1. Home
  2. Kapaligiran
  3. Renewable Energies

Pipirma ng isang hydrogen deal ang Canada at Germany

Nakaiskedyul na bumisita si German Chancellor Olaf Scholz sa Canada ngayong Agosto

Justin Trudeau at Olaf Scholz.

Nakipag-usap sa media sa Berlin sina Prime Minister Justin Trudeau at German Chancellor Olaf Scholz (archives).

Litrato: Associated Press / Odd Andersen

RCI

Nakatakdang pumirma sina Prime Minister Justin Trudeau at German Chancellor Olaf Scholz ng isang kasunduan na magpapatunay na mahalaga ang bagong industriya ng hydrogen sa Canada.

Sa isang pahayag na inilabas noong nakaraang Biyernes ng Press and Information Office ng German Federal Government, inihayag ng Berlin na ang paglagda ng isang kasunduan sa pagbuo ng hydrogen ay nasa iskedyul ni Scholz sa kanyang pagbisita sa Canada, mula Agosto 21 hanggang 23.

Ang kasunduang ito ay inaasahang lalagdaan ng dalawang pinuno ng gobyerno sa Stephenville, Newfoundland and Labrador, kung saan plano ng isang kumpanya sa probinsyang iyon na magtayo ng planta na gagamit ng enerhiya ng hangin upang makagawa ng hydrogen para sa fuel.

Sinabi ni Stephenville Mayor Tom Rose na sina Trudeau at Scholz ay sasamahan ng mga ministro at isang trade delegation mula sa Germany. Bibisita sila sa isang fair na nakatuon sa green energy bago ang signing ceremony.

Sinabi ni Rose na ang kanyang siyudad ang perpektong lugar para mag-install ng isang planta ng hydrogen production at wind farm dahil sa wind corridor na dumadaan sa rehiyon. Ang lugar ay mayroon ding sapat na dami ng tubig para makagawa ng hydrogen.

Ang proyekto ay napapailalim sa isang provincial environmental assessment.

Kinumpirma ng Office of the Prime Minister noong Sabado na sasamahan ni Trudeau ang Chancellor sa kanyang maikling pagbisita sa Canada. May plano rin na huminto ang dalawang lider sa Montreal at Toronto.

Isang artikulo ng La Presse canadienne na isinalin sa Tagalog ni Catherine Dona.

Mga Ulo ng Balita