1. Home
  2. Kalusugan
  3. Pagbabakuna

COVID-19 bakuna para sa mga sanggol at maliliit na bata maaaring maaprubahan sa 2022

Tine-test na ng Pfizer-BioNTech at Moderna ang bakuna para sa mga sanggol simula anim na buwan

Binabakunahan ng health-care worker ang isang bata.

Nagsimula na ang kampanya sa pagbabakuna para sa mga batang 5 hanggang 11 taong gulang. (Archives)

Litrato: La Presse canadienne / Steve Russell

RCI

Sinabi ng chief public health officer ng Canada na ang COVID-19 na bakuna para sa mga sanggol at maliliit na bata ay maaaring maaprubahan sa unang bahagi ng 2022, depende kung ano ang mangyayari sa clinical trials.

Sa isang interbyu sa CBC/Radio-Canada, sinabi ni Dr. Theresa Tam na ang bakuna para sa mga pinakabatang tao sa Canada ay puwedeng maging turning point sa paglaban sa COVID-19.

Ang mga bata ay may malakas na immune system at inaasahan ko na magkakaroon din sila ng magandang immune response sa bakuna, aniya.

At para sa mga magulang, parang nagbibigay ito ng karagdagang pag-asa.

Sa isang major vaccine milestone, ang mga bata edad lima hanggang 11 ay nagsimula ng makakuha ng unang doses ngayong linggo matapos aprubahan ng Health Canada ang bakuna ng Pfizer-BioNTech para sa age group na ito. Samantala, nagsasagawa naman ng clinical trials para sa edad anim na buwan hanggang mas mababa sa limang taon.

Naghihintay ang Moderna para sa approval ng Health Canada sa COVID-19 vaccine nito para sa mga bata edad anim hanggang 11, at nasa gitna rin ng pagre-recruit ng mas maliliit na mga bata para sa clinical trial.

Hindi ko masasabi sa inyo kung kailan eksakto magiging available ang resulta, ani Tam tungkol sa mga trial. Depende kung ilang tao ang kanilang mare-recruit at gaano kabilis magaganap ang trial. Ngunit sa tingin ko lahat ay nag-umpisa na.

Close up shot ni Theresa Tam.

Dr. Theresa Tam, ang chief public health officer ng Canada. (Archives)

Litrato: La Presse canadienne / Justin Tang

Sinabi ni Tam na inaasahan niyang unang makikita ang resulta para sa Pfizer-BioNTech vaccine para sa edad dalawa hanggang lima. Sinabi ng doktor na umaasa siya na makakakuha ng trial data sa pagtatapos ng taon.

Na ang ibig sabihin para sa pinakabatang age group, ang maaaring maging timeline ay umpisa ng susunod na taon, aniya.

Nasa kamay ng Health Canada ang pagsusuri ng datos at pag-apruba sa mga bakuna.

Sinabi ni Tam na ang mga bakuna na iyon ay maaaring magdagdag ng ekstrang layer ng proteksyon para sa mga magulang at bata.

At puwede ring mag-alok ng isa pang option para bawasan ang disruptions sa kanilang buhay, maging daycare man o kindergarten, aniya.

Talagang magandang balita iyan kapag nakuha na natin ang resulta.

Isang artikulo ng CBC News na isinalin sa Tagalog ni Catherine Dona.

Mga Ulo ng Balita