1. Home
  2. Lipunan
  3. Imigrasyon

[Ulat] Nalalapit na deportasyon ng isang Pinoy sa Alberta inaapela na huwag ituloy

Isang Pinoy na tagapagtaguyod din sa karapatan ng mga migranteng manggagawa sa Canada ang nahaharap na mapaalis sa bansa sa katapusan ng buwan

Larawan kuha kay Danilo De Leon.

Lumalakas ang panawagan na pigilan ang deportasyon kay Danilo De Leon, isang migrant worker, sa Edmonton [File Photo].

Litrato: Alberta Labour History Institute

Rodge Cultura

Nanganganib na tuluyan mapaalis sa Canada sa katapusan ng buwan ang migranteng manggagawa na si Danilo De Leon matapos mawalan ng temporary residency status. Umaapela siya at ang ilang grupo na huwag ituloy ang pagpapaalis sa kanya sa bansa lalo’t isa si Danilo sa naninindigan para sa karapatan at kapakanan ng mga manggagawa.

Natanggap ni Danilo De Leon, isang temporary foreign worker, ang removal order sa kanya mula sa Canada Border Services Agency o CBSA noong Hulyo. Nakatakda ang pagpapaalis sa kanya sa Canada pauwi ng Pilipinas sa Agosto 29.

Ang nakaumang na deportasyon kay Danilo ay bunsod ng pagtanggi ng Immigration, Refugees and Citizenship Canada (IRCC) sa kanyang aplikasyon para sa work permit noong 2017.

Sinabi sa desisyon ng Immigration Refugee and Citizenship Canada na hindi mabibigyan ng bridging open work permit si Danilo dahil noong Disyembre 2016 pa napaso ang kanyang temporary residency status.

Pero ang alam ko, sinasabi doon ‘pag natapos ang iyong work permit o iyong temporary resident visa (TRV) nag-expire, meron kang 90 days to restore it. 'Yung ako po nag-apply naroon pa po ako sa period na 90 days. Pasok pa po ako roon pero ni-refuse po siya ng officer at ang sabi po, expire po 'yung TRV ko noong nag-apply ako, sabi naman ni Danilo sa panayam ng Radio Canada International sa telepono.

Nag-umpisa ang masalimuot na sitwasyon ni Danilo nang matanggap niya noong ika-2 ng Marso 2017 ang desisyon sa pagtanggi ng Immigration, Refugees and Citizenship Canada sa aplikasyon na inihain buwan ng Enero sa parehong taon.

Ang isang valid na residency status ng temporary foreign workers ay hinihingi sa pagkuha ng work permit sa Canada. At para sa isang temporary foreign worker gaya ni Danilo ay kailangan i-restore ang kanyang residency status bago pa o kasabay ng kanyang aplikasyon para sa work permit kung ito ay paso na.

Taong 2018 nang umpisang makipag-ugnayan na si Danilo sa Canadian Border Services Agency, Nung na-refuse ako ng work permit at restoration ng status inisyuhan po ako ng exclusion order. Canadian Border Services Agency po [ang nagpunta] at nag-iwan ng note na kailangan magpunta sa opisina nila. Nagpunta naman ako. Kinausap nila ako at binigyan po ako ng exclusion order at condition order na magre-report ako sa Canadian Border Services Agency every second week, sabi ni Danilo sa panayam ng Radio Canada International sa telepono.

Sa isang post sa Facebook pinuna ng Alberta Labour History Institute (ALHI), isang grupo na nakapokus sa mga manggagawa, ang napipinto na deportasyon kay Danilo at tinawag ito na mapangahas.

Si Danilo ay nagtrabaho nang husto para sa mga employer sa Canada sa loob ng 10 taon at matiyaga na kumilos bilang isa sa mga nangungunang tao ng Migrante, para sa hustisya sa mga imigrante na manggagawa sa Canada na hindi nabigyan ng permanent resident status dito, saad sa post ng Alberta Labour History Institute.

Dumating sa Alberta si Danilo noong 2009 bilang temporary foreign worker (TFW). Namasukan siya bilang cleaner ng isang cleaning company, ang Bee Clean. Nagtatrabaho ang mga empleyado ng Bee Clean bilang tagalinis sa gusali ng University of Alberta na kakontrata ng cleaning company. Pero siya at ang kanyang mga kasamahan ay nagreklamo na hindi sinasahuran para sa overtime na trabaho.

