1. Home
  2. Kalusugan
  3. Coronavirus

Canada ‘maaaring’ nalampasan na ang peak ng Omicron wave, ayon kay Tam

Ang daily average ng COVID cases sa mga ospital ay mataas pa rin, ani Tam

Head shot ni Theresa Tam, may mga watawat ng Canada na blurred sa kanyang likuran.

Ang Chief Public Health Officer ng Canada na si Dr. Theresa Tam (archives).

Litrato: La Presse canadienne / Adrian Wyld

RCI

Maaaring nalampasan na ng Canada ang peak ng Omicron wave ngunit ang bilang ng mga taong nasa ospital dahil sa COVID-19 ay nasa pinakamataas na level ngayon mula nang magsimula ang pandemya, sabi ni Canada Chief Public Health Officer Dr. Theresa Tam ngayong araw.

Sa mga linggo mula noong modelling update, may early indications na ang mga impeksyon ay nag-peak na sa national level, kasama ang daily case counts, test positivity, Rt o ang effective reproduction number at wastewater surveillance trends, ani Tam ngayong Biyernes.

Nationally, ang average daily case count ay bumaba ng 28 porsyento mula noong isang linggo. Nagbabala si Tam na, dahil ang lab testing ay hindi makasabay sa demand habang kumakalat ang Omicron, ang count na iyon ay maaaring underestimate ng aktuwal na bilang ng mga kaso.

Sinabi rin ni Tam na ang test positivity ay 22 porsyento at ang pitong araw na average ng daily cases ay nasa halos 27,000, ang COVID-19 ay laganap pa rin sa buong bansa.

Habang ang kasalukuyang wave ay maaaring lumampas na sa peak, sinabi ni Tam na ang hospitalization rates ay mabilis pa rin na tumataas at maraming ospital sa Canada ang nasa ilalim ng intense strain.

Sa nakalipas na linggo, ang average ng mahigit 10,000 katao na may COVID-19 ang ginagamot sa mga ospital bawat araw, nalampasan ang peak daily numbers para sa lahat ng dating waves ng pandemya, ani Tam.

Kasama rito ang mahigit 1,100 katao sa intensive care units, na mas mataas kaysa sa lahat maliban sa third wave peak.

Hinikayat muli ni Tam ang lahat ng unvaccinated Canadians at ang mga hindi pa natuturukan ng booster na mag-step up.

Nang tanungin ukol sa isang report mula sa University of Washington na nagsasabing ang pandemya ay humuhupa na, sinabi ni Tam na ito ay posible ngunit nanawagan pa rin na mag-ingat.

PANOORIN / Dr. Tam iniulat ang posibleng pag-peak ng COVID-19 cases sa buong bansa:

Maraming eksperto sa buong mundo ang sinusubukang sagutin ang tanong na iyan. Sa palagay ko hindi ito necessarily ang scenario, ngunit ito ay isang posibleng scenario, kaya sa tingin ko kailangan natin maghanda para sa iba’t-ibang potensyal na hinaharap, aniya.

Tinukoy ni Tam na ang Canadians na gumaling mula sa virus o ang nakatanggap ng booster shots ay magkakaroon ngayon ng mas malakas na immune response. Nagbabala rin siya na ang uncertainty ukol sa kung gaano kabilis humihina ang dagdag na immunity, at ang banta ng mga bagong variant na umuusbong, ay kino-complicate ang paggawa ng predictions.

Matapos mag-peak ang Omicron

Magkakaroon ng future variants. Ito ay isang katangian ng viral infections - patuloy silang nagmu-mutate at bubuo ng bagong variants, ani Dr. Cory Neudorf, isang professor ng epidemiology sa University of Saskatchewan.

Maaari tayong magkaroon ng mas mahabang period kung saan ang isang significant period ng populasyon ay immune sa bagong waves… Makakakita tayo ng mas maraming waves ng COVID na paparating sa atin sa susunod na taon o dalawa, ngunit ang mga senyales ay tumuturo sa mas maliit, less severe.

Sumang-ayon si Neudorf sa panawagan ni Tam sa Canadians na magpaturok ng booster shots kung eligible na. Nanawagan din siya na pagtuunan ng pansin ang vaccine equity sa buong mundo upang mabawasan ang peligro ng pagkakaroon ng future variants na uusbong sa ibang bansa.

Ang karamihan sa global population ay fully susceptible pa rin, aniya. Nasa mapanganib na stage tayo ngayon, itong kombinasyon ng immunized at partially immunized na mga tao sa maraming bansa. Nagbibigay ito ng magandang conditions para mag-mutate ang virus.

Isang artikulo ni Peter Zimonjic (bagong window), CBC News na isinalin sa Tagalog ni Catherine Dona.

May kasamang files mula kay Lauren Pelley ng CBC.

Mga Ulo ng Balita