1. Home
  2. Lipunan
  3. Mga Karapatan at Mga Kalayaan

[Ulat] Talumpati ni Ressa muling nagpainit sa usapin ng kaligtasan ng mga mamamahayag

Ang Nobel Peace Prize ni Ressa hindi mababago ang panganib sa mga mamamahayag, paniwala ng isang journalist

Hawak ni Maria Ressa ang branded t-shirt na may nakasulat na "Believe there is good in the world."

Ibinahagi ni Nobel Peace laureate Maria Ressa na nagbibigay pag-asa ang kabutihang loob ng mga tao na tumulong sa kanya at sa Rappler sa gitna ng mga kontrobersya at kaso (archives).

Litrato: AP / Alexander Zemlianichenko

Rodge Cultura

Isang madilim na paglalarawan sa kasalukuyang kondisyon ng pamamahayag ang pinakawalan ng dalawang Pilipinong journalists mula sa magkabilang panig ng mundo.

Bahagi ng talumpati ni Maria Ressa sa seremonya kung saan iginawad sa kanya ang Nobel Peace Prize ay nakasentro sa isang paksa: ang teknolohiya at mga taong nasa kapangyarihan ay parehong nagdulot ng negatibong epekto sa espasyo kung saan dapat katotohanan ang naghahari.

Naging kasangkapan umano ang teknolohiya at ang social media sa pagpapakalat sa kasinungalingan at galit.

Kailangan natin ng isang information ecosystem na nabubuhay at namamatay sa kamay ng katotohanan. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng pagbabago sa social priorities para muling itaguyod ang journalism sa ika-21 na siglo habang nire-regulate at ipinagbabawal ang surveilance economics na kumikita sa galit at kasinungalingan.
Isang quote mula sa Maria Ressa, 2021 Nobel Peace Laureate

Matapos manawagan si Ressa na magkaisa ang lahat para depensahan ang katotohanan, nagbigay ng reaksyon sa interbyu ng Radio Canada International ang dalawang mamamahayag para isiwalat ang karanasan sa trabaho at ihayag ang nakikitang pag-atake sa pamamahayag.

Kaugnay na ulat

Si Perfecto Caparas, isang co-convenor ngayon sa samahan ng mga mamamahayag sa North America, ay nais itulak ang kapit-bisig na pagtutulungan para mabago ang teknolohiya na pumapabor sa kasinungalingan at naghaharing galit sa social media.

Samantala, si Erwin Mascariñas, isang photojournalist at kolumnista, ay nangangamba na baka mawalan ng saysay ang laban para sa katotohanan na isinusulong ni Ressa mula sa pagkilala na kanyang natanggap.

Hawak ni Erwin Macariñas ang kamera.

Kinilala si Erwin Macariñas sa kanyang mga kuhang litrato sa kalikasan.

Litrato: RCI / Erwin Mascarinas/PH

Malaki ang hamon na tinanggap ni Mascariñas sa trabaho bilang isang mamamahayag.

Sa rehiyon ng Caraga na nasa timog-silangan ng Pilipinas matatagpuan ang pinakamaraming operasyon ng pagmimina. Umaabot sa 138,000 na ektaryang lupain ang binubungkal at kinukunan ng mahahalagang mga mineral.

Sa huling tala ng Mines and Geosciences Bureau buwan ng Hulyo 2021, hindi bababa sa 46 na kompanya ang nagmimina at may aprubadong Mineral Production Sharing Agreement. Walong iba pa ang kasalukuyang nagre-renew sa kanilang mineral production sharing agreement .

Naging pangunahing paksa sa mga balita na isinulat ni Mascariñas noon ang lumalalang kondisyon sa kapaligiran. Ito ang mga istorya ukol sa nakababahalang bunga ng mga minahan na pumapatag sa kagubatan, pagkasira sa watershed na pinagkukunan ng inuming tubig ng libo-libong residente at masamang epekto ng mga latak sa minahan na dumadaloy sa ilog patungo sa baybayin na nakapipinsala sa biodiversity ng yamang dagat.

Pumukaw noon sa marami ang mga umiikot na kuhang litrato ni Mascariñas sa pagkasira ng kalikasan sa mga lugar na talamak ang pagmimina.

Babae kumukuha ng litrato gamit ang cellphone.

Ipinakita sa photo exhibits ni Erwin Mascariñas sa kanyang pag-iikot sa Mindanao ang pagkasira ng kapaligiran sa mga lugar kung saan may operasyon ng pagmimina sa Caraga region sa Pilipinas.

Litrato: RCI / Erwin Mascarinas/PH

Nakuha ng mga larawan ni Mascariñas ang atensyon ni dating Philippine Environment Secretary at yumaong environmentalist na si Gina Lopez. Matapos ang industry-wide audit sa pagkasira ng kapaligiran dahil sa pagmimina, nasuspinde ang dagdag na 23 kompanya ng minahan noong 2017 sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas habang nirerebyu ang kanilang Mineral Production Sharing Agreement.

Kaugnay na mga ulat

Ngunit maging sa matapang na balita na isiniwalat ni Mascariñas, naging tahasang target sa panlilinlang at kasinungalingan ang kanyang trabaho na ipinakalat sa social media.