Noong 2010, nanguna si Danilo sa grupo ng mga janitor sa Edmonton, karamihan Pilipino na temporary foreign workers, na nagreklamo laban sa pinagtatrabahuhan na cleaning company sa alegasyon na hindi nagbibigay ng sahod para sa overtime na trabaho.

Kaugnay na ulat

Simula noon naging aktibo si Danilo sa pagsulong sa karapatan ng mga migranteng manggagawa.

Si Danilo De Leon hawak ang mikropono.

Kasalukuyang chairperson si Danilo De Leon ng grupong Migrante na nagsusulong sa karapatan ng migrant workers sa Alberta, Canada.

Litrato: D.De Leon

Hanggang si Danilo na mismo ang nawalan ng residency status. “Nandoon po rin 'yung tinutulungan namin [ang] nawawalan ng trabaho. [Mga] nawawalan ng [residency] status. Ang sa akin po ay 'yun 'yung dinadala ko mabigat. Ako 'yung ipapa-deport. Ako 'yung nag-a-advocate ngayon kailangan kong ipagtanggol ang sarili,” sabi ni Danilo sa panayam.

Saad sa site ng IRCC (bagong window) walang mapagkukunan sa numero o komposisyon kung ilan na ang 'di dokumentado na migrante na nakatira sa Canada. Pero tinataya na ito ay nasa 20,000 at 500,000 katao.

Ang mga 'di dokumentado na migrante ay mga indibidwal na walang awtorisasyon para manirahan at magtrabaho sa Canada. Karamihan sa naging 'di dokumentado ay ang mga nawalan ng status noong hindi na sila pasok sa eligibility criteria ng immigration programs matapos makapasok sa Canada, ayon sa website ng Immigration, Réfugiés et Citoyenneté Canada.

Sila ay namuhay na may takot na matunton ng gobyerno at mapaalis habang limitado rin ang kanilang access sa health care at social services.

Dahil 'di pormal ang kasunduan sa pinapasok na trabaho ay mataas ang peligro sa kanila na magkaroon ng mapang-abuso na employer. At malimit hindi sila nagre-report sa awtoridad sa takot na ma-deport.

Sa site ng Immigration Refugee and Citizenship Canada ay sinabi na ‘nasa exploratory phase ang tanggapan para ikonsidera ang mga opsyon upang ipatupad ang ipinangako sa mandate letter na Bumuo ng pilot program upang tuklasin ang mga paraan sa pagsasaayos ng status ng mga 'di dokumentadong manggagawa na nag-aambag sa ekonomiya ng mga komunidad sa Canada.

Kaugnay na ulat

Nakahanap ng suporta ang mga 'di dokumentado na migrante gaya ni Danilo mula sa Migrant Rights Network (MRN), isang alyansa ng mga organisasyon sa Canada, na kasamang nagsusulong ng hustisya para sa mga migrante.

Isinusulong ng Migrant Rights Network ang kampanyang ‘Status for All (bagong window)’ para bigyan ng permanent residency status at para magkasama-sama ang pamilya ng mga migrante at refugees sa pamamagitan ng regularization program.

Nanawagan naman ang grupo ng Migrante Canada na itigil ang mga deportasyon. Hiling nila ang isang pangmatagalan na regularization program na titiyakin na mapapanatili ang mga karapatan ng mga manggagawa.

Tulad ng libo-libong temporary foreign workers, tumulong siya upang punan ang mga kakulangan ng manggagawa at patuloy na nag-aambag sa ekonomiya ng Canada. Dahil sa mga hindi magandang pangyayari, tinanggihan ang kanyang aplikasyon para ma-extend ang kanyang open work permit noong 2017. Nang walang status, nahaharap siya sa deportasyon mula sa Canada, saad sa pahayag sa site ng Migrante Canada.

Habang inaayos ng kanyang mga abogado ang kaso ay lumalapit ngayon sa Members of Parliament ang mga grupo na sumusuporta kay Danilo para hingin ang suporta na pigilan at huwag ituloy ng gobyerno ang pagpaalis sa kanya.

Pero higit isang linggo na lang ang natitira para sa nakatakdang araw sa pagpapatupad ng removal order sa katapusan ng Agosto.

Kaugnay na ulat

Rodge Cultura

Mga Ulo ng Balita