1. Home
  2. Politika
  3. Pangprobinsiyang Politika

[Ulat] Foreign Affairs Minister Mélanie Joly binisita ang Pinoy community sa Winnipeg

Nakasalamuha ni Joly ang mga miyembro ng Filipino community sa Winnipeg kamakailan

Grupo ng mga Pilipino nakatayo sa harap ng estatwa ni Dr. Jose Rizal kasama si Foreign Affairs Minister Mélanie Joly.

Canadian Foreign Affairs Minister Mélanie Joly nakasalamuha ang ilang Pilipino sa Winnipeg, Manitoba. Binisita ang estatwa ni Dr. Jose Rizal na nakatayo sa Waterford Green Common noong Lunes.

Litrato: Facebook/Mélanie Joly

Catherine Dona

Ngayong tag-init, mag-iikot si Foreign Affairs Minister Mélanie Joly sa buong bansa para makinig at makipag-usap sa mga Canadian kung paano lulutasin ang hamon na dala ng sumiklab na digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine. Sinabi ni Joly na ang giyera ni Russian President Vladimir Putin ay niyanig ang global stability, pinataas ang presyo ng gasolina at pagkain sa Canada at nagdulot ng matinding anxiety. Umaasa siya na magbubunga ang kanyang pag-iikot sa Canada ng mga karampatang solusyon sa mga isyu na kinakaharap ng bansa.

Bilang Foreign Affairs Minister, trabaho ko na katawanin ang mga Canadian sa buong mundo. Kaya ako ay magta-travel sa buong Canada upang makinig at matuto mula sa mga Canadian kung paano natin masosolusyunan ang mga hamon na ito na magkasama, ani Joly sa kanyang post sa Facebook.

Ang kanyang unang stop ay ang siyudad ng Winnipeg sa probinsya ng Manitoba.

Sa kanyang pagbisita sa Winnipeg noong Lunes, Agosto 8, nakipagkita ang foreign affairs minister sa mga Pilipino na namumuhay sa lungsod. Kuwento ni Joly sa kanyang Facebook post, ang komunidad ng mga Pilipino ay mahalaga sa naturang siyudad at sa vibrancy nito.

Pinasalamatan din niya si Kevin Lamoureux, isang MP para sa Winnipeg North, sa pag-oorganisa ng isang pagtitipon sa Lucita’s Restaurant sa Waterford Green Common na dinaluhan ng mga Pilipino. Salamat Kevin Lamoureux dahil pinagsama-sama mo kaming lahat para sa isang fruitful discussion tungkol sa Pilipinas, Canada at ang ating people-to-people ties, ani Joly.

Nakipagkamay si Melanie Joly sa isang babaeng Pilipina sa loob ng isang restawran.

Nakausap ni Joly ang ilang Filipino Winnipegers noong Lunes.

Litrato: Facebook/Mélanie Joly

Kumuha ng selfie si Kevin Lamoureux kasama si Mélanie Joly at isang Pilipinong lalaki sa loob ng restawran.

Kumuha ng selfie si MP Kevin Lamoureux na kumakatawan sa Winnipeg North, kaliwa, kasama si Foreign Affairs Minister Mélanie Joly, gitna, at isa nating kababayang Pinoy sa Lucita's Restaurant sa Winnipeg, Manitoba.

Litrato: Facebook/Mélanie Joly

Magkatabing nakaupo sina Mélanie Joly at Kevin Lamoureux.

Foreign Affairs Minister Mélanie Joly, kaliwa, kasama si MP Kevin Lamoureux.

Litrato: Facebook/Mélanie Joly

Bukod sa pagsasalo sa restawran, dumaan din si Joly sa monumento ni Dr. Jose Rizal kasama ang Filipino Winnipegers.

Ang life-size na estatwa ni Rizal na gawa sa tanso ay itinayo sa kanto ng Dr. Jose Rizal Way at Old Commonwealth Path at pinasinayaan noong Agosto 2020 bilang pagpupugay sa pambansang bayani ng Pilipinas ng Knights of Rizal Winnipeg Chapter. Ang naturang estatwa ay nilikha ng isang Canadian na iskultor na kilala sa buong mundo, si Peter Sawatzky.

Si Jose Rizal, isang matapang na lider na lumaban sa kolonyalismo sa Pilipinas, isang bayani para sa maraming tao. Ang kanyang mga ambisyon para sa mas maganda, mas pantay-pantay na Pilipinas ay isang inspirasyon sa ating lahat at isang karangalan na alalahanin siya sa kanyang estatwa sa puso ng Filipino community sa Winnipeg, pagbibigay-pugay ni Joly sa bayaning Pilipino.

Ayon sa datos na nakalap ng Embahada ng Pilipinas sa Ottawa, may 77,305 na mga Pilipinong naninirahan sa Winnipeg. Ang Manitoba ang pang-apat na probinsyang may pinakamaraming Pilipino sa Canada, kasunod ng Ontario, Alberta at British Columbia.

Ang Pilipinas din ang top source ng mga bagong imigrante sa Canada ayon sa pinakahuling datos ng embahada. Sa kabuuan, may 837,130 na mga Pilipino sa Canada batay sa 2016 census na isinagawa ng Statistics Canada.

Kaugnay na mga ulat:

Catherine Dona

Mga Ulo ng Balita