1. Home
  2. Lipunan
  3. Imigrasyon

Pinay mula sa Fort St. John, B.C. ibabahagi ang kuwento ng mga Pilipino sa Peace region

Pinay nais ikuwento ang mga istorya ng mga Pilipinong imigrante sa Fort St. John, British Columbia.

Lumilipad na watawat ng Pilipinas.

Base sa 2016 National Household Census na mula sa Embahada ng Pilipinas, may mahigit 158,000 na Pilipino ang naninirahan sa British Columbia (archives).

Litrato: Rignam Wangkhang

RCI

Alam ni Ovvian Castrillo Hill kung ano ang pakiramdam na magsimula ng panibagong buhay sa isang bagong bansa bilang babaeng Pilipino. Ngayon, nais niyang ibahagi ang mga kuwento ng ibang Pilipinong imigrante sa Peace region.

Ang Peace Region ay matatagpuan sa hilagang-silangang bahagi ng British Columbia, sa pagitan ng Rocky Mountain Foothills sa kanluran at Alberta Plains sa silangan.

Nag-migrate si Hill mula sa Pilipinas noong 2009 at nanirahan sa Fort St. John, British Columbia kasama ang kanyang pamilya. Siya ay isang artist, iskultor, designer at manunulat. Ngayon, nais niyang ibahagi ang kuwento ng ibang Filipino immigrants sa Canada sa pamamagitan ng grant na kanyang natanggap mula sa STORYHIVE Voices.

Ang STORYHIVE Voices ay isang community program ng Telus, isa sa pinakamalaking telecommunications company sa Canada, na pumipili ng 91 creators upang simulan ang kanilang content creation journey. Tatanggap ang bawat creator ng pondo na nagkakahalaga ng $10,000, training at suporta.

Alam ni Hill na hindi madali para sa mga newcomer na magsimula ng bagong buhay sa Canada, lalo na sa isang maliit na lugar tulad ng Fort St. John. Sa pamamagitan ng kanyang maikling dokumentaryo, nais itampok ni Hill ang mga kuwento ng tagumpay ng mga Pilipinong imigrante na magbibigay inspirasyon at boses sa komunidad.

"Minsan nararamdaman ng mga newcomers na wala silang boses, kaya sa paraan na ito, susubukan kong bigyan sila ng boses at susubukan ko ring bigyan ng pagkakataon ang komunidad na makinig," ani Hill sa kanyang interbyu kay Matt Allen sa programang Daybreak North with Carolina de Ryk.

Ano ang dapat asahan ng mga kababayan niyang Pilipino sa naturang proyekto?

Alamin ang sagot ni Hill sa kanyang buong interbyu sa Daybreak North.

Isang artikulo ni Catherine Dona na may kasamang file mula sa Daybreak North with Carolina de Ryk ng CBC.

Mga Ulo ng Balita