1. Home
  2. Politika
  3. Biyahe

Canada wawakasan na ang vaccine mandates para sa domestic travel, outbound flights

Ang mandates ay ipinatupad mula noong Oktubre 30, 2021

Mga biyahero na naka-mask at may dalang bagahe sa loob ng paliparan.

Naghihintay ang mga tao sa arrivals section ng Terminal 1 sa Toronto Pearson International Airport noong Hunyo 9.

Litrato:  CBC / Esteban Cuevas

RCI

Nakatakdang ianunsyo ng pederal na gobyerno ng Canada ngayong Martes ang pagwawakas ng COVID-19 vaccine mandates para sa domestic travel sa mga eroplano at tren, gayundin para sa outbound international travel, napag-alaman ng CBC News.

Maaaring ibalik ng gobyerno ang vaccine requirement kung may bagong variant ng virus, ayon sa sources na may direktang kaalaman ukol sa desisyon na nakausap ng CBC News sa kondisyon na hindi sila pangalanan.

Ang vaccine mandates (bagong window) para sa pagbibiyahe ay ipinatupad mula noong Oktubre 30, 2021. Habang ang mandate ay phased in, ang mga biyahero ay may isang buwan na grace period kung saan maaari silang magbigay ng pruweba ng isang negatibong COVID-19 test.

Ang gobyerno ay nasa ilalim ng pressure mula sa opposition parties (bagong window), gayundin sa industry organizations (bagong window), na luwagan ang ilang public health measures bilang tugon sa delays at mahabang pila sa mga paliparan (bagong window).

Nang ipinatupad ang vaccine mandate para sa pagbibiyahe sinabi ni Transport Minister Omar Alghabra na ito ay para panatilihing ligtas ang mga biyahero at empleyado sa industriya.

Ang mga opisyal ng gobyerno, kabilang si Alghabra, Health Minister Jean-Yves Duclos at Chief Public Health Officer Theresa Tam ay tinukoy na ang mandates ay isang epektibong paraan para kumbinsihin ang mas maraming Canadians na magpabakuna (bagong window).

Ngunit ang mga eksperto ay kinuwestiyon ang pagiging epektibo ng vaccine mandates (bagong window) para sa pagbibiyahe nang sumulpot ang mas nakakahawa na Omicron variant. Sinabi ni Tam na ang epektibong proteksyon laban sa variant ay nagre-require ng ikatlong booster dose (bagong window).

Sa ngayon, ang depinisyon ng gobyerno ng fully vaccinated ay nananatili na dalawang dosis ng aprubadong COVID-19 na bakuna, o isang dosis ng Johnson & Johnson vaccine.

Noong isang linggo, inanunsyo ng pederal na gobyerno ang pagsususpinde sa random COVID-19 testing sa mga paliparan.

Noong panahon na iyon, sinabi ni Alghabra na ang Canada ay gumagawa ng ibang mga hakbang para tugunan ang congestion sa mga paliparan, tulad ng pag-hire ng mas maraming security screening personnel at pagdagdag ng mas maraming customs kiosks sa Toronto Pearson International Airport.

Isang artikulo nina Ashley Burke (bagong window), Richard Raycraft (bagong window), CBC News na isinalin sa Tagalog ni Catherine Dona.

Mga Ulo ng Balita