Ginamit ang aking litrato sa isang pro-Duterte Facebook page... ginamit ang litrato at ipinost online na umano ay walang sinasabi sa mina ang mga media.. [Sila] ang maniningil sa mina. Kinuha nila ang larawan para sa isang konteksto na para sa akin 'Teka, sasabihan mo kaming mga mamamahayag o ang media na walang ginagawa o hindi nagbabalita tungkol sa pagmimina. Pero ginagamit mo ang aking litrato na nai-publish na,' umaalma na ikinuwento ni Mascarinas.

Lalaki pasan ang tripod at kamera.

Madalas na tema sa mga kinukuhang litrato at isinusulat na balita ni Erwin Mascariñas ang kapaligiran.

Litrato: RCI / Erwin Mascarinas/PH

Nakakalungkot, ang kampanya sa disinformation, lalo na sa ipinunterya sa mga mamamahayag, sa media, sa paggawa ng tungkulin ng media sa pangkalahatan at doon sa practitioners na sa paniwala nila ay iba sa kanilang paninindigan. Lubhang nangingibabaw ito kaysa mga kaparaanan na ginagawa para matigil ang mga pangyayaring ito. Kaya ang problema ay malalim na nakaugat at lumaki ng napakasobra ang disinformation na ang mga tao ay wala ng pakialam para mag-isip ng kritikal at maging mapanuri, nababahalang sabi ni Mascariñas sa interbyu ng Radio Canada International.

Sa isang bahagi ng talumpati ni Ressa noong Byernes, inihayag niya ang kanilang natuklasan batay sa pagsasaliksik at sa personal na karanasan kung paano naging sistematiko ang disinformation sa social media.

Para ipakita kung paano ang disinformation ay lokal at pandaigdigan, tingnan ang Chinese disinformation operations na tinanggal ng Facebook noong Setyembre 2020. Gumagawa ito ng pekeng mga accounts gamit ang litrato na gawang AI (artificial intelligence) para sa eleksyon sa United States of America, pagandahin ang imahe ng mga Marcos, kinakampanya ang anak ni Duterte at inaatake ako at ang Rappler, sabi ni Ressa.

Walang komento na inilabas ang gobyerno ng Pilipinas matapos ang pahayag na ito ni Ressa. Pero noong Oktubre ay binati ng Palasyo ng Malacañan si Ressa sa pagkapanalo niya ng Nobel Peace Prize sabay kambyo laban sa kanya.

Hindi ito sampal sa gobyerno. Ginawa ito ng mga pribadong indibidwal sa Norway. Iginagalang namin ang kanilang desisyon pero gaya ng sinasabi ko, ang pananagutan na kriminal ni Maria Ressa ay nanatiling nakaumang sa ating mga korte at hinahayaan namin ang korte sa kahihinatnan niyan, ayon kay dating Presidential Spokeperson Harry Roque.

Nahaharap si Ressa sa sampung patong-patong na kaso na may kaugnayan sa libel, buwis at securities. Karamihan ay isinampa ng gobyerno laban sa kanya at sa itinatag nito na online news site na Rappler.

Nagiging karaniwan na laman ng mga pangungutya sa social media si Ressa na paniwala ng iba ay sistematikong pagyurak sa kanyang pagkatao at para siya ay kamuhian. Ilan sa mga pag-atake ay may kaugnayan sa kanyang kasarian na ipinapanawagan ang karahasan para siya ay alipustahin. Paulit-ulit din na kinukuwestiyon ang kanyang pagka-Pilipino gayong isa siyang dual citizen, Pilipino at Amerikano.

Isang batas ang nagpoprotekta sa mga tech companies sa United States of America para hindi sila maihabla kung anumang bayolasyon mayroon sa kanilang platform na ipinost ng mga gumagamit nito. Ang seksyon 230 sa probisyon ng Communications Decency Act sa Estados Unidos kung saan rehistrado ang mga tech companies ay nagsasaad na hindi itinuturing na publisher o tagapagsalita ang provider (tech company) o ang gumagamit ng interactive computer service sa anumang nilalaman na isinapubliko ng isang content provider sa impormasyon. Samakatuwid, walang pananagutan ang tech companies sa mga ipinost ng mga gumagamit ng platform gaya ng Facebook. Ito ang ipinapanawagan ni Ressa na dapat na marepaso o kaya ay burahin.

Ang Facebook ang pinakamalaking tagapamahagi ng balita, pero ipinapakita rin sa pag-aaral na ang mga kasinungalingan na may tali ng pagkamuhi at galit ay mabilis na kumakalat kaysa katotohanan, giit ni Ressa.

Ikinatwiran ni Ressa na nagbibigay daan ang teknolohiya sa awtoritaryan at diktador na pamumuno. Pinagkakakitaan din umano ang kasinungalingan at pagpapakalat ng poot.

