1. Home
  2. Pandaigdig
  3. Mga Eleksyon

Mga Pilipino sa Manitoba hanap ay mga kandidatong magbibigay pag-asa sa PH election

Sa eleksyon sa Mayo 9 magdedesisyon ang Pilipinas kung sino ang papalit kay Rodrigo Duterte bilang pangulo

Isang lalaki na iwinawagayway ang bandila ng Pilipinas sa entablado kasama ang iba pang raliyista para kay Leni Robredo.

Si Dante Aviso iwinawagayway ang bandila ng Pilipinas sa isang rally sa Winnipeg noong Sabado, Abril 23, para kay Leni Robredo, isa sa mga kandidato sa pagka-pangulo ng Pilipinas.

Litrato: Alex Canlapan

RCI

Bagama’t ang Pilipinas ay mahigit 12,000 na kilometro ang layo mula sa Canada, maraming miyembro ng Filipino community sa Manitoba ang nakatutok sa paparating na presidential election sa Pilipinas.

Kabilang sa mga kandidato sa eleksyon sa Mayo 9 sina Ferdinand Marcos Jr., ang anak ng dating diktador na si Ferdinand Marcos, ang kasalukuyang bise presidente na si Leni Robredo at ang nagretiro na boxing legend na si Manny Pacquiao, na ngayon ay isang senador.

Sa mga rally na ginanap sa Winnipeg sa nakalipas na dalawang linggo, daan-daang katao ang lumabas para ipahayag ang kanilang suporta sa napupusuang kandidato.

Mas marami pang rally ang nakaplano para sa iba pang presidential candidates, kasama ang isa para kay Marcos ngayong darating na weekend.

Nag-organisa rin si Dante Aviso ng isang rally para suportahan si Robredo sa Winnipeg noong nakaraang weekend.

Si Aviso, na isang dual citizen ng Canada at ng Pilipinas, ay sinabi na ang pagboto sa eleksyon ay importante. Sinabi niya na ang kanyang mga kamag-anak at kaibigan sa Pilipinas ay nagdurusa dahil sa masamang kondisyon ng ekonomiya.

Ang Pilipinas ay tinamaan ng lahat ng mga kalamidad na ito — ang pandemya, ang mataas na unemployment rate, ang lebel ng lawlessness at ang kriminalidad, aniya.

Hindi siya masaya sa kasalukuyang estado ng pulitika sa ilalim ni Presidente Rodrigo Duterte at sinabi na ang Pilipinas ay hindi na kakayanin ang anumang korapsyon.

Si Robredo, aniya, ang tanging pag-asa at ang kaisa-isang tunay na lider na maaaring makatulong na itaas ang mga mamamayang Pilipino.

Si Duterte, na kilala sa kanyang deadly na anti-drugs crackdown, brash rhetoric at unorthodox political style, ay hindi na puwedeng tumakbo para sa isa pang termino sa ilalim ng konstitusyon ng bansa.

Naghahanap ng kongkretong mga plano

Ayon sa consulate general ng Pilipinas sa Toronto, may mahigit 139,000 na tao sa Manitoba, Ontario at Saskatchewan ang nakarehistro para bumoto sa eleksyon.

Ang mail-in ballots para sa Mayo 9 na presidential at vice-presidential elections ay ipinadala sa mga mamamayang Pilipino na nakatira abroad noong pangalawang linggo ng Abril, ayon sa embahada ng Pilipinas sa Ottawa. Kailangan itong matanggap ng consulate general sa Toronto bago mag-Mayo 9 para ikonsidera na eligible vote.

Si Orlando Marcelino, na dating Philippine consulate general sa Winnipeg, ay hindi eligible na bumoto sa eleksyon. Siya ay pumunta sa Winnipeg noong 1982 at ngayon ay isang Canadian citizen na.

Orlando at Flor Marcelino nakaharap sa camera.

Nag-migrate sina Orlando at Flor Marcelino sa Canada noong 1982. Mahigpit nilang sinusubaybayan ang pulitika sa Canada at sa Pilipinas, na sinasabi nilang parte ng kanilang social responsibility.

Litrato:  CBC / Joanne Roberts

Ngunit alam daw niya ang mga kondisyon sa Pilipinas na nakakaapekto sa mga imigrante at overseas Filipino workers dito sa Manitoba.

