Ayon sa pahayag, ang mga inisyatiba na ito ay nakapokus sa pagpapalakas ng suporta sa climate finance mechanisms ng Pilipinas at ang pagkakaroon ng pangmatagalan na kapayapaan at development sa Bangsamoro Autonomous Region sa Muslim Mindanao. Ang pondo ay bahagi ng nilikhang $1 milyon na Canadian-ASEAN trust fund na inanunsyo ni Minister Ng sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Foreign Ministers Meeting noong nakaraang buwan.

Habang sinusuportahan natin ang Filipino Canadians at home, pinapalakas din natin ang ating ugnayan sa Pilipinas. Sa pamamagitan ng aking unang pagbisita sa Pilipinas, pinapalalim ng ating gobyerno ang people-to-people ties at lumilikha ng mas maraming oportunidad para sa negosyo, investment, at trade, ani Minister Ng.

Ang Canada ay nakapagbigay na ng $3.7 bilyon na development funds sa Timog-Silangang Asya, kasama ang Pilipinas, mula pa noong taong 2000.

Kamakailan, ang Canada at Pilipinas ay sumailalim sa mga negosasyon tungkol sa free trade agreement sa Association of Southeast Asian Nations at inilunsad din ang Canada-Philippines Joint Economic Commission.

Catherine Dona

Mga Ulo ng Balita