“Ang social media ay nakamamatay na laro ng kapangyarihan at pera, tinatawag ni Shoshana Zuboff na surveillance capitalism, hinihigop ang pribado natin na buhay para sa napakalaking kita ng mga korporasyon. Ang ating personal na mga karanasan ay napupunta sa isang database, inoorganisa ng AI (artificial intelligence), at ibinebenta doon sa pinakamataas na bidder. Napakalaking kita sa micro-targeting operations na niyari para balangkasin ang pagbagbag sa kagustuhan ng tao - isang behavior modification system kung saan tayo ang Pavlov’s dogs, ini-eksperimentuhan sa mga oras na ito na may nakapipinsala na kahihinatnan gaya sa bansa namin, sa Myanmar, India, Sri Lanka at marami pang iba,” pahayag ni Ressa.

Ayon kay Perfecto Caparas, isang kolumnista at miyembro ng komiteng bumubuo ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) North America Chapter, responsibilidad ng tech companies ang siguraduhin na pigilan ang pagkalat ng kasinungalingan. Isang bagay na hindi dapat ibaling ang sisi sa mga tao na gumagamit nito.

Logo ng Meta at Facebook.

Patuloy na nangunguna ang Facebook na ginagamit na social media platform ng mga Pilipino batay sa survey ng Pulse Asia mula Hunyo hanggang Setyembre 2021.

Litrato: Dado Ruvic/Reuters

Meron silang mga tinatawag natin na social responsibility. Tungkulin sa lipunan na tiyakin na ang lalamanin ng kanilang platform ay katotohanan at hindi naghahasik ng galit o lagim at hindi naging tuntungan at daluyan ng galit. Dito makikita na napaka-strategic, napakalawak ng impact ng big tech sa kasalukuyang panahon ng ating information communication and technology. Kaya hindi nila puwede ipasa ang sisi sa mga end-user ng social media platforms, sabi ni Caparas.

Naniniwala si Caparas na kinakasangkapan ang teknolohiya ng mga nagtatangka na kitilin ang karapatan ng mga tao sa isang demokrasya.

Unang-una ang paggamit ng AI ng big tech. Malaki ang may kaugnayan dito ang surveillance state ng mga diktadura na naghahangad na palakasin ang kanilang mga kapangyarihan gamit ang algorithm ng mga social media platforms upang magpakalat ng disinformation. At upang wasakin ang mga pwersa ng demokrasya, dagdag ni Caparas.

Pero kaakibat nito ay responsibilidad din umano ng mga gumagamit sa Facebook at ibang platform na bantayan ang lumalalang pag-atake sa kanilang kamalayan. Ang mga ordinaryong tao ay kailangan mapagbantay sa kanilang karapatang pantao, sa kanilang panlipunang kagalingan, at sa kanilang karapatang pampulitika at pang-sibil. Bukod sa kailangang mapagbantay, kailangang maging mapanuri, maging mapagtanong at alamin ang mga implikasyon ng mga galaw at hakbang ng pamahalaan at ng big tech dahil ang pinupuntirya ng mga state actor at non-state actors na ito ay ang pagkontrol sa kaisipan at kamalayan ng mga mamamayan, ani Caparas.

Bilang mga journalist ang pangunahin nating itinataguyod ay ang ating karapatan sa malayang pananalita at pamamahayag. At sa kabilang banda ang karapatan ng ating taong bayan, ng ating mambabasa, mga tagapakinig na magkaroon ng access sa at tumuklas pa ng mga kaalaman. At isa pang dapat isagawa ay tiyakin na sa mga pagkakataong nilalabag ang mga karapatang ito ay magkaroon din tayo ng access sa remedies para maiwasto at maituwid ang anumang mga paglabag sa mga karapatang ito. At ito ay karapatang pantao na pinangangalagaan ng international covenant on civil and political rights, paglilinaw ni Caparas.

Sa paggawad ng Norwegian Nobel Committee sa pinakamataas na pagkilala sa dalawang mamamahayag, kina Maria Ressa ng Pilipinas at Dmitry Muratov ng Russia, ipinapakita ang kahalagahan ng pamamahayag na nahaharap sa matinding hamon ng panahon.

Pero kung si Mascariñas ang tatanungin wala itong makabuluhang naibigay sa mga mamamahayag sa Pilipinas na humaharap araw-araw sa laban para sa katotohanan, mga maliliit na taong nagtitiis sa masamang kondisyon sa trabaho at kita at sa mga patuloy na banta ng karahasan at pagpatay.

In reality, none. It doesn't make their lives easier. It doesn't make the reporting better. But this is good, but one thing's for sure, it's inspiring others as well. These people who got inspired by it are only few, and these are the people who are already doing well in their practice. It's more like it's an ego-concrete cement for these people who have already been standing up for their rights, for their work, for believing it, for the standards of journalism that they're doing. To have this award [given] to Maria Ressa and to [a] fellow Filipino, it just give[s] the resonance that yes, we need to go on. And so yes, we need to go on. But this does not affect others, as well as those few that are really fighting for a just cause, giit ni Mascariñas.

Sa tala ng Committee to Protect Journalists o CPJ, 87 na ang mga pinatay na journalists sa Pilipinas mula 1992 hanggang 2021.

Rodge Cultura

Mga Ulo ng Balita