Ang mga miyembro ng kanyang pamilya sa Canada ay madalas na nagpapadala ng pera sa kanilang mga kamag-anak sa Pilipinas, sinabi ni Marcelino na dahil karamihan sa populasyon ng Pilipinas ay namumuhay sa nakakahabag na sitwasyon, kailangan nila ng tulong.

Ngunit may kapalit ito — mas kumokonti ang kita ng pamilya para suportahan ang sarili sa Canada.

Ano’ng mangyayari sa iyo ngayon? Wala kang anumang naipon para sa iyong pagreretiro. Iyon ang koneksyon, ani Marcelino.

Sinabi ni Marcelino na ang eleksyon ay nagdadala ng pag-asa sa Filipino community. Bagama’t ang mga tao ay may mga pagkakaiba sa kanilang sinusuportahan, tila nais ng komunidad ang iisang bagay — isang tapat na lider na magtatrabaho para pagandahin ang kondisyon ng bansa para sa mahirap na populasyon, aniya.

Ang kanyang asawa, si Flor — na naging New Democratic Party member ng Manitoba legislative assembly mula 2007 hanggang 2019 — ay sinabi na ang partikular na eleksyon na ito ay naiiba. Ang bansa ay nagdaan sa ilang natural na kalamidad (bagong window) bukod sa COVID-19 na pandemya, at mas kailangan nito ng leadership para dalhin ang bansa sa mas magandang panahon, aniya.

Ang mga tao ay talagang umaasa na may isang tao na magbibigay ng pag-asa, assurance, gayundin ng mga kongkretong plano para maibsan ang sitwasyon ng mga tao.

‘Gising na ang mga tayo ngayon,’ sabi ng international student

Sinabi ng international student na si Leonilo Santiago III na siya ay umaasa na ang bagong presidente ay aayusin ang korapsyon sa pulitika ng Pilipinas (bagong window).

Isang lalaki na naka-mask at face shield nakatayo sa loob ng kainan.

Sinabi ni Leonilo Santiago III na ang mga tao sa Filipino community ay nagkaroon ng mas maraming simpatya para sa ibang tao habang nahaharap sa pandemya. Nakadagdag ito sa sense of civic duty para sa mga Pilipino na nasa ibang bansa para magparehistro at bumoto sa paparating na presidential election, aniya.

Litrato: Leonilo Santiago III

Ang common denominator sa pakiwari ko na hinahanap natin sa isang lider ay ang lakas. Dahil tayo ay nasa mahirap na panahon, ani Santiago, na nag-aaral sa Red River College sa Winnipeg.

Umaasa siya na makakaboto pero hindi nakapagparehistro sa tamang oras, dahil hindi pa na-finalize ang kanyang plano na mag-aral sa Winnipeg noong panahon ng registration para sa overseas voting na nagwakas noong Setyembre.

Bagama’t hindi siya makakaboto, nakatutok siya sa eleksyon at nakikipag-usap sa kanyang mga kaibigan at kapamilya sa Pilipinas tungkol dito.

Sa palagay ko maganda na ang mga Pilipino na namumuhay na sa Canada ay maaari pa rin i-exercise ang kanilang karapatan na bumoto. Ito ang ating civic duty, aniya.

Nakita ni Santiago ang pagbabago sa attitude ng mga Pilipino tungkol sa pulitika. Ang eleksyon na ito ay naiiba — mas maraming tao ang binibigyan ito ng pansin, aniya.

Pakiramdam ko sa kasong ito, ang mga tao ay hindi lang nagsasalita tungkol sa eleksyon hindi lang dahil may kaibigan at pamilya sila roon, ngunit dahil nag-aalala sila para sa mga Pilipino sa kabuuan.

Naniniwala si Santiago na ang mga hamon na hinaharap ng lahat sa panahon ng pandemya ay ginawa ang mga tao na empathetic at aware sa kapakanan ng iba.

Naririnig natin ang tungkol sa mga taong naghihirap all the time. Gising na ang mga tao ngayon.

PANOORIN | Manitobans nag-rally para sa mga kandidato sa Philippine presidential election:

Isang artikulo ni Joanne Roberts (bagong window), CBC News na isinalin sa Tagalog ni Catherine Dona.

Mga Ulo ng Balita