1. Home
  2. Sining
  3. Fashion & Beauty

[Ulat] Kasuotang dinisenyo at gawang Pinoy bida sa MaKaPINOY fashion events sa Alberta

Inilipad patungong Alberta ang ilang kasuotan na nagpapakita sa kultura at disenyong Pinoy

Modelong bata na babae nakatalikod suot ang isang gown.

Ibinida sa ginanap na dalawang magkahiwalay na fashion show events sa lalawigan ng Alberta ang mga kasuotan na ipinagmamalaking gawa ng Filipino designers. (FB/Pink Rubies Photography)

Litrato: Pink Rubies Photography

Rodge Cultura

Agaw atensyon ang mga disenyo ng kasuotan sa ginanap na fashion show na tinawag na Mga Kasuotang Likhang Pinoy o MaKaPINOY sa lalawigan ng Alberta.

Pinalakpakan ang mga Pinoy-designed na kasuotan na bihirang mairampa ng mga modelo rito.

Kasama sa fashion show ang tatlong set na likha ng kilala at award-winning Filipino designer na si Edwin Uy.

Dalawang modelo suot ang national costume.

Namangha ang mga manonood sa detalye ng mga kasuotang national costume sa koleksyon na likha ni Edwin Uy.

Litrato: Pam Photoshots

Kita sa disenyo ng mga kasuotan ni Uy ang metikuloso na detalye sa national costumes na umani ng paghanga ng marami.

Ipinakita rin ang kanyang koleksyon ng wedding gowns, Filipiniana gowns at terno barong.

Sa isang post ng MaKaPINOY model na si Krystal Dichoso ay makikita ang detalye sa burda ng bodice, ang neckline at ang silhouette ng wedding gown na isa sa mga likha ni Uy sa event.

Itinampok din ang mga kasuotan sa Bado Ystilo collection ni Milton Salinas, isang Filipino designer, na dumalo at tumulong sa produksyon ng fashion show.

Limang modelo sa entablado suot ang idinisenyo na mga kasuotan.

Gawa sa habi o weave fabric ang mga kasuotan na idinisenyo ni Milton Salinas.

Litrato: Pam Photoshots

Ang mga disenyo ni Salinas ay ready-to-wear collection na gamit ang habi o weave fabric na nagpapakita naman sa tradisyonal na kasuotan ng mga Pilipino. It is a weave fabric, Filipino-made. So I called it Bado Ystilo, which bado means damit. Ystilo kasi [it's] style. Styled dresses, wardrobe, pagmamalaki na sabi ni Salinas.

Maririnig ang saliw ng mga musikang Pilipino habang inirarampa ng mga modelo ang mga kasuotan at mga palamuti.

Ayon kay Salinas na tumatayo bilang creative director sa event hindi siya nagdalawang-isip na tanggapin ang imbitasyon ng kolaborasyon para sa produksyon.

Siniguro ko po na people feel the venue during [the] show. So when I direct, as creative director, ginamit ko ang sense of hearing by giving the vibes [of] Filipino songs as part of the background and not the usual western or even trance music, ani Salinas. Ginamit ko po 'yung mga Filipino songs from Levi Celerio, Ryan Cayabyab ... kasi hindi mo ma-feel na Pilipino ka kung hindi mo maririnig ang mga Filipino songs. Kailan mo ba huling narinig ang Pipit? Ang Saranggola ni Pepe? Mamang Sorbetero? So ginamit ko po siya - from old to modern.

Ginanap ang MaKaPINOY Fashion Show sa isang mall sa Edmonton noong ika-30 ng Hulyo.

Pero bago ang naturang event ay naunang ginanap ang parehong event sa Clarion Hotel and Conference Centre sa lungsod ng Calgary. Layunin sa serye ng MaKaPINOY na ibida sa Canada ang malikhain, kultura at istilo ng mga kasuotan na gawa ng Filipino designers.

Very cultural talaga siya, pati 'yung fabric. May modern aspect kami na streetwear. Meron ding costumes na Filipiniana pero the fact itself na [sa] designs hindi inakala ng mga tao na ganun. Hindi nila inexpect na bagay na espesyal talaga, sabi ni MaKaPINOY producer Harlijk Mirasol.

Ayon kay Harlijk aabot sa 150 na mga kasuotan at palamuti ang ipinakita sa MaKaPINOY fashion shows mula sa pinagsamang likha ng pitong Filipino designers.

Tatlong lalaki nakangiti.

Sina Rey Caparino (kaliwa), Harlijk Mirasol (gitna), at Milton Salinas sa ginanap na MakaPINOY Fashion Show sa Edmonton noong Hulyo 30.

Litrato: Pam Photoshots

Nakadalo man ang designers na sina Uy at Salinas sa event ay hindi naman personal na magawang dumalo ng ibang designers.

Inilipad pa-Alberta ang mga kasuotan na likha nina Mark Cesar Ola na taga-Marinduque, ang modern barongs ni Allen Evangelista na naka-base sa Dubai at ang mga palamuti gaya ng hikaw na personal na gawa naman ni Dianne Joie Alcantara na nakabase sa Baguio City.

Magkasama na inirampa ang mga koleksyon sa kasuotan na ipinadala mula sa Filipino designers na sina Jose Roberto Madrigal at Candy Segovia.

Linya ng mga batang modelo naglalakad sa entablado.

Ang mga makulay na gowns na suot ng mga batang modelo ay likha ni Kenneth Nabua.

Litrato: Pam Photoshots

Ito ang unang pagkakataon na ginawa ang magkasunod na produksyon na umani ng papuri ayon kay Harlijk.

Ang focus namin ay maituloy-tuloy ang momentum. We really are getting feedbacks for MaKaPINOY. Kumbaga, nagtataka ang mga tao, kahit ang Consul General [ng konsulado] bakit nag-show na ganun kalaki na libre. It’s free. Hindi kami nagpa-sponsor, hindi nagpa-ticket. Bakit? We really want to introduce ourselves to the market. What we can do. What we can offer to people, sabi ni Harlijk.

Sinabi ni Harlijk na ang event ay bahagi ng mas malawak na layunin para ipakita ang pagiging multicultural ng Canada. Pero hindi aniya maitago na siya ay tagahanga ng mga Filipino designers kahit noon pa man na aktibo ito sa pageantry sa Pilipinas hanggang sa nag-Canada siya taong 2013. Ang focus ko talaga is promoting hindi lang Pilipino more or less [kundi] 'yung multiculturalism ng Canada. May iba akong project kasama ang Latin community, ang Indian community. Pero para sa akin ang gusto ko ma-accomplish na malaman ng mga tao na meron pa lang ganito. Hindi basic. Hindi boring, masayang ikinuwento ni Harlijk.

Ang MaKaPINOY Fashion Show sa Alberta ay parehong suportado ng Edmonton Philippine International Centre at ng Philippine Arts Council.

Rodge Cultura

Mga Ulo ng Balita