1. Home
  2. Ekonomiya
  3. Negosyo

Hudson’s Bay muling bubuhayin ang discount retail chain na Zellers

Ang chain ay magbubukas ng e-commerce website, papalawakin ang brick-and-mortar locations

Logo ng Zellers sa gusali.

Ang Zellers ang discount chain ng Hudson's Bay Co. (archives).

Litrato: The Canadian Press / Jacques Boissinot

RCI

Umaasa ang Canadian department store na Zellers na makabalik sa susunod na taon, isang dekada matapos isara ng discount chain ang karamihan sa kanilang mga lokasyon.

Sinabi ng Hudson's Bay Co. na ang Zellers ay magbubukas ng bagong e-commerce website at papalawakin ang kanilang brick-and-mortar footprint sa loob ng piling Hudson's Bay department stores sa buong bansa sa unang bahagi ng 2023.

Sinabi ng kompanya na ang muling inilunsad na Zellers ay mag-aalok ng isang digital-first shopping journey na gagamitin ang nostalgia ng brand.

Sa isang email sa CBC News, hindi kinumpirma ng tagapagsalita ng Hudson's Bay kung saan matatagpuan ang mga bagong tindahan ng Zellers.

Kasama sa unang imbentaryo ang mga gamit sa bahay, furniture at laruan, at ang damit ay ipakikilala sa bandang huli ng taon. Plano rin ng kompanya na maglunsad ng isang pribadong brand, ayon sa pahayag.

Ang pagbabalik ng Zellers ay dumating habang lumolobo ang inflation na nagtulak sa mga konsumer sa discount retailers para maghanap ng mas mababang presyo. Kasunod nito ang anunsyo ng Hudson’s Bay noong Martes na ang outdoor gear retailer na MEC ay magbubukas ng mga tindahan sa tatlong Bay department store locations ngayong fall.

Dumating din ito sa gitna ng nagpapatuloy na kaso tungkol sa isang pamilya sa Quebec na ginamit ang Zellers brand.

Ang pamilya Moniz ang nasa likod ng pinakahuling trademark applications at corporate registries, kabilang ang Zellers Inc., Zellers Convenience Store Inc. at Zellers Restaurant Inc.

Sa isang statement of claim na naisumite noong nakalipas na fall, inakusahan ng HBC ang pamilya Moniz ng trademark infringement, depreciation of goodwill at ang tinatawag na passing off — ang mapanlinlang na marketing o misrepresentation ng mga produkto.

Ang Zellers department store ay nilikha noong 1931 at nakuha ng HBC noong 1978.

Nag-operate ito bilang discount division ng flagship ng retailer na Hudson's Bay department stores, at may slogan na Where the lowest price is the law.

Natamo ng naturang tindahan ang kanilang peak na may 350 locations noong late 1990s, bago matalo sa mga big-box competitors tulad ng Walmart.

Noong 2011, inanunsyo ng HBC ang plano na ibenta ang karamihan sa mga natitirang Zellers leases sa Target Corp., at isinara ang maraming tindahan pagsapit ng 2013.

Nanatiling bukas ang ilang Zellers locations bilang liquidation outlets hanggang 2020.

Inilunsad ng kompanya ang isang pop-up Zellers shop sa loob ng Hudson's Bay department stores sa Burlington, Ont., at Anjou, Que., noong 2021.

Isang artikulo ng The Canadian Press na isinalin sa Tagalog ni Catherine Dona.

Mga Ulo ng Balita