1. Home
  2. Kapaligiran
  3. Lagay ng Panahon

Ilang heat records inaasahan sa Quebec at Ontario

Magiging napakainit sa araw ng Huwebes, Biyernes at Sabado sa Quebec at Ontario.

Mga bata na nagbabasa ng tubig sa parke.

Ang mercury ay maaaring lumampas sa 30 degrees Celsius sa ilang rehiyon ng Quebec at Ontario sa susunod na mga araw.

Litrato: Radio-Canada / Jean-Claude Taliana

RCI

Katunayan, masyadong iinit na matatalo natin ang ilang heat records. Sa Montreal, Quebec at Ottawa, at ilan pang mga lugar, ang merkuryo ay tataas at baka higitan pa ang 30 degrees Celsius.

Medyo malaki ang heat wave, paliwanag ni Environment Canada meteorologist Jean-Philippe Bégin.

Sa Quebec, ikokober nito ang timog, kanluran at sentrong bahagi ng probinsya na aabot sa Saguenay.

Ikokober din nito ang timog na bahagi ng Ontario. Kahit na hindi aabot ang merkuryo sa mga rehiyon malapit sa Great Lakes sa 30 degrees Celsius, magiging mataas ito kaysa sa seasonal norms.

Ang Montreal ay napipintong basagin ang 129 na taong rekord: noong Mayo 12, 1893, ito ay umabot sa 28.9 degrees Celsius sa naturang lungsod.

Sa Gatineau, ang rekord na tatalunin ay naitala noon pang 1956, nang ito ay nasa 27.2 degrees Celsius. Ang mga rekord ay nabasag na noong Mayo 11 sa Gatineau, Quebec, Rimouski, Saguenay at Beauce, bukod sa iba pa.

Karaniwan, naaabot natin ang 30 degrees sa umpisa ng Hunyo. Ngunit tatlong linggo tayong nahuli sa pag-abot sa unang 20 degrees ngayong taon, ani Jean-Philippe Bégin.

Kaunti lang ang consequences na magreresulta mula sa isang heat wave na sobrang aga ngayong spring, tiniyak ng naturang meteorologist, bukod sa mga lugar na may niyebe. Halimbawa, sa Laurentides wildlife reserve at sa Monts-Valin national park, ang niyebe ay matutunaw nang mabilis.

Ang kakulangan ng precipitation ay binabawasan ang panganib ng pagbaha, ngunit ang mga ilog malapit sa Quebec at Saguenay na nagmula sa mga rehiyon na natatabunan pa rin ng niyebe ay kailangan bantayan.

Ang Forest Fire Protection Society o SOPFEU ay nag-isyu, at pagkatapos in-extend, ang isang ban sa open fires sa kagubatan at sa malapit na mga lugar.

Pinalala ng heat wave ang tuyong lagay ng panahon nitong mga nakaraang araw, paliwanag ni Jean-Philippe Bégin. Dagdag pa niya maraming factors ang kasalukuyang nagsama-sama para i-promote ang tagtuyot: ang mababang humidity sa lupa, ang mahabang panahon ng sikat ng araw at ang mahinang hangin.

Isang artikulo ng Radio Canada International na isinalin sa Tagalog ni Catherine Dona.

Mga Ulo ng Balita