1. Home
  2. Lipunan
  3. Pampublikong Transit

[Ulat] Toronto advocacy group nababahala sa pag-atake sa mga pasahero ng public transit

Grupong TTCriders nangangalap ng datos sa publiko para makatulong na gawing mas ligtas ang mag-commute

Lalaki naka-backpack naghihintay ng tren.

Naalarma ang isang advocacy group na TTCriders sa insidente ng mga pag-atake laban sa pasahero ng pampublikong sasakyan sa Toronto.

Litrato: RCI/Rodge Cultura

Rodge Cultura

Naalarma ang grupong TTCriders sa Toronto sa mga naganap na bayolenteng pag-atake sa mga pasahero. Dahil dito isang survey ang ginagawa ngayon ng grupo para makakolekta ng datos mula sa publiko na saklaw ang isyu sa kaligtasan sa paggamit ng pampublikong sasakyan.

Ang public transit ay dapat madaling ma-access ng lahat. Ito dapat ay ligtas at malaya ang lahat na makasakay. Gayunpaman, naganap ang insidenteng ito, alam kong nagdulot ito sa maraming tao na ‘pakiramdam nila hindi ligtas ang gumamit ng public transit’, ang espasyong ito dapat bukas sa lahat. Kaya ako ay talagang nabalisa at labis na nalungkot, sabi ni TTCriders Community Organizer Nawar Tarafdar.

Logo ng Toronto Transit Commission habang makikita ang isang babae na pasakay ng tren.

Ang TTCriders ay isang advocacy group na binuo para mabigyan ng boses ang sumasakay ng public transit sa lungsod ng Toronto.

Litrato: RCI/Rodge Cultura

Noong Hunyo 17, isang 28-anyos na kinilalang si Nyima Dolma ang inatake ng isang lalake ayon sa Toronto Police habang nakasakay ito sa isang Toronto Transit Commission (TTC) bus.

Nangyari ang insidente sa may Kipling Subway Station. Sinilaban ang biktima at nagtamo ng kritikal na sugat habang isinugod sa ospital.

Agad naaresto ng pulisya ang 33-anyos na itinuturong suspek at kinilalang si Tenzin Norbu. Pero namatay si Dolma habang nagpapagamot sa ospital.

Hindi namin ito itinuturing na isolated na insidente. Ito ay nakakabahala. At nitong pandemya, nakita natin ang pagtaas ng mga krimeng anti-Asian hate at rasismo. At sa kasamaang-palad ay nangyayari ang mga iyon sa mga pampublikong espasyo tulad ng public transit at Toronto Transit Commission. At mahalagang tingnan ito bilang ganun dahil hindi naibigay sa atin ng Toronto Transit Commission ang tugon na gusto natin, giit ni Tarafdar.

Kaugnay na ulat

Matapos ang insidente noong Hunyo naglabas ng pahayag ang TTC (bagong window) na buo ang kanilang suporta sa ginawang imbestigasyon ng Toronto Police para madala sa hustisya ang suspek. Alam kong nakakabahala ang mga ganitong insidente para sa aming mga customer – at ako ay inyong kasama sa alalahaning ito. Ang kaligtasan ay pinakamahalaga sa lahat ng aming mga ginagawa at ako ay nakatuon para matiyak na ang Toronto Transit Commission ay manatiling ligtas sa abot ng makakaya, saad sa inilabas na pahayag ni Toronto Transit Commission CEO Rick Leary. Sumasakay sa amin ang daan-daang milyong customer taun-taon nang walang insidente, ngunit hindi namin magawa at hindi namin gagawin na isantabi [ang insiidente] yan.

Sa pahayag noon sinabi ng Toronto Transit Commission na may ipinapatupad sila na programa gaya ng pagpapatrolya ng Transit Special Constables, pakikipag-ugnayan sa pulisya, two-way communication systems sa ilang lugar, mga kamera at emergency alarm sa mga istasyon at sasakyan para sa kaligtasan ng pasahero. Magdadagdag din umano ng tauhan ang Toronto Transit Commission sa mga istasyon para pigilan ang kriminal na gawain.

Ibang insidente ng mga pag-atake sa istasyon ng Toronto subway

Bago ang pag-atake kay Dolma noong Hunyo ay napatay ang 21-anyos na international student na si Kartik Vasudev (bagong window) sa isang pamamaril sa labas ng Sherbourne subway station noong Abril. Isang linggo lang ang nakalipas, isang 39-anyos na babae rin ang itinulak sa riles ng tren (bagong window) sa Bloor-Yonge subway station sa Toronto.

Ang mga insidente ng pag-atake ay ikinagulat ni Nas Canlas na araw-araw ay sumasakay ng tren patungo sa kanyang trabaho sa Downtown Toronto. Ang ginagawa ko ngayon 'pag nag-travel ako I always check my back tapos hindi ako diyan naglapit sa yellow line para malayo-layo konti and also to protect yourself ba, sabi ni Canlas.

Si Nas Canlas nakangiti.

Si Nas Canlas ay pitong taon nang nakatira sa Toronto, Canada.

Litrato: RCI/Rodge Cultura

Bagama’t kampante pa rin na sumakay sa public transit ay binabalaan ni Canlas ang kanyang pamilya at mga kasamahan sa simbahan na mag-ingat matapos ang mga pag-atake. “Sa ating mga kababayan ang masasabi ko lang kailangan mag-ingat lagi sa paligid. Maging 'yung mga kasama na pasahero kasi minsan magkakaiba ang ating kultura. Kaya hindi natin alam 'yung isip nila. Kailangan lang natin mag-ingat. Tingnan ang paligid para iwas disgrasya," dagdag ni Canlas.

Isang survey ang patuloy na ginagawa ng grupong TTCriders ngayon na sumasaklaw sa isyu ng kaligtasan sa mga riders ng public transit. Nais ng grupo na patuloy na makakalap ng datos mula sa mga direktang gumagamit ng public transit.

Bukas umano sila na tatanggap ng impormasyon kung paano mas mapapabuti at mas gagawing ligtas ang mga sakayan ng tren at bus. Nangongolekta pa rin kami ng impormasyon mula sa aming mga survey bago gumawa ng anumang pagsusuri sa datos. Ngunit marami na rin akong ginagawang outreach sa iba't ibang sakayan ng bus at istasyon [ng tren] kung saan hinihiling namin sa mga rider ng transit na sagutin ang ilang mga katanungan. At isa sa aming mga katanungan ay kung para sa 'yo ‘Nakaramdam ka ba na hindi ka ligtas o ano ang maaaring gawin pa upang maging mas ligtas ang mga [bus] stop?' At maraming rider ang nagsabi, ‘Oo, pakiramdam namin hindi kami ligtas’, ani Tarafdar.

Inaanyayahan ng TTCriders ang mga gumagamit ng public transit na makibahagi at sagutan ang mga tanong sa patuloy na ginagawang public safety survey (bagong window).

Gumagawa umano ng hakbang ang grupo para regular na makipag-ugnayan sa Toronto Transit Commission at sa mga otoridad para sa mga polisiya.

Rodge Cultura

Mga Ulo ng Balita