1. Home
  2. Pandaigdig
  3. International Relations

[Ulat] Ambasador ng Canada sa PH nakilala ang foreign affairs secretary ni Marcos Jr.

Ang Canada ay isang mabuting kaibigan ayon kay Philippine Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo

Nakipagkamay si Peter MacArthur kay Enrique Manalo.

Pormal na nagkita ang ambasador ng Canada sa Pilipinas na si Peter MacArthur, kaliwa, sa bagong foreign affairs secretary ng Pilipinas na si Enrique Manalo.

Litrato: Twitter / Enrique A. Manalo

Catherine Dona

Pormal na nakipagkita ang ambasador ng Canada sa Pilipinas na si Peter MacArthur sa itinalagang Foreign Affairs Secretary ng bagong administrasyon ng Pilipinas na si Enrique Manalo noong Lunes, Agosto 8 upang pag-usapan ang ugnayan ng dalawang bansa.

Inihalal ng mahigit 31.1 milyon na Pilipino ang bagong administrasyon ng Pilipinas noong nakaraang Mayo. Umupo si Ferdinand Marcos Jr. bilang ika-17 na presidente ng bansa at opisyal na nanumpa sa katungkulan noong Hunyo 30 sa National Museum of Fine Arts sa Maynila.

Itinuweet ni Manalo na nagkaroon siya ng magandang diskusyon kasama si MacArthur tungkol sa potensyal na kooperasyon ng Canada at Pilipinas pagdating sa maraming larangan tulad ng depensa, seguridad sa pagkain, karapatang pantao at pagpapaunlad ng imprastraktura.

Samantala, nagbigay rin ng mensahe si MacArthur kay Manalo sa kanyang Twitter at sinabi na siya ay nagagalak na makilala at batiin ang bagong foreign affairs secretary ng Pilipinas. Inilarawan ni MacArtur si Manalo bilang isang diplomat na malawak ang karanasan sa bilateral at multilateral affairs.

Isang mahalagang regional partner

Sinabi rin ni Manalo sa parehong tweet na ang Canada ay isang mabuting kaibigan at importanteng regional partner ng Pilipinas. Dagdag pa niya, ang mga Pilipino raw sa ibang bansa ang nagbibigkis sa pagkakaibigan at partnership na ito.

Nakaupo at kapwa nakasuot ng mask sina Peter MacArthur at Enrique Manalo.

Nag-usap ang dalawang opisyal sa opisina ng Department of Foreign Affairs sa Pilipinas.

Litrato:  Twitter / Enrique A. Manalo

Matatandaan na noong Agosto 2021, inanunsyo ni Maninder Sidhu, ang Parliamentary Secretary ng Minister of International Development, na magbibigay ang Canada ng $18.9 milyon para sa pitong bagong proyekto sa Pilipinas sa susunod na limang taon.

“Ang Pilipinas ay gumawa ng significant advances sa gender equality, edukasyon, ekonomikong seguridad at kapayapaan sa nakalipas na mga taon; gayunpaman ang pandemya na ito ay disproportionately na naapektuhan ang mga tao na marginalized. Committed ang Canada na walang maiiwan sa aming development efforts kasama ang aming mga partner sa Pilipinas," ani Sidhu sa isang pahayag na inilabas ng Global Affairs Canada.

Ayon din sa naturang pahayag, ang mga inisyatiba na ito ay magpopokus sa ekonomikong pagtugon ng Pilipinas sa COVID-19 na pandemya, pagpapahusay sa edukasyon, pagbibigay kapangyarihan sa mga babae at i-improve ang kanilang access sa health care, at tulungan ang mga tao na namumuhay sa underdeveloped na mga lugar sa Mindanao, kasama ang Bangsamoro Autonomous Region sa Muslim Mindanao (BARMM).

Ang mga proyekto na ito ay ipapatupad sa pamamagitan ng partnership sa Canadian, lokal at internasyonal na multilateral non-governmental organizations na may malapit na koordinasyon sa gobyerno ng Pilipinas.

Mula 1986, ang Canada ay nakapagbigay na ng mahigit $800 milyon na development aid sa Pilipinas.

Catherine Dona

Mga Ulo ng Balita