1. Home
  2. Pandaigdig
  3. International Politics

Pinagtibay ng Canada ang protocols ng pagpasok ng Sweden at Finland sa NATO

Nagsimula na ang proseso ng pagsali ng Sweden at Finland sa NATO, at sinimulan ito ng Canada

Justin Trudeau nakaupo at nakatingin sa kanyang kaliwa.

Canadian Prime Minister Justin Trudeau (archives)

Litrato: La Presse canadienne / Tijana Martin

RCI

"Ngayong araw, ang Canada ang naging kauna-unahang bansa na nagpatibay sa mga protocol ng pagpasok ng Finland at Sweden sa North Atlantic Treaty Organization (NATO). Ang dalawang bansa ay gumagawa ng isa pang hakbang patungo sa pagiging ganap na miyembro," sinabi ng tanggapan ni Prime Minister Justin Trudeau sa isang pahayag.

Mabilis na sumunod ang iba pang 29 na bansang miyembro.

Samakatuwid, ang Finland at Sweden ay gumagawa ng karagdagang hakbang patungo sa pagsali sa Western bloc. Ngunit ang kasunduang ito ay dapat na ngayong pagtibayin ng parliamentarians ng bawat kasaping bansa ng alyansa.

Isang proseso na tatagal ng ilang buwan, na nagpainit ng ulo ng secretary general ng organisasyon, si Jens Stoltenberg. Sa isang press briefing, naalala niya na inabot ng 12 buwan para sa huling kandidatong bansa, ang North Macedonia, na makuha ang lahat ng kinakailangang pag-apruba para sumali sa hanay ng Alyansa.

Hinimok din ni Trudeau ang kanyang mga counterpart na pabilisin ang takbo at agarang pagtibayin ang mga kasunduan upang limitahan ang posibilidad ng panghihimasok ng mga kalaban.

Ang dalawang Nordic na bansa, na tradisyonal na neutral, ay nagsumite ng kanilang kandidatura noong kalagitnaan ng Mayo sa pagmamadali na makahanap ng mga kaalyado upang harapin ang isang posibleng expansionist push ng Russia ni Vladimir Putin. Mula nang pumasok ang mga tropang Ruso sa Ukraine, nangangamba ang mga kalapit na bansa na balang-araw ay tatawid sa kanilang mga border ang labanan.

Ang anino ni Erdogan

Ang bola ay nasa korte ng mga parliamentarians. Ang lahat ng mga kapitolyo ng mga bansang kasapi ay dapat magkasundo, dahil ang pagkakaisa ay kinakailangan upang buksan ang mga pintuan ng Alyansa sa mga bagong miyembro.

Gayunpaman, patuloy ang pagiging mainit at malamig ng Turkey.

Sa huling North Atlantic Treaty Organization summit sa Madrid, nakipagkasundo si Turkish President Recep Tayyip Erdogan sa Sweden at Finland upang ituloy ang kanilang mga kandidatura, isang kasunduan na naglalaman ng ilang mga kondisyon. Hinihingi ng Turkey, bukod sa iba pang mga bagay, ang extradition ng mga aktibistang Kurdish, na nais nitong isakdal sa sariling teritoryo para sa mga kaso ng terorismo.

Gayunpaman, ilang sandali matapos ang pagtatapos ng naturang kasunduan, muling nagbabala si Erdogan na maaaring harangan ng Ankara ang proseso ng pag-akyat kung ang dalawang kandidatong bansa ay hindi susunod sa kanyang mga kahilingan.

Isang artikulo ni Jean-François Thériault, Radio-Canada na isinalin sa Tagalog ni Catherine Dona.

Mga Ulo ng